Senator Jinggoy Estrada leaves for U.S. without wife Precy; says she will join him at a later date

Hindi magkasabay na lumipad patungong San Francisco, California, si Senator Jinggoy Estrada at ang maybahay nitong si Precy Ejercito. Nakatakda raw kumonsulta sa isang U.S.-based doctor si Precy kaugnay ng natagpuang bukol sa kanyang dibdib.


Natuloy na umalis patungong San Francisco, California, si Senator Jinggoy Estrada kahapon, November 2.

Ngunit taliwas sa mga naunang naiulat ukol dito, hindi kasama ng senador ang kanyang maybahay na si Precy Ejercito, na kinakailangan daw magpa-medical check up sa U.S., sanhi ng natagpuang bukol sa dibdib nito.

Ayon sa updated report ng The Philippine Star ngayong araw, November 3, sinabi ni Senator Estrada na sa November 8 pa makakaalis ng bansa si Precy, kasama ang bunso nilang anak na si Jill.

Magkakaroon lang daw ng kaunting pagbabago sa schedule ng medical appointment ng kanyang misis, gawa ng delayed arrival nito sa U.S.

Nakatakda raw sanang kumonsulta sa isang American doctor si Precy sa November 4.

Ayon sa media relations officer ni Senator Estrada na si Bienne Andrews (asawa ng aktor na si Bobby Andrews), naiwan pa si Precy dahil kailangan pa nitong asikasuhin ang ilang bagay na may kinalaman sa kanilang pamilya, kabilang na ang pagpapaalam kay Jill sa eskuwelahan.



GOING BACK. Ganunpaman, ginarantiya ni Senator Estrada na kung ano man ang resulta ng check-up ni Precy ay sa Pilipinas pa rin nito balak ituloy ang pagpapagamot.

Iginiit din ng senador na babalik siya ng Pilipinas bago magsimula ang November 18 Senate hearings, kaugnay ng sinasabing maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) o mas kilala bilang pork-barrel scam.

Nahaharap sa kasong plunder, malversation of funds, at graft si Senador Estrada dahil sa pagkakasangkot diumano nito sa pork-barrel scam.

Aniya, "They don’t need to worry about me. Whether the case against me is weak or strong, I will return and maintain my perfect attendance at the Senate."

Ipinakita rin ni Senator Jinggoy na gamit niya ang kanyang regular passport sa pag-alis patungong U.S.



ONGOING PLUNDER CASE. Noong October 24, matatandaang hiniling ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa Department of Foreign Affairs (DFA), na kanselahin ang pasaporte nina Senator Estrada, Senator Bong Revilla, Senator Juan Ponce Enrile, at 34 pang sakot sa pork- barrel scam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kabila nito, nilinaw ni Secretary De Lima, sa panayam ng dzMM noong October 28, na hindi pipigilan ng DOJ ang pag-alis ng bansa si nSenator Jinggoy dahil wala pang "hold departure order" o "lookout bulletin" laban dito.

Dagdag pa ni Secretary De Lima, ipinaalam sa kanya ng senador ang tungkol sa plano nitong samahan ang misis na si Precy na magpasuri sa duktor sa U.S.

Sabi ni Secretary De Lima, "At least he has the courtesy to inform us, the courtesy to manifest na ganun ang plano.

"Baka nga naman dati pa nilang plano ’yan, lalo na the reason cited—the health condition of his wife.

"Pag mga ganyan, puwede naman. We are not unreasonable."

Kaugnay nito, tiniyak ni Senator Jinggoy na hindi siya iiwas sa anumang warrant of arrest na maaaring ipalabas kaugnay ng mga kasong plunder, malversation, at graft na isinampa ng DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of The Ombudsman laban sa kanya.

“Haharapin ko lahat ng mga kaso laban sa akin, lahat ng mga paratang laban sa akin," ani Senator Estrada.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN