Nora Aunor downplays National Artist buzz

"Hindi ako naniniwala hangga’t [hindi naibibigay]," pahayag ng Superstar na si Nora Aunor kaugnay ng malakas na usap-usapang isa siya sa tatanghaling National Artists ngayong 2013.


Pinangunahan ng Superstar na si Nora Aunor ang mga dumalong celebrity sa invitational gala premiere ng pelikulang Sapi, kagabi, November 5, sa SM Megamall Cinema 5.

Bagamat wala si Nora sa Sapi, ang bagong pelikula ni Brillante "Dante" Mendoza, nagpakita ng suporta ang tinaguriang Superstar kay Dante, na naging direktor niya sa Thy Womb (2012).

Tampok sa pelikula sina Dennis Trillo, Meryll Soriano, at Baron Geisler.

Dahil maingay na ang usap-usapan ng umano’y napipintong pagdedeklarang National Artist kay Nora, malugod na in-acknowledge ni Direk Brillante ang pagdalo ng aktres sa premiere ng pelikula niya, sabay-tawag niya rito ng "future National Artist."

Nagpalakpakan ang mga dumalo pagkarinig ng sinabi ni Direk Brillante.

Marahang tumayo si Nora bilang pag-acknowledge din sa magandang pagpapakilala sa kanya ng premyadong filmmaker at producer.



RELUCTANT. Bago ito ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang taga-media si Nora tungkol sa napag-uusapang National Artist honors, na malamang maigawad sa kanya ngayong 2013.

Maraming ulat ang naglalabasan, partikular na ang Facebook page na "Nora Aunor for National Artist: The Real Journey Begins Here," na unang nag-ulat hinggil sa anim na pangalang nasa talaan ng umano’y gagawaran ng titulong National Artist ngayong taon.

Kabilang sa listahan si Nora, at nasa kategorya siya ng "Film and Broadcast Arts."

Ang iba pa ay sina Cirilo Bautista, Literature; Francisco Coching, Visual Arts; Francisco Feliciano, Music; Alice Reyes, Dance; at Jose Ma. Zaragoza, Architecture.

Bagamat wala pang opisyal na anunsiyo mula sa Office of the President, ang ulat na ito ay nanggaling diumano sa sources mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ang mga ahensiyang ito ng gobyerno ang naatasang pumili at mag-nominate ng tatanghaling National Artists.

Pending announcement, confirmation, and conferment by the Office of the President, malinaw ngayon ang kautusan mula sa Supreme Court na hindi na maaaring bawasan o dagdagan ng Pangulo ang listahang naisumite ng nominating councils mula sa NCCA at CCP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito’y matapos magkaroon ng malaking alingasngas sa pagpili ng National Artists noong 2009.

Matatandaang kinuwestiyon ng ilang National Artists at ilang lehitimong mga alagad ng sining ang pagkakasama nina Carlo J. Caparas (Visual Arts and Film), Cecile Guidote-Alvarez (Theater), Francisco Mañosa (Architecture), at Pitoy Moreno (Fashion Design) sa mga hinirang na National Artists.

Ang mga nabanggit ay tinanggalan na ng titulong National Artist ng Supreme Court nitong 2013.

Ang apat ay iprinoklamang National Artists ng noo’y nakaupong Presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ay sa kabila ng wala ang mga pangalan nila sa inirekomendang nominees ng selection committee.

(Read: Five National Artists petition Supreme Court against conferment of Awards to Malacañang’s choices)

Tungkol naman sa malakas na usap-usapan tungkol sa napipintong pagdeklara sa kanya bilang National Artist, sinabi ni Nora na hangga’t maaari ay huwag muna sanang mapag-usapan ang tungkol dito.

"Hindi naman sigurado pa, baka tayo, e..." tila nahihiyang sambit ng Superstar nang tanungin siya ng GMA News tungkol dito.

Dagdag niya, "Hindi ako naniniwala hangga’t [hindi naibibigay]."

Ano ang reaksiyon niya na marami na ang nagbubunyi ngayon pa lang, lalo na ang Noranians?

Sabi ng 60-year-old actress, "Hindi naman... hindi naman. Huwag... huwag muna.

"Baka hindi naman, e, mapapahiya naman tayo niyan."

Pero kung ipagkakaloob nga sa kanya ang karangalan, sabi rin ni Nora, "Salamat ng marami."

NON-COMMITTAL. Samantala, ang kaibigang writer ni Nora na si Ricky Lee, na dumalo rin sa gala premiere ng Sapi, ay non-committal naman hinggil sa usap-usapang siya ang naatasan ng CCP na magsulat ng National Artist citation, partikular kay Nora.

Aniya, "Bakit ang daming lumalabas? Hindi dapat sa amin manggaling ’yan.

"Hindi pa official. Mapupulaan lang tayo."

Para kay Ricky—na siyang may-akda ng klasikong pelikulang Himala (1982), na tinampukan ni Nora at idinirek ng National Artist for Film na si Ishmael Bernal—talagang panahon na upang maigawad sa Superstar ang National Artist.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi raw muna dapat siya magkomento hangga’t wala pang opisyal na anunsiyo mula sa Palasyo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN