Marian Rivera hesitant to talk about Vietnam visit: “Para naman kasi akong nagbubuhat ng sarili kong bangko.”

Hindi raw inaasahan ni Marian Rivera ang naging mainit na pagtanggap sa kanya ng Vietnamese fans nang bumisita siya ng ilang araw sa Vietnam. Sabi niya, “Hindi ko ini-expect, yung sa airport pa lang, ang dami ng tao! Basta, nandoon sila, mga Vietnamese lahat, mga locals silang lahat. May mga banner, sobrang unexpected. Parang hindi nagsi-sink-in, parang, ’Totoo ba itong nangyayari?’ Yung ganun.”


Dumating na kahapon, November 6, ang aktres na si Marian Rivera mula sa ilang araw na pagbisita sa bansang Vietnam.

Nagpunta si Marian sa Vietnam, simula noong November 3, sa imbitasyon na rin ng TV station na nagpapalabas ng kanyang mga teleserye doon—ang Today TV.

Sa kasalukuyan ay dalawa ang ipinapalabas na teleserye ni Marian sa Vietnam—Dyesebel at Temptation of Wife.

Tuwing 5:30 p.m. ng hapon ipinapalabas ang Dyesebel, at 7.p.m. naman ang Temptation of Wife.

Napakainit ang naging pagtanggap ng mga Vietnamese sa Filipino actress, base na rin sa mga larawan at video footage na lumabas sa social media at sa telebisyon nitong mga nakaraang araw.

Talagang pinagkaguluhan si Marian kahit saan siya magpunta.

Kinagabihan ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Kapuso Primetime Queen sa pamamagitan ng telepono.

Ipinakuwento ng PEP kay Marian ang naging karanasan niya sa Vietnam, ngunit sinabi nitong hangga’t maaari sana ay ayaw niyang sa kanya manggaling kung gaano kainit ang pagtanggap sa kanya ng mga Vietnamese.

“Para naman kasi akong nagbubuhat ng sarili kong bangko,” ang may pag-aalinlangan sabi ng aktres.

Sinabi namin kay Marian na may mga ebidensiya naman na ganoon pala siya kasikat sa Vietnam.

Tugon ni Marian, “Siguro, ang masasabi ko lang, nakakatuwa, sobrang overwhelming yung naramdaman ko.

"Kasi, ako talaga, noong pumunta kami dun, kahit sinasabi ko nga kay Rams [David, her business manager], wala lang, noong nasa plane kami.

“Hindi ko ini-expect, yung sa airport pa lang, ang dami ng tao!

"Basta, nandoon sila, mga Vietnamese lahat, mga locals silang lahat.

"May mga banner, sobrang unexpected.

“Parang hindi nagsi-sink-in, parang, ’Totoo ba itong nangyayari?’ Yung ganun.”

Paano maikukumpara ni Marian ang mga fans niya sa Pilipinas sa mga fans sa Vietnam?

Sagot niya, “Ang hirap naman yatang mag-compare.

"Siguro, ang masasabi ko lang, parehas din naman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At para sa akin, nagiging makabuluhan ang buhay ng isang artista dahil sa pagmamahal nila.

"Yung fame and money, bonus na lang ‘yan sa buhay ng artista.

“Pero yung minamahal ka nila, yung pagmamahal ng mga tao, kauri mo man sila o hindi, para sa akin, yun ang pinaka-importante sa lahat.

“At ang laking pasasalamat ko sa GMA na nagkaroon ako ng ganitong oportunidad na mahalin ako ng mga tao.

"Mapalad ako na nabibigyan ako ng pagkataon na mapaligaya sila, kahit paano, ma-touch ang buhay nila.

"Para sa akin, yun ang pinaka-importante sa lahat para sa aming mga artista.”



MARIAN’S ACTIVITIES. Nagkaroon ng press conference si Marian sa Vietnam noong November 4, na dinaluhan ng 50 Vietnamese press at ginanap sa ballroom ng Intercontinental Hotel, sa Ho Chi Minh City.

Sa araw ring iyon ay nagkaroon ng Grand Fans Day si Marian, at dito na raw dumagsa ang napakaraming Vietnamese fans ng aktres.

Nagkaroon din daw ng promo ang Today TV na tinawag nitong “Knock The Door,” kunsaan sinusorpresa ang kanilang loyal viewers na naaabutang nanonood ng mga programa nila.

Dalawang bahay raw ang sinorpresa ng network sa pamamagitan ni Marian—isang middle-class family at isang mayaman talaga—noong November 5.

Nagulat daw ang mga binisitang pamilya ni Marian nang makitang nasa bahay nila ang pinapanood lamang nilang Filipina actress.

Ipinakuwento namin kay Marian kung ano ang mga naganap sa pagbisita niyang yun.

“Pagpunta ko ng bahay, nanonood sila ng Temptation of Wife.

"Siyempre, sobrang nagulat sila, hindi sila makapaniwala.

"At ang sweet nila. Umiiyak sila noong makita nila ’ko, sobrang sincere nila.

"Sa susunod na bahay, ganoon din."

Pero dugtong niya, “Sabi ko nga, siguro mas maganda kung iba na lang ang tanungin niyo at magkuwento sa nangyari.

"Nakakatuwa sila, siguro kasi, di ba, yung mga series naman na ginagawa ko, like Marimar, Temptation [of Wife], kadalasan, sa bandang huli na talaga ako... yung gumaganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya palagi nilang sinasabi kapag nakikita ko, ’’You’re more beautiful in person.’”

Natuwa rin daw ang mismong may-ari ng Today TV sa pagbisita ni Marian sa Vietnam, dahil sa ilang araw na nandoon siya ay nag-number one ang mga programang nilabasan ng aktres.

Dahil dito ay niregaluhan siya ng may-ari ng Today TV ng isang damit.



MOBBED BY FANS. Nakausap din ng PEP ang business manager ni Marian na si Rams David.

Ito ang nagkuwento na kapag naglalakad sila ni Marian, tinatawag nila ang aktres na "Marimar," "Marian," at "Dyesebel."

Wala rin daw tigil ang mga nagpapakuha ng picture sa aktres, kahit nang magsimba sila sa Cathedral.

May isang lalaki naman daw, na ang edad ay nasa 25, na mula sa fans’ day ni Marian ay dumiretso sa tinuluyan nilang hotel at matiyagang naghintay sa Kapuso Primetime Queen.

Hindi raw sila agad dumiretso ng hotel, kaya nang dumating sila, sampung oras na raw palang naghihintay ang fan kay Marian.

Hiningan namin ng reaksiyon si Marian tungkol dito.

Aniya, “Niyakap ko siya noong makita ko.

"Noong makita niya ako, nag-iiyak siya.

"Tapos, yun nga, sampung oras na raw na naghihintay.

"Hanggang sa airport pabalik ng Manila, nandoon din siya, at yung iba, hinatid nila ako.

“Sabi ko nga, sobrang overwhelming yung nangyari.”



HER MOM’S BIRTHDAY. Kahapon lang dumating si Marian, kaya wala siya sa mismong araw ng kaarawan ng inang si Amalia Rivera noong November 5.

Kaya nang dumating ang aktres ay dumiretso siya sa dinner nila, kasama ang ina at kanyang lola na si Francisca Rivera.

Nag-post pa nga si Marian ng mga picture mula sa dinner sa Instagram account niya (@therealmarian).

May fan sign pa nga ang ama niyang si Francisco Javier Alonzo Gracia, mula sa Spain, para sa mama niya na “Feliz Compleaños, Amie.”

Parang bata namang kinikilig si Marian habang nagkukuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “Ka-chat ko si Papa ko, kasi noong birthday ni Mama, sabi ko, ’Ay, Papa, wala ka bang naaalala? November 5?’

"Sabi niya, ’Ha-ha-ha! Yun ang birthday ni Mama.’

"Sabi ko, batiin niya.

"Kaya noong nag-dinner kami, ipinakita ko kay Mama. Kinilig ako!

“Binibiro ko nga si Mama, ’Bakit parang kinikilig ka riyan?’

"Sabi ni Mama, ’Ikaw talagang bata ka!’” natatawang kuwento niya.

Matagal nang hiwalay ang mga magulang ni Marian.

Dugtong pa ni Marian, “Alam mo, isa yun sa talagang ipinagpapasalamat ko rin, yung pamilya ko, na okay sila. Masaya.

"Kita niyo naman, ang sweet-sweet ni Papa.

"Kahit hiwalay na sila, may respeto pa rin sila sa isa’t isa.

“Minsan, kapag magkausap kami ni Papa... e, si Papa, nagsasalita ng Spanish, dire-diretso.

"Sabi ko, ’Ma, ikaw nga ang kumausap kay Papa.’

"E, si Mama, fluent ‘yan sa Spanish, so minsan, kapag hindi ko na maintindihan, ita-translate niya sa akin.”

Ngayong araw naman, November 7, ay nasa Davao si Marian para sa isang event kunsaan siya ang ipinadalang representative ng GMA.

Nalaman din namin mula kay Marian na sa November 18 ay magsisimula na siya ng taping para sa bago niyang primetime series.

“Dire-diretso na yun, wala nang uwian!” bulalas ni Marian.

Mauuna ang teleserye niya bago ang sitcom na gagawin din niya?

“Oo, e, gusto ko munang mag-focus sa soap kahit one week.

"Mahirap yung bago kong character. Sobrang heavy, kaya doon muna.”

Kung walang mababago, unang beses pa lang makakatambal ni Marian ang dalawa niyang leading men sa kanyang primetime series.

Posible raw na sa pagpasok ng 2014 masimulan ni Marian ang kanyang sitcom.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN