Janet Lim-Napoles maintains innocence in PDAF scam; denies allegations of whistleblowers

Paulit-ulit na sinabi ni Janet Lim-Napoles na "hindi totoo" ang alegasyon ng mga whistleblowers na siya ang mastermind sa pagtayo ng 20 pekeng non-government organizations na sangkot sa pork barrel scam. "Nagulat ako [na nasa properties ko ‘yan]. Me kaso na sa Ombudsman dun ko na lang sasagutin," paiwas na sagot ng businesswoman.


Mariing pinabulaanan ni Janet Lim-Napoles na may kinalaman siya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork-barrel scam.

Sa unang pagkakataon ay humarap si Napoles sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pork-barrel scam ngayong araw, November 7.

Sa pangunguna ni Committee Chairman Teofisto Guingona III, kaagad hiningan ng Senado ng reaksiyon si Napoles tungkol sa mga alegasyon laban sa kanya ng pangunahing whistleblower na si Benhur Luy.

Dito ay itinanggi ni Napoles na siya ang utak sa likod ng mga pekeng non-government organizations, na diumano’y tumanggap ng sampung bilyong piso (P10 billion) mula sa PDAF.

Iginiit din ni Napoles na hindi totoong initusan niya ang kanyang mga empleyado na magtayo ng mga pekeng non-government organizations, upang kumita ng limpak-limpak na salapi mula sa PDAF ng mga kasabwat niyang mambabatas.

Inabot ng anim na oras ang pagdinig, ngunit walang napigang sagot mula kay Napoles.

"Hindi po totoo."

"Wala po."

"I invoke my right against self-incrimination."

Ito ang halos pare-parehong sagot ni Napoles sa mga ibinabatong tanong sa kanya ng mga senador na nasa pagdinig.

Kabilang sa mga nagtanong sa kanya ay sina Senators Guingona, Miriam Defensor-Santiago, Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero, Bam Aquino, Grace Poe, at Antonio Trillanes.

Tumanggi ring magbigay ng detalye si Napoles kung anu-ano ang mga transaksiyong nagaganap sa pag-aari niyang negosyo, ang JLN Trading Corporation.

Aniya, “May kaso na po sa BIR [Bureau of Internal Revenue]. Dun na lang sasagutin kung ano yung tine-trade namin."



TRANSACTIONS, RECORDS, VOUCHERS. Pinabulaanan din ni Napoles na personal niyang kilala sina Senator Bong Revilla, Senator Jinggoy Estrada, at Senator Juan Ponce Enrile, na nadadawit sa diumano’y maanomalyang paggamit ng PDAF.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang tatlong mambabatas sa kasong plunder, malversation of funds, at graft na isinampa ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinasabing tumanggap si Senator Revilla ng P224.5 million, si Senator Enrile ng P172.8 million, at si Senator Estrada ng P183.79 million, bilang kickback diumano mula sa ghost projects ng pekeng NGOs ni Napoles.

Sabi ni Napoles, “Nakakaawa yung mga senador na nada-drag ang pangalan dito, e, hindi naman totoo."

Ngunit nang tanungin ni Senator Cayetano kung bakit naaawa siya sa tatlong senador at sinasabi niyang mga inosente ito, gayong sinasabi niyang wala siyang alam sa PDAF scam, hindi makasagot nang diretso si Napoles.

Sabi na lang ni Napoles, opinyon lamang niya ito base raw sa nababasa niya sa mga diyaryo.

Wala kanina sa pagdinig ang tatlong sangkot na senador. Si Senator Estrada ay kasalukuyang nasa Amerika. Sina Senators Revilla at Enrile ay sinasabing narito sa bansa.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Napoles sa kasong serious illegal detention, na isinampa ni Benhur laban sa kanya sa Makati Regional Trial Court.

Kinasuhan din siya ng plunder, malversation, at corruption of public officials ng DOJ at NBI.

Ang mga naturang kaso ay dinidinig sa Office of the Ombudsman.

Nagsampa rin ang Bureau of Internal Revenue ng reklamong tax evasion laban kay Janet at sa asawa nitong si Jaime Napoles.

Ang naturang kaso ay dinidinig sa DOJ.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN