Whistleblower Benhur Luy about Janet Lim-Napoles: "Nagsisinungaling po siya."

Nagharap-harap sa unang pagkakataon sa Senate Blue Ribbon Committee hearing kaninang umaga, November 7, ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles (left) at ang whistleblowers sa pork barrel scam na sina Benhur Luy (right), Merlina Suñas (inset, top), at Marina Sula (inset, bottom).


Sa unang pagkakataon ay nagharap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ang negosyanteng si Janet Lim-Napoles at ang mga whistleblowers at employees na nagtuturo sa kanya bilang mastermind.

Ito ay sa pangunguna ni Benhur Luy.

Ang iba pa ay sina: Gertrudes Luy, ina ni Benhur.

Marina Sula, dating finance officer ng JLN Corporation.

Merlina Suñas, dating project coordinator ng JLN Corporation.

Simonette Briones, presidente ng Countrywide Agriculture Economic Development Foundation.

At Arlene Baltazar, dating bookkeeper ng JLN Corporation.

Ginanap ang Senate hearing ngayong araw, November 7, na nagsimula bandang alas-diyes ng umaga at natapos ng alas-kuwatro ng hapon.

Sa halos lahat ng mga tanong ng mga senador kay Napoles, kaugnay ng mga akusasyon laban sa kanya ng whistleblowers, ang madalas na sagot ng negosyante ay: "Hindi po totoo."

Ganting-sagot naman ni Benhur sa tuwing itinatanggi ni Janet ang mga akusasyon laban sa kanya: “Nagsisinungaling po siya.”

Sa hanay ng mga whistleblowers, inamin ni Napoles na kilala niya si Benhur, ang ina nitong si Getrudes, si Marina, at si Mary Arlene.

Ngunit hindi raw niya kilala si Merlina.

Ayon kay Merlina, siya ang inutusan ni Janet na magtayo ng benteng (20) pekeng non-government organizations (NGOs).

Sagot naman ni Napoles dito: “Nagulat ako [na nasa properties ko ‘yan]. Me kaso na sa Ombudsman, dun ko na lang sasagutin.”

Tanging ang Magdalena Luy Lim Foundation ang inamin ni Napoles na pag-aari niya sa mga binanggit na NGOs.

“’Yan, totoo, dahil outreach namin ’yan sa Boys Town, Girls Town, Golden Heart, sa kaparian," aniya.

PDAF ALLOCATION. Sa hearing kanina, nabigyan ng pagkakataon si Benhur na basahin muli ang kanyang naunang sinumpaang salaysay.

Ito ay patungkol sa paano pinaghahatian nina Napoles at ng mga kasabwat niyang mambabatas ang PDAF allocations.

Bilang dating chief financial officer (CFO) ng JLN Corporation—na tumatayong korporasyon ni Janet Lim Napoles— alam daw ni Benhur ang mga komisyong natatanggap ng mga sangkot na mambabatas mula sa kanilang kumpanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Iginiit naman ni Napoles na "administration employee" si Benhur at hindi CFO ng kanyang kumpanya.

Sabi ng businesswoman, “Lagi siyang may religious... kaya bihira siya sa office. Siya may gawa niyan kaya hindi ko alam.”

Itinanggi rin ni Napoles na pagkatapos matanggap ang pera mula sa PDAF ay bumibili siya ng dollars mula sa black market, at saka idinedeposito sa bank accounts niya sa U.S. via telegraph.

Ganunpaman, nanindigan si Benhur na madalas niyang makita ang mga sangkot na mambabatas, o kaya naman ang chief of staff ng mga ito, na bumibisita sa opisina nila sa Discovery Suites.

Sinabi rin niyang, minsan pa nga, personal niyang idini-deliver ang pera sa mismong bahay ng mga kasabwat ni Napoles na government officials.

“Nakikita ko lawmakers at sinasabi sa akin ni Madam [Napoles].

“May pagkakataon na inuutusan ako ni Madam, at ihahatid ko po sa bahay,” saad ni Benhur.

Nanindigan din si Benhur, na mula noong magsimula siyang magtrabaho sa JLN Corporation noong 2002, nakikipagtransaksyon na raw si Napoles sa mga opisyal na ito ng gobyerno.

Diin niya, “Nakikita ko na sa ledger, may nakalagay na mga porsiyento doon.

“Hindi naman ako magkakaroon ng record kung hindi na-assign sa akin.

“Hindi ako magkakaroon ng record ng bank accounts kung hindi niya ibinigay sa akin.”

VOUCHERS. Itinanggi rin ni Napoles na nag-iisyu siya ng vouchers sa mga transaksyon niya at ng mga kasabwat niyang mambabatas.

Aniya, “Sa tingin niyo, kung may ganoong kickback, do you think isang mambabatas at chief of staff ay pipirma ng voucher?”

Iginiit nina Benhur at Merlina na gumagamit talaga ng vouchers si Napoles.

Ngunit Enero nitong taon ay gumamit daw sila ng “heavy-duty shredder” upang sirain ang mga naturang dokumento.

Saad ni Merlina, “Ako nagpa-file ng vouchers mula pa nang ako ay magtrabaho kay Napoles, hanggang nitong August 2013.

"Pero itong January 2013, pina-shred niya sa Pacific Plaza.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tinutukoy ni Merlina na Pacific Plaza ay ang premier residential building sa Bonifacio Global City, kung saan may pag-aaring condominium unit si Napoles.

Pinagtibay rin ito ng pahayag ni Arlene, na isa pang JLN employee.

Lahad niya, "Sabi niya, kailangan i-shred lahat ng evidence para in case magka-search warrant, wala po makikita na [konektado sa] NGO at sa legislators."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN