Senators express frustration with Janet Lim Napoles’s evasive answers

Isa-isang nagtanong ang mga senador—kabilang sina Senator Chiz Escudero, Senator Grace Poe, at Senator Alan Peter Cayetano—kay Janet Lim Napoles nang humarap ang kontrobersiyal na negosyante sa Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagdinig ng pork-barrel scam.


Sa loob ng anim na oras na pagharap ng businesswoman na si Janet Lim Napoles sa mga senador ay walang napigang impormasyon sa kanya.

Humarap sa Senate Blue Ribbon Committee si Napoles kaugnay ng pagdinig sa pork-barrel scam, kahapon, November 7.

Si Napoles ang itinuturong mastermind sa sinasabing maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Sa kabila ng pakiusap ng mga senador na magsabi siya ng totoo kaugnay ng mga nalalaman niya tungkol sa PDAF scam at sa mga alegasyong ibinibintang sa kanya ng whistleblowers, naging matipid ang mga sagot ni Napoles.

Sa mga simpleng salita, iginiit din ni Napoles na inosente siya at wala siyang kinalaman sa PDAF scam.

SENATOR ALAN PETER CAYETANO. Sa pangunguna ni Blue Ribbon Committee Chairman Teofisto Guingona III ay isa-isang nagtanong ang ilang mga senador kay Napoles.

Unang nagsalita si Senator Miriam Defensor-Santiago.

Ang kabuuan ng pagtatanong ni Senator Santiago kay Napoles ay nailathala na rito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon.

(Read: Senator Miriam Defensor-Santiago to Janet Napoles: “Sabihin mo na ang gusto mong sabihin para hindi ka nila ipapatay.”)

Sumunod sa kanya si Majority Floor Leader Senator Alan Peter Cayetano.

Paalala ni Senator Cayetano kay Napoles: "Sana po naintindihan niyo na trabaho namin ang malaman ang buong katotohanan—whether yung person ay nakakulong na o hindi, whether kakilala o hindi.

"Mahirap din sa amin dahil mga kasamahan namin ang involved dito... But we have to get to the bottom of the truth."

Ang mga "kasamahan" na tinutukoy ni Senator Cayetano ay sina Senators Juan Ponce Enrile, Ramon "Bong" Revilla Jr., at Jinggoy Estrada.

Kinasuhan na ng plunder ang tatlong senador ng Department of Justice at National Bureau of Investigation kaugnay ng PDAF scam.

Sabi pa ni Senator Cayetano kay Napoles, "I want to give you all the opportunities to show na you are innocent, or mali ’tong mga bintang sa inyo, or naloko lang kami ng mga tao dito sa kaliwa namin [whistleblowers].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"But you’re not making it easy for us, e.

"If it’s true that you’re innocent, you’re not giving people reason to believe it.

"In fact, you’re giving me a reason to believe na talagang hindi ka nagsasabi ng totoo..."

Ulit ng senador, "We are giving you all the opportunities, pero nasa inyo kung magsasalita kayo o hindi.

"But, I guess, if you feel na kaya niyo pang maabsuwelto sa kaso na ’to... But it’s not helping your case to say that you’re innocent, pero ayaw niyong magpaliwanag o malaman ng publiko.

"I’m both a lawyer and a politician.

"Lawyers will tell you to keep silent and go to court. Politicians will tell you, sumagot na kayo. It’s a balance between the two.

"But you cannot expect people to believe you.

"Hindi po basta maniniwala sa inyo kung hindi niyo kami bibigyan ng mga facts. Hindi niyo kami binibigyan ng dahilan na maniwala sa inyo."

Kinuwestiyon din ni Senator Cayetano ang naging pahayag ni Napoles na "naaawa" siya sa tatlong senador na nasasangkot sa PDAF scam.

Pag-uusisa niya: "Bakit niyo sinabi kanina na kawawa naman yung mga senador na nada-drag yung pangalan? E, akala ko ba wala kayong alam sa PDAF? How do you know if they’re innocent or guilty?"

Sagot ni Napoles: "E, nababasa ko lagi yung tatlong senador... kawawa naman. Di ba, normal lang naman po sa reaksiyon ng isang tao po? Yun po ang opinyon ko."

Giit naman ni Senator Cayetano: "Kung wala kayong alam, bakit ina-assume niyo na inosente sila?"

Paliwanag ni Napoles: "Hindi ko po ina-assume, pero sa pagbabasa ko po ng diyaryo, lagi pong nababanggit ang isang tao, sabi ko, ’Kawawa naman.’ Yun lang opinyon ko..."

Opinyon naman ni Senator Cayetano, "Maaawa rin ako sa tatlo kung inosente sila. Pero kung guilty...

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nadamay kami lahat dito, e. Ang tingin ng tao, lahat ng pulitiko, ninanakaw ang pork barrel.

"We have to explain our innocence sa nangyaring ito..."

SENATOR CHIZ ECUDERO. Nang si Senator Chiz Escudero naman ang nagsalita, sinabi niyang napanood at nabasa niya ang lahat ng interviews ni Napoles, mula Hulyo hanggang Agosto.

Nagtanong ang senador kaugnay sa mga naging pahayag ni Napoles sa mga panayam na ito.

Pero karamihan sa mga tanong ng senador ay sinagot ni Napoles ng: "Hindi ko na matandaan."

Madalas, bago sumagot si Napoles sa mga tanong ay tumitingin at kumukonsulta muna ito sa mga abugado niya mula sa Public Attorney’s Office (PAO).

Minsan naman ay mababasa sa kanyang mga labi ang mga salitang "Hindi ko sinabi ’yon," kapag may itinatanong sa kanya ang tungkol sa mga interbyu niya noon.

Tinanong din ni Senator Escudero si Napoles kung bakit sa simula ng hearing ay humiling siya ng "executive session," o pribadong pakikipag-usap sa mga senador, gayong wala naman pala siyang sasabihin.

Hindi pinagbigyan ni Committee Chairman Guingona ang kahilingang iyon ni Napoles.

Natawa si Senator Escudero nang sabihin ni Napoles na ang mga abugado niya mula sa PAO ang nagpayo sa kanya nito dahil sa "attorney-client privilege."

Sabi naman ni Senator Escudero, "At least bago po ’yang sagot na ’yan. Tatanggapin ko po ’yan."

SENATOR BAM AQUINO. Sinegundahan ni Senator Bam Aquino ang katanungan ni Senator Escudero sa hiniling na "executive session" ni Napoles.

Tanong ni Senator Aquino, "Kung nag-executive session ba tayo, iba ba yung mga sagot niyo o pareho pa rin?"

Sagot ni Napoles, "Pareho pa rin po."

Paalala naman ni Senator Aquino, "Siguro hindi po dapat natin makalimutan, na ang puno’t dulo po nito ay yung bilyun-bilyong nawala sa pera ng bayan.

"Ito po ay pera na dapat napunta sa mga magsasaka, mga mahihirap nating kababayan..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin makapaniwala si Senator Aquino na "katamtaman" lang ang yaman ni Napoles, gaya ng alegasyon nito.

Ito ay sa kabila ng sinasabi ng negosyante na tatlong bahay at pitong sasakyan mayroon ang kanyang pamilya.

SENATOR GRACE POE. Bago magtanong, nagpahayag ng kanyang saloobin si Senator Grace Poe—na nanguna sa senatorial race noong May 2013 elections—kaugnay ng mga kasong kinahaharap ni Napoles.

Saad niya, "Kami po, bilang hinalal ng taong-bayan, nandito po kami para hindi lamang magtanong para sa aming sarili, pero itanong na rin yung nararamdaman ng marami naming nakakadaupang-palad.

"Alam niyo po, sinasabi na may banta sa buhay ninyo, dahil nga makapangyarihang tao ang nadadawit sa PDAF scam na ito.

"Pero sa akin po, ang mga ordinaryong mamamayan, sila po dapat talaga ang isipin ninyong may poot sa inyo.

"Kaya ko po nabanggit iyan, kasi po, kung naniniwala kayong inosente kayo sa lahat ng mga paratang na ito, ito po ang pagkakataon para depensahan ang inyong sarili.

"Kasi ganito po ’yon, lahat ibinibintang na sa inyo. Ang isang inosenteng tao, kadalasan, yayakap sa pagkakataon na maipagtanggol ang sarili.

"Pero sa inyo po, pag tinatanong kayo kung bakit nila ginagawa ’yan sa inyo, sinasabi lang ninyo, ’Ewan ko sa kanila.’

"Hindi po ’yan ang normal na reaksiyon ng isang tao na nagngingitngit dahil mayroong hindi makatuwiran o makahustisyang bagay na ginagawa sa kanila...

"Sa mga ibang bagay, parang hindi rin po kayo masyadong kumbinsido sa mga sagot ninyo..."

Pagkatapos ng ilang mga katanungan ay tinanong ni Senator Poe si Napoles: "Kung meron kayong naiisip na pinagsisisihan ninyo sa mga nangyari, ano po ’yon?"

Nang hindi sumagot si Napoles, sinabi ni Senator Poe, "Sige, baka wala naman po masyadong pinagsisisihan..."

Tinapos na rin ng senador ang kanyang pagtatanong.

SENATOR ANTONIO TRILLANES IV. Sumunod na nagsalita si Senator Antonio Trillanes IV.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil sa pagiging mailap ni Napoles sa mga katanungan, pinaalalahanan ng senador ang negosyante.

Saad ni Senator Trillanes, "Nasasaksihan tayo ng buong bayan.

"Alam niyo ’yang mga Pilipino, may mga kutob ’yan. Nalalaman nila kung sino ang nagsasabi ng totoo, kung sino ang may itinatago.

"So, antayin na lang natin kung ano ang magiging husga nila, outside ng korte."

Pinabasa muli ni Senator Trillanes sa whistleblower na si Benhur Luy ang kanyang affidavit, na nagsasaad ng mga transaksiyong naganap sa pagitan ng kampo ni Napoles at ng mga mambabatas na sangkot sa PDAF scam.

Pagkatapos nito ay sinabihan ni Senator Trillanes si Napoles na sundin ang payo sa kanya ni Senator Miriam Defensor Santiago na magsalita na siya habang hindi pa huli ang lahat.

Ito ay dahil sa napakabigat na mga paratang laban sa negosyante.

"Kasi nakikita ko, mukhang yun lang ang way out sa inyo.

"That is a serious advice at pag-usapan ninyo ng mga abugado niyo, please," pahayag pa ng senador.

Pinapurihan din ni Senator Trillanes ang whistleblowers at ang DOJ.

Aniya, "Ipagpatuloy niyo lang po ang inyong ipinaglalaban, and the whole Filipino people will be behind you."

SENATORS JV EJERCITO AND CYNTHIA VILLAR. Naging maikli lamang ang pahayag ng first-termers na sina Senator JV Ejercito at Senator Cynthia Villar.

Hindi na nila gaanong inusisa si Napoles dahil wala rin naman daw silang makukuhang sagot mula rito.

Sabi ni Senator Ejercito: "Malaki sana ang maitutulong ni Ms. Napoles kung siya po ay magsasalita... para maiwasan na magkaroon pa ng ganito kalaking conspiracy, ganito kalaking scam na talagang bilyun-bilyon..."

Kagaya rin daw siya ng mga kabayayan natin na napu-frustrate sa isyung ito.

Si Senator JV ay half-brother ni Senator Jinggoy Estrada, isa sa mga senador na nadadawit sa PDAF scam.

Ayon naman kay Senator Villar, "Ako po ay interesado sa kaso na ito dahil ako po ang chairman ng Committee of Agriculture and Food.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Marami pong stakeholders ng agriculture ang apektado ng kaso na ’to.

"Kaya lang po, naisip ko na makikinig na lamang po ako, hindi na ako magtatanong, kasi wala naman pong masasagot sa ating katanungan."

Ngunit suportado raw ng senadora ang mga gagawing hakbang ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagdinig sa pork barrel scam.

Nangako rin si Senator Villar na dadalo sa lahat ng mga pagdinig para "guided" siya sa pinamumunuang komite.

Sa pagtatapos ng Senate hearing, inirekomenda ni Senator Cayetano na suriin ang rekord ng mga pahayag ni Napoles noong araw na iyon.

Kapag napatunayan daw na naging evasive ito o nagsinungaling sa kanyang mga naging pahayag ay maaari itong kasuhan ng perjury.

Tiniyak naman ni Senator Guingona kay Napoles na hindi pa sila tapos, dahil magkikita pa sila sa mga susunod na hearing, base sa magiging resulta ng kanilang imbestigasyon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN