PNoy walks out of Cabinet meeting in Tacloban City; loses patience with insufficient damage assessment reports

Sa gitna ng ginanap na Cabinet meeting at press briefing kanina sa Tacloban City, naubusan ng pasensiya si President Benigno "Noynoy" Aquino III, dahil sa kakulangan ng maayos na damage assessment report sa estado ng probinsiya. Ang Tacloban City ang isa sa mga lugar sa Visayas region na dumanas ng pinakamatinding hagupit ng bagyong Yolanda.


Naubusan ng pasensiya si Presidente Benigno "Noynoy" Aquino III dahil sa kawalan ng detalyadong impormasyon tungkol sa estado ng Tacloban City.

Ang naturang probinsiya ang isa sa mga lugar sa Visayas region na nagtamo ng matinding pinsala matapos ng pananalanta ng super typhoon Yolanda (international name: Haiyan) noong November 8.

Dumating si PNoy sa Tacloban City kaninang umaga, November 10, upang personal na alamin ang kalagayan ng mga nasalanta ng bagyo, pati na rin ang extent ng damage sa mga infrastructure roon.



INCOMPLETE REPORT. Sa pakikipagpulong ni PNoy sa kanyang gabinete at opisyales ng National Disaster Reduction Risk Management Council (NDRRMC), nadismaya ang Presidente sa kulang-kulang na impormasyong ibinalita sa kanya.

Ayon sa ulat ni dzBB correspondent Sam Nielsen, hindi nagustuhan ng Pangulo ang ibinigay na ulat ni NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator Undersecretary Eduardo del Rosario.

Isa sa mga ibinalita ni Undersecretary Del Rosario ay 90 hanggang 95 porsiyento ng Tacloban ang diumano’y "devastated."

Kaugnay nito, kinuwestiyon ng Pangulo ang terminong "devastated," dahil ang impormasyong ito ay "hindi naman precise" at "nagiging exaggerated."

Nang hingan ni PNoy si Undersecretary Del Rosario ng karagdagang impormasyon, nagpatuloy lang daw ang huli sa pagre-report tungkol sa estado ng ibang lugar sa Visayas region.

Sinabi ni Undersecretary Del Rosario na hindi grabe ang pinsala at walang casualties sa Southern Leyte, Northern Samar, at Western Samar.

Pero hindi pa man natatapos ang pagpapaliwanag ni Undersecretary Del Rosario, kinakitaan na ng pagkainis si PNoy.

Bukod sa "incomplete data" raw ang inire-report sa kanya, iginiit ni PNoy na dapat ay naisagawa na ang clearing ng airports sa naturang lugar.

Pagkatapos ay tinanong ng Presidente ang kanyang gabinete at ibang opisyales kung may mapapakinggan siyang maayos na report, dahil nawawalan na siya ng pasensiya.



LACK OF PEACE AND ORDER. Sa ginanap na pagpupulong, nabigyan din ng pagkakataong magsalita ang isang negosyanteng nagngangalang Jess Manlibay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Humingi si Jess ng oras upang maiparating sa Pangulo ang kanyang sumbong tungkol sa nangyayaring kawalan ng peace and order sa Tacloban City.

Ayon kay Jess, nagkakaroon daw ng "manslaughter" sa kanilang lugar dahil sa "kawalan ng presensiya ng awtoridad."

Ganting-sagot naman ni PNoy: "Pa’no mo masasabing nagkakaroon ng manslaughter, habang ikaw naman ay buhay pa?"

Sa huli ay inirekomenda pa raw ni Jess kay PNoy, na kung maaari ay magdeklara na ng martial law sa buong Tacloban City, kaugnay ng inirereklamo niyang kawalan ng peace and order.

Sa puntong ito ay lalo raw nairita si PNoy, habang ipinapaliwanag kay Jess na hindi maaaring basta-basta magdeklara ng martial law sa kanilang lugar.

Dagdag na paliwanag ng Presidente, kontra ito sa batas, lalo na kung hindi dumaan sa masusing pag-aaral.



PNOY WALKS OUT. Ang dapat sana’y susunod na magre-report ay si Brigadier General Jessie Dellosa, commanding general ng infantry division ng Philippine Army.

Ngunit natigilan ang lahat nang biglang tumayo si PNoy at lumabas ng toldang itinayo para sa press briefing.

Dumiretso raw si PNoy sa presinto ng pulis na katabing-katabi lamang ng toldang pinagdadausan ng meeting.

Nagtagal daw ng labinlimang minuto ang Presidente sa loob ng presinto bago muling hinarap ang kanyang gabinete.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng pulisya ang inirereklamong kawalan ng peace and order sa downtown area ng Tacloban City, kaugnay ng reklamo ng negosyanteng si Jess.

DEATH TOLL REPORT. Ayon sa hiwalay na ulat ng GMA News website ngayong araw, November 10, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Rey Balido na 151 ang bilang ng mga bangkay na natagpuan sa Tacloban.



Taliwas ito sa naunang naitala ng Philippine Red Cross, na sinasabing umabot na sa 1,000 ang bilang ng mga taong namatay sa Tacloban dahil sa pananalanta ng bagyong Yolanda.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN