President Noynoy Aquino declares state of national calamity

Muling humarap sa sambayanang Pilipino si Pangulong Noynoy Aquino ngayong gabi, upang humingi ng pang-unawa sa tila mabagal na pagdating ng tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Tiniyak ni PNoy na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang maiabot ang tulong sa mga nangangailangan. Inaprubahan na rin niya ang P1.1 billion budget para sa pandagdag sa quick-response funds ng departments of social welfare at public works.

Sabi ng Pangulo, “A


Humingi ng pang-unawa si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa sambayanang Pilipino.

Ito ay sa gitna ng trahedyang nararanasan ngayon ng marami sa ating mga kababayan sanhi ng pananalasa ng super typhoon Yolanda.

Sa kanyang live broadcast sa TV networks ngayong gabi, November 11, sinabi ni PNoy na ginagawa ng gobyerno ang nararapat upang maipaabot sa mga lugar na nasalanta ng bagyo ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Mensahe niya, “Humihingi rin po tayo ng pang-unawa sa lahat.

“Sa paghagupit ni Yolanda, nawalan ng kuryente at komunikasyon sa maraming lugar.

“Apektado po nito, hindi lamang ang pakikipag-ugnayan sa mga nais na makasigurong ligtas ang kanilang mga kamag-anak, kundi pati na rin ang koordinasyon ng ating relief efforts para mapadala ang mga pangangailangan.”

Dagdag pa ng Pangulo, “Kailangan nating malaman ang kakulangan ng bawat lugar.

“Nahirapan po tayong makuha ang mga datos na ito.

“May ilang pamahaalan, sa lakas ng delubyo, na bumigay din po dahil kabilang sa mga nasalanta ang kanilang mga tauhan at opisyal.

“Isipin po ninyo, bumalik tayo sa sitwasyon kung saan pasa-pasa ang impormasyon—walang TV, cellphone, radio, o Internet.

“Sarado ang mga tindahan. Ni hindi naging madali ang pag-organisa ng mga relief efforts. Naging ugat po ito ng kaguluhan sa ilang mga lugar.

“Dito po’y papasok ang pambansang pamahalaan.

“Imbes na dumagdag lamang tayo sa lakas ng mga komunidad, kinakailangang manguna ang pambansang gobyerno.

“Nililinis na ng DPWH [Department of Public Works and Highways] ang mga kalsadang nabagsakan ng mga malalaking puno at mga posteng kuryente.

“Lahat ng nai-report na bara ay nabuksan na.

“Ayon na rin sa mga kahilingan ng mga lokal na opisyal, nagpadala tayo ng karagdagang walong daang sundalo’t pulis sa Tacloban upang ibalik ang kaayusan."

RELIEF EFFORTS. Patuloy niya, “May tatlong repacking centers po tayong naglalabas ng di bababa sa limampu’t limang libong family packs kada araw.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Inatasan na po natin si Secretary [Jun] Abaya ng DOTC [Department of Transportation and Communication] upang magmando o magtimon sa pagdadala ng mga relief goods kung saan ito pinaka kailangan.

“Inuna natin ang pagdadala ng pagkain, tubig, at gamot sa pinakaapektadong lugar.

“Dadaanin po natin sa mga barangay ang pamimigay ng mga pangunahing pangangailangang ito.

“Dalawampu’t apat na libong family food packs na po ang napamudmod sa Tacloban kahapon, at nakasentro ang pagpapamigay sa walong pinakamalaking barangay doon.

“Meron na tayong dalawang water purification utilities, at marami pa ang darating upang masigurong may maiinom ang ating mga kababayan.

“Inaayos na natin ang mekanismo para mapalawak ang saklaw ng social housing program ng pamahalaan.

“Mula po sa ating mga calamity funds, contingency funds, at savings, merong P18.7 billion na maaring gamitin upang ibangon ang mga lugar na napinsala ni Yolanda.”

Personal din daw nakita ni PNoy ang pinsalang dulot ng bagyo nang mag-ikot siya kahapon, November 10, sa Tacloban at iba pang bayan sa Visayas.

“Dito nakatutok ang ating pagbibigay lingap sa mga sandaling ito.”

Sinabi rin ng Pangulo na dumating na ang mga tulong mula sa dalawampu’t dalawang bansa.

“Kabilang na ang Indonesia, Amerika, Inglatera, bansang Hapon, Singapore, New Zealand, pati na rin po ang Hungary."

STATE OF NATIONAL CALAMITY. Isinailalim na rin ni PNoy sa “state of national calamity” ang buong bansa, upang mapabilis ang pag-ayuda ng gobyerno sa lahat ng mga hinagupit ng trahedya.

“Idineklara po natin itong araw na ito ang state of national calamity upang mapabilis ang mga pagkilos ng pamahalaan para sa pagsagip, paghahatid ng tulong, at rehabilitasyon ng mga probinsiyang sinalanta ni Yolanda.

“Mahalaga rin ito hindi lamang para panatilihing kontrolado ang mga presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo na kakailanganin ng ating mga kababayan, kundi upang maiwasan din ang overpricing at hoarding ng mga mahahalagang bilihin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Inaprubahan din natin ang kabuuang P1.1 billion para sa pandagdag sa quick response funds ng DSWD [Department of Social Welfare and Deveoplment] at DPWH, para sa agarang pagpapatupad ng mga kinakailangang suporta para sa muling pagbangon ng mga kababayan nating hinagupit nitong trahedya.

“Bagamang nakapagtala lang ng mababang casualty counts sa maraming probinsiyang dinaanan ni Yolanda, sa mga lugar naman na tila naimbudo ang bagyong ito, talaga naman pong malaki ang pinsalang nasaksihan natin.”

Saad pa ni PNoy, “Tulad ninyo, gusto ko ring malaman kung paano maibsan ang sitwasyon sa mga lugar na tulad nito.

“Sa mga darating na araw, maaasahan ninyo, lalo pang papaspas ang ayuda.

“Ang panawagan ko lang po, ang pagiging kalmado, pagdarasal, pakikisama, at pakikipagtulungan.

“Siya ang magpapabangon sa atin mula sa sakunang ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN