Pokwang sees no problem if Ryan Bang courts her only daughter

Hindi direktang sinagot ni Pokwang ang balitang dapat sana ay para kay Megastar Sharon Cuneta ang pelikulang Call Center Girl, na napunta sa komedyana. Biro ni Pokwang, “Tungkol po diyan, I invoke my self-kiyemerot for that... nasa NBI na po ang kaso, doon na lang po tayo.”


Naging emosyunal ang komedyanang si Pokwang nang marinig ang mga magagandang salita para sa kanya ng co-stars niya sa Call Center Girl, sa presscon ng pelikula noong Linggo, November 10.

Pahayag ng 43-year-old actress, “Lahat sila, mula sa direktor ko [Don Cuaresma], hindi ko alam na ganun ang sasabihin nila sa akin.

"Siguro, na-overwhelmed lang ako sa mga sinabi nila.

"Hindi nila alam na ganun pala kalalim ang naipundar kong pakikisama sa kanila.

“Totoo yun, yung samahan namin dito sa pelikula, hindi ito matatapos dito lang. Iti-treasure ko yun talaga.

“Eto yung masasabi kong iiyakan ko pag natapos yung shooting namin. Kasi, sobrang close kaming lahat.

“Naramdaman ko from day one yung suportang ibinigay nila sa akin.”

Kasama ni Pokwang sa Call Center Girl sina Jessy Mendiola, Enchong Dee, John Lapus, Ejay Falcon, Chokoleit, Alex Castro, at Dianne Medina.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Pokwang matapos ang presscon proper ng kanyang pelikula.



THE HOUSEHELP. Isiniwalat ni Pokwang na minsan sa buhay niya ay naging kasambahay rin siya, kaya naman ang turing niya sa kanyang mga kasambahay ay parang mga kapamilya na rin.

“Naging kasambahay rin ako kasi during high-school days ko, para makapag-aral lang ako ng high school.

"Tinanggap ko ang maging kasambahay kahit wala akong suweldo, pero sagot nila yung tuition sa pag-aaral ko.

“Iba talaga ang pagmamahal ko sa mga kasambahay ko, bilang naranasan ko ang hirap din ng isang kasambahay.

“Though wala naman akong naranasang hindi maganda sa pamilyang pinaglingkuran ko.

"Dalawang magkapatid lang yung inalagaan ko, may hika. Konting ano lang, hinihika sila.

"Kapag inaatake sila, feeling ko, kasalanan ko agad. Kaya sobrang tutok ako sa dalawang alaga ko.”

Dalawang beses daw naging kasambahay si Pokwang.

Una ay noong Grade Six siya. Ikalawa ay noong nasa high school siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pag-alala niya sa kanyang pinagdaanan, “Ang hirap, lalo na sa edad ko [noon]. Ang hangarin ko lang naman ay makapag-aral.

“Gigising ka nang madaling-araw, aasikasuhin mo yung baon ng alaga mo.

"Tapos, pagkagaling mo sa school, magluluto ka pa ng hapunan nila, maglilinis ka ng bahay.

"Bago ka matulog, make sure na malinis yung buong bahay… pero mabait naman sila.”

Paano niya tinatrato ang mga kasambahay niya ngayon?

Saad ni Pokwang, “Parang pamilya. Hindi ko sila pinagyu-uniform, wala.

"Kung ano yung pagkain ko, pagkain nila.

“Tapos yung mga ibinibigay sa akin na mga kung anu-ano... ang mga hilig ng mga ’yan, pampaputi.

"E, hindi naman ako nagpapaputi. Kaya nga kapag binibigyan ko sila ng pampaputi, natutuwa sila.”

Isa pa sa mga rebelasyon ni Pokwang sa presscon ay ang pag-amin niyang napagbuhatan niya ng kamay ang anak dahil sa kasambahay nila.

Hindi ba sila nagkaroon ng malaking tampuhan ng kanyang anak, matapos niya itong pagbuhatan ng kamay?

“Hindi naman.

"In-explain ko naman sa kanyang mabuti na, ’Imadyinin mo na ikaw yung anak nung kasambahay at narinig mong ginaganun-ganun yung nanay mo? Anong feeling mo?’

“Nag-sorry naman yung anak ko.

"And after that, naging close naman sila nung kasambahay.

"E, kaya lang, nag-asawa na. So, umuwi na sa probinsiya.

"I think may communication pa rin sila. Yun kasi ang nag-alaga sa kanya.”



POKWANG’S DAUGHTER. Pagdating naman sa lovelife, bukas na ba siya sa ideyang puwede nang mag-boyfriend ang anak na si Ria Mae?

“Maganda naman kasi ang anak ko.

"Hindi naman katakataka... nagtaka nga ako, baka napalitan ko siya dati? Chos!" biro ni Pokwang.

Pagpapatuloy niya, “Maganda naman yung anak ko.

"Sabi ko naman sa kanya, ’Sa edad mong ’yan, may manliligaw at maganda ka, hindi katakataka...’ She’s seventeen na, e.

“Sabi ko sa kanya, ’Kung may manliligaw sa iyo, mas maganda kung sa bahay. Hindi yung pinu-puchu-puchu [easy] nung lalaki, dahil hindi puchu-puchu ang pag-aalaga ko sa iyo.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natutukso ang It’s Showtime co-host na si Ryan Bang sa anak ni Pokwang.

Pagkumpirma ng komedyana, “E, kasi, crush niya ang anak ko.

"E, bungisngisera lang naman ang anak ko. Natutuwa siya kay Ryan Bang.”

Okey lang ba sa kanya na ligawan ni Ryan ang kanyang anak?

Mabilis na sagot ni Pokwang, “Oo naman!

"Mabait naman si Ryan Bang at saka marespeto every time na nagkikita kami.”

Ini-i-screen ba ni Pokwang ang mga gustong pumorma sa anak niya?

“Alam naman niya ang limitasyon niya, e.

"Napag-usapan namin kung ano ang limitasyon niya at kung ano ang ikagagalit ko.

“Ang limitasyon ko lang naman, ’Pagdating sa pag-aaral, ibigay mo nang todo ang pag-aaral, kasi ibinibigay ko nang todo yung sa pag-aaral mo.’

"Ngayon, pagdating sa barkada… alam mo naman sa panahon ngayon, ang hirap magtiwala na kaibigan lang ang kasama, ganito-ganyan.

"Nag-iisa lang ’yan.

“Sabi ko sa kanya, ’Papayagan kitang ganito pero, please lang, kasama sana yung driver.’ Hindi naman chaperone na bantay-sarado.

"Sabi ko nga sa kanya, ’Bakit kailangan mong tumanggi na may kasama ka kung wala ka namang gagawing masama?’”



GIVING ALL THE BEST. Sa susunod na taon daw ang debut ng anak niya, at ngayon pa lang ay pinaghahandaan na raw ni Pokwang ang special day nito.

Sa isang culinary school sa Bonifacio Global City nag-aaral ang anak ni Pokwang.

Ayon kay Pokwang, nag-iisa na lang daw ito, kaya naman ibinibigay na niya ang kaya niya para dito.

Hindi ba spoiled ang anak niya?

Sabi ni Pokwang, “Hindi siya spoiled.

"Ang sa akin lang, ibinigay ko lang yung hindi ko na-achieve nung kabataan ko.”

Nabanggit naman ni Pokwang sa presscon ang pagkakaparehas ng edad ng co-star niya sa Call Center Girl na si Jessy Mendiola, sa panganay niyang anak na lalaki na namatay.

“Unang-una, pareho sila ng year, 1992.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tapos, December 4 yung anak ko, December 3 naman si Jessy.

"Kaya nga kapag pinagmamasdan ko si Jessy, sinasabi ko sa sarili ko, ganito sana siya kalaki.

“Kapag minsan may eksena kami ni Jessy na heavy scene, titingnan ko na lang siya, tapos i-imagine ko na, ’Eto ’yan, anak ko ’yan.’”

Dito nagsimulang pangiliran muli ng luha sa kanyang mga mata si Pokwang, na hindi pa nakaka-recover sa pagkamatay ng kanyang anak na lalaki.

Namatay ang anak ni Pokwang noong five years old pa lamang ito, noong 1998, dahil sa brain cancer.

Dahil nagtratrabaho sa ibang bansa noon si Pokwang at hindi nakakalap ng pera para sa pamasahe, liban pa sa hindi pinayagan ng amo, ni hindi nakita ni Pokwang ang paglibing sa anak.

“Oo naman,” pag-amin niya nang sabihang hindi pa yata siya nakaka-recover.

“Ang isang ina, makaka-recover kapag iniwan ka ng asawa. Pero sa anak, no.”

Di mas lalo siyang magiging emosyunal sa Disyempre, ang pagsapit ng kaarawan ng kanyang namatay na anak?

“Tuwing birthday niya... actually, sorry, ha, mas sini-celebrate ko yung birthday niya kaysa sa death anniversary niya.

"Parang, ano yun? Sini-celebrate natin ang pagkamatay?

"Parang, sa akin lang naman, opinyon ko na mas gusto kong i-celebrate ang birthday niya.

“And I do believe na nandiyan lang siya sa tabi ko, gina-guide ako.

"Sana i-guide rin niya ang pelikulang ito.”



PROJECT ORIGINALLY FOR MEGA. Naitanong kay Pokwang ang balitang lumabas na dapat sana ay para kay Sharon Cuneta ang Call Center Girl.

Pero dahil umalis ang Megastar sa ABS-CBN, naghanap daw ng ibang artista ang Skylight Films, at napunta nga kay Pokwang ang project.

“Tungkol po diyan, I invoke my self-kiyemerot for that... nasa NBI na po ang kaso, doon na lang po tayo,” iwas niyang sagot, na ginaya pa ang mga sagot ni Janet Lim-Napoles nang humarap ito sa Senado kaugnay ng pork-barrel scam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero dugtong din ni Pokwang, “Hindi, katulad nga ng sinabi ni Enchong, choosy ka pa ba kesehodang sa iyo in-offer na una o huli?

"For as long as maganda at makakatulong sa career path mo, why not?”



MOTHER ROLE. Sinabi rin ni Pokwang na kahit comedy ang pinagbibidahan niyang pelikula at nanay rin ang role niya rito, malaki ang kaibahan nito sa launching movie niyang A Mother’s Story (2011).

“Yung sa A Mother’s Story, isa akong OFW [Overseas Filipino Worker] na inilaan ko ang buhay ko sa pagtatrabaho abroad para lang masuportahan ko ang mga anak ko dito sa Pinas, at para mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

“Sa Call Center Girl naman, ako yung nanay na nagpapakatanga, nagpapaka-naïve, para lang makuha niya ang loob ng anak niya [Jessy Mendiola] kahit nagmumukha na siyang tanga.

“At kaya siya nagiging comedy, dahil hindi niya alam na nagiging tanga na pala siya sa mga pinaggagawa niya.”

Nauunawaan naman daw ni Pokwang kung bakit laging OFW ang background ng character niya sa mga pinagbibidahang pelikula.

Sa Call Center Girl, dati siyang OFW na umuwi lang ng Pinas.

Sabi niya, “E, yun kasi ang nagugustuhan sa akin ng mga tao. Bilang alam rin nilang OFW rin ako, at nag-e-enjoy rin naman ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN