Marian Rivera confirms team-up with Alden Richards in next soap; thankful for all the blessings coming her way

Sa ikalawang pagkakataon ay kinuha ng Ginebra San Miguel si Marian Rivera upang maging calendar girl for 2014. Nang tanungin kung mas malaking talent fee ang natanggap niya mula rito, sinabi ng aktres na mas mahalaga sa kanya ang tiwalang ibinigay sa kanya ng kumpanya sa ikalawang pagkakataon.


Kinumpirma ni Marian Rivera ang usap-usapang si Alden Richards ang kanyang leading man sa susunod niyang primetime series sa GMA Network.

Sa launching niya bilang Ginebra San Miguel calendar girl for 2014—na ginanap sa Historia restaurant, sa Sgt. Esguerra, Quezon City, kaninang tanghali, November 13—ibinalita ni Marian na sa susunod na linggo ay magsisimula na ang taping para sa kanyang bagong soap.

Ang magdidirek daw ng drama series na ito na wala pang titulo ay si Dominic Zapata—ang direktor ng huling soap ni Marian na Temptation of Wife at ng phenomenal hit na My Husband’s Lover.

Ayon pa kay Marian, heavy drama ang unang pagtatambal nila ni Alden.

“Isa sa pinakamabigat na soap na gagawin ko,” sabi ng Kapuso Primetime Queen.

Dahil sa mabigat na tema ng kanyang soap, nakiusap daw si Marian na ipagpaliban muna ang nakatakda rin sana niyang sitcom.

Aniya, “Nakiusap po ako na huwag na silang pagsabayin dahil masyadong madugo po yung soap ko.”



CAREER PLAN FOR 2014. Mayroon pa ba siyang gustong mangyari sa kanyang career sa 2014?

Sagot ng 29-year-old actress, “Tuwing iinterbyuhin ako, palaging tinatanong sa akin, ‘Ano pa ba ang hihilingin mo? Ano pa ba ang gusto mo?’

“May mga pagkakataon sa buhay ng tao na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangan mong humiling.

“Mayroong pagkakataong kailangan mong tumahimik, magdasal, at magpasalamat sa kung anong blessings na dumarating sa buhay mo.

“Sa pagkakataong ito, lalong mas gusto kong mag-thank you sa lahat ng blessings dahil ang saya-saya ko talaga.”

Naitanong din ng press kay Marian kung may plano na bang magsama silang muli ng boyfriend niyang si Dingdong Dantes sa isang pelikula.

Ang huling pelikulang pinagsamahan nina Marian at Dingdong ay ang You To Me Are Everything noon pang 2010.

Ang huli naman nilang TV series ay ang My Beloved noong 2012.

Saad ni Marian, “Actually, noon pa niya [Dingdong] sinasabi na gusto niyang gumawa, pero tingnan po natin…

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siyempre, willing po akong gumawa ng proyekto kasama siya.”



DARING & SEXY IN 2013. Kapansin-pansin na ngayong 2013 ay itinodo ni Marian ang pagpapa-sexy sa mga pictorial niya.

Sinalubong niya ang 2013 sa pamamagitan ng pagku-cover, sa kauna-unahang pagkakataon, sa FHM Philippines January 2013 issue.

Sa cover pictorial niya para sa Cosmopolitan March 2013 issue ay nag-swimsuit siya.

Noong July naman ay itinanghal siya bilang FHM’s Sexiest Woman for 2013.

At ngayon nga ay pumayag siyang maging calendar girl muli ng Ginebra San Miguel. Una siyang naging calendar girl ng GSM noong 2009.

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marian kung ito ba ang talagang career plan niya ngayong 2013—ang magpa-sexy sa kanyang pictorials?

Sagot niya, “Alam mo, sa pagkakataong iyan, mukhang hindi naman namin pinaplano.

“Napakalaki ng oportunidad at napakasuwerte ko lang na mabigyan po ng pagkakataon na ma-appreciate yung ginagawa ko.”

Kapansin-pansin naman na tila tumaas ang kumpiyansa ni Marian sa sarili kumpara sa unang beses na naging calendar girl siya ng Ginebra San Miguel.

Paliwanag ni Marian dito, “Hindi kasi ako sanay noon na nagpapakita ng katawan at nagtu-two-piece.

“Saka noong 2009, hindi pa po ako open na magdyi-gym, hindi pa po ako nagda-diet.

“So, wala po akong concern sa mga ganyan.

“Pero bilang namulat ako sa pagmu-Muay Thai, pagsu-Zumba, proper diet, open na po na mag-pose sa mga ganito.”

Sa 2014 daw ay mayroon pa siyang gagawing sexy pictorial, “Kaya abangan niyo.”

Kailan naman niya nararamdaman na pinakamaganda siya?

“Kapag bagong gising ako,” mabilis na sagot ni Marian.

Paliwanag niya, “Kasi kapag bagong gising ka, dun mo makikita yung totoong siya, yung purity, anong klaseng tao ito.

“Kasi pagmulat ng mata, yun ang unang makikita mo, e.


“So, mas gusto ko yung totoong nakikita.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN