Kristoffer Martin is glad JuliElmo fans accepted him as Julie Anne San Jose’s loveteam partner

Kristoffer Martin on being accepted by JuliElmo fans: “Meron namang tumanggap na mga fans ni Julie sa tambalan namin. Sa simula naman po kasi, sinabi na namin ni Julie na trabaho ito at gusto naming mag-work ang pakikipagtrabaho namin sa isa’t isa. Natuwa naman kami sa mga fans na tinanggap kami, pero siyempre you can’t please everyone. Ang importante ay nagkaroon ng acceptance at sinuportahan nila ang show namin ni Julie.”


Nagtapos na noong Biyernes (November 15) ang primetime series na Kahit Nasaan Ka Man, na pinagbidahan ng mga Kapuso tween stars na sina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin.

Maganda ang naging takbo ng teleserye kaya hindi raw nila napigilang maging malungkot noong nag-final episode na sila.

Bagamat nagtapos na ang serye, nagpapasalamat pa rin si Kristoffer dahil ginawa silang bida sa primetime block ng Kapuso network.

“Siyempre, nalungkot po ako noong sabihan kami na malapit na kami matapos.

“Pero, at the same time, happy naman ako kasi maganda yung kinalabasan ng soap namin ni Julie.

“At lahat naman kami pinaghirapan namin para mas mapaganda pa lalo yung story.

“’Tsaka maganda ang mga natatanggap naming mga feedback tuwing umeere kami.

“Nakakatanggap kami ng mga magagandang reviews mula sa mga televiewers namin via Twitter at Facebook.

“Yung iba nga ay nai-inspire sa story ng Kahit Nasaan Ka Man. Marami ang nakaka-relate at marami ang napapasaya namin gabi-gabi,” pahayag ni Kristoffer nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via direct messaging sa Twitter kamakailan.

WISHES FOR EXTENSION. Gusto sana ng Kapuso tween actor na mabigyan pa ng extension ang Kahit Nasaan Ka Man, dahil marami pa raw silang puwedeng maikuwento na magugustuhan ng mga manonood.

“Siyempre, inasam ko rin na sana ma-extend, pero hanggang dun lang talaga, e.

“Sa simula pa lang, sinabi na sa amin na eight weeks lang kami. Pero sana napagbigyan pa kami, di ba?

“Nanghinayang ako sa story kasi ang ganda. Marami pang puwedeng mangyari sa mga characters namin.

“Pero kahit na matatapos na nga kami, masasabi kong proud ako na ginawa ko ang Kahit Nasaan Ka Man, kasi ’binigay ko nang buong puso yung sarili ko dito.

“As in. naging malapit na sa akin yung role ni Leandro. Binuo ko po ang character ni Leandro, kaya malaking part siya ng pagkatao ko,” kuwento pa ni Kristoffer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LOVETEAM WITH JULIE ANNE. Sa simula pa lang ng teleserye ay may mga ayaw tanggapin ang tambalan nila Kristoffer at Julie Anne.

Na-identify kasi si Julie Anne sa ka-loveteam nito dati na si Elmo Magalona. Kaya nga karamihan sa nag-react sa tambalan nila ni Julie Anne ay mga “JuliElmo” fans.

Samantala, si Elmo naman ang itinambal kay Janine Gutierrez sa afternoon drama series na Villa Quintana.

GRADUAL ACCEPTANCE. Pero habang umeere ang Kahit Nasaan Ka Man, ramdam daw ni Kristoffer na may mga fans na sumang-ayon na sa pag-partner niya kay Julie Anne.

“Meron namang tumanggap na mga fans ni Julie sa tambalan namin.

“Sa simula naman po kasi, sinabi na namin ni Julie na trabaho ito at gusto naming mag-work ang pakikipagtrabaho namin sa isa’t isa.

“Natuwa naman kami sa mga fans na tinanggap kami, pero siyempre you can’t please everyone.

“Ang importante ay nagkaroon ng acceptance at sinuportahan nila ang show namin ni Julie,” saad niya.

Naging mas close nga si Kristoffer kay Julie Anne sa walong linggong pagsasama nila sa Kahit Nasaan Ka Man, kaya mami-miss daw nito ang kanilang bonding sa set.

“May nabuo na kasing rapport sa amin ni Julie. Naging close kaming dalawa kaya naging maganda ang mga nagiging eksena namin.

“Noong una, medyo awkward pa, pero madaling makagaanan ng loob si Julie, e.

"Pareho po kaming mahilig sa music kaya iyon ang naging parang bonding moment namin.

“Maku-consider ko na ngang katropa na si Julie, pati na ang ibang mga kasama namin sa show.

“For sure, mami-miss ko ang mga kuwentuhan at kulitan po namin sa set,” diin pa ni Kristoffer.

WORKING WITH SENIOR STARS. Kasama sa mami-miss ni Kristoffer ay ang mga veteran stars na kanilang nakasama ni Julie sa Kahit Nasaan Ka Man.

Kuwento ng young actor, mami-miss niya ang mga lagi niyang kaeksena, na sina Eula Valdes, ang gumanap na kanyang ina, at Tessie Tomas, ang gumanap na kanyang lola.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Marami akong natutunan sa mga senior stars na nakasama namin sa teleserye. Sobra silang matulungin sa amin.

“Lalo na si Miss Eula, ang bait-bait niya po, at lagi siyang nakasuporta sa mga eksena namin.

“Si Miss Tessie naman po, ganun din. Hindi siya nakakalimot na ipaalala sa akin na galingan namin sa eksena para one take lang kami parati.

“Masarap silang katrabaho, kaya mahal na mahal ko sila na parang mga tunay kong mommy at lola,” pagmamalaki ni Kristoffer.

Hindi pa nga raw alam ni Kristoffer kung ano ang magiging next project niya matapos ng Kahit Nasaan Ka Man.

“Hopefully po, may kasunod agad.

“Wala pa naman po silang sinasabi sa akin. Pero every Sunday naman ay meron tayong Sunday All Stars. Nasa Tweethearts team po tayo ngayon.

“Dasal ko po na mabigyan tayo agad ng bagong teleserye dahil acting talaga ang hilig natin ngayon,” panalangin ng binata.

STILL MUM ABOUT BREAKUP WITH JOYCE CHING. Tungkol naman sa paghihiwalay nila ng girlfriend na si Joyce Ching, tikom pa rin ang bibig ni Kristoffer sa nangyari sa kanilang relasyon.

Naging open na si Joyce tungkol sa paghihiwalay nila, pero sinabi nito na magkaibigan pa rin sila ni Kristoffer.

Ganunpaman, hangga’t maaari ay iniiwasan ni Kristoffer na pag-usapan ito.

“Yung sa ’min naman po ni Joyce... okay po kaming dalawa. We’re friends.

“Whatever it is that is happening to us right now, sa ’min na lang po yun.

Dagdag-pakiusap ni Kristoffer, “Naging open naman kami sa naging relasyon namin before, kaya ibalato niyo na lang po sa amin ito.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN