Ownership issue of Marcos "ill-gotten" artworks poses more legal problems for PCGG

While the Presidential Commission on Good Government (PCGG) has vowed to recover proceeds and assets confiscated from Vilma Bautista, Imelda Marcos’s former secretary, human rights victims from the Marcos dictatorship claim the artworks are part of the Marcoses’ ill-gotten wealth and should go to them.


Hindi magiging madali para sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang bawiin ang naibentang Claude Monet painting, na itinuturing na pag-aari ng gobyerno ng Pilipinas.

Una nang nailathala sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ulat tungkol sa art scheme na kinasangkutan ng dating sekretarya ni Imelda Romualdez-Marcos na si Vilma Bautista, 75.

Si Imelda ay dating First Lady ng Pilipinas at ngayon ay representative ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte.

Nabanggit din sa naturang report ang ilang detalye kung paano ibinenta ni Vilma ang isang 1899 Claude Monet painting—ang “Le Bassin aux Nymphéas”—sa contacts nito sa black market.

Mula kay Vilma ay inilipat ito sa isang Panamanian company.

Pagkatapos ay ipinadala ito sa isang London art gallery—ang Hazzlit, Gooden & Fox—na pumayag bilhin ito.

Ang Hazzlit, Gooden & Fox naman ang nagbenta ng Claude Monet painting sa isang art collector na nagngangalang Alan Howard, isang billionaire hedge fund manager sa Switzerland.

Read: Imelda Marcos’s former secretary convicted in art heist; PCGG statement: "New York has seen justice today."

OWNERSHIP ISSUE. Ang “Le Bassin aux Nymphéas” ay isa sa sinasabing massive artwork collection ni Imelda, na ayon sa PCGG ay bahagi ng “ill-gotten gains” ng pamilya Marcos, noong panahon ng 20-taong pagkakaupo ng yumaong Philippine President Ferdinand Edralin Marcos.

Bagamat nahatulang guilty sa kasong conspiracy si Vilma, dahil sa ginawa nitong ilegal na pagbenta ng naturang artwork, hindi pa rin malinaw kung sino ang legal na may-ari nito.

Ayon sa ulat ng New York Times, November 22, hindi naresolba sa kaso ni Vilma kung si Imelda ba ang maituturing na may-ari ng Claude Monet painting o ang gobyerno ng Pilipinas.

Ayon kay Manhattan district attorney Cyrus Vance Jr., naka-focus ang kanyang legal staff sa pagresolba ng mga krimen na nagawa ni Vilma at hindi sa “ownership issue” ng artworks.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“What we didn’t want to do is to try a case about the Philippines.

“There is a lot out there that is not susceptible to being brought into state court,” saad ni Atty. Vance sa panayam ng New York Times news online.

Si Vilma ay nahatulang guilty ng Manhattan Supreme Court sa kasong conspiracy in the fourth degree, tax fraud in the first degree, at offering of false instrument for filing in the fourth degree.

Kasabay nito ay nanindigan ang art collector na si Alan Howard na legal niyang nabili ang Claude Monet painting sa halagang $43 million, mula sa Hazzlit, Gooden & Fox.

Hanggang sa kasalukuyan ay nasa kamay pa rin ni Howard ang naturang artwork.

Inihayag din ni Howard na plano niyang kasuhan ang Hazzlit, Gooden & Fox art gallery kapag may nagtangkang bawiin sa kanya ang binili niyang mamahaling artwork.

“Mr. Howard bought the painting in good faith from a reputable gallery and received expert legal advice on the purchase,” saad ni Anthony Payne, ang spokesperson ni Alan, na nakapanayam ng New York Times.

PCGG’S PURSUIT OF MARCOS FAMILY’S ILL-GOTTEN WEALTH. Sa hiwalay na official statement ng PCGG tungkol sa guilty verdict ng Manhattan Supreme Court laban kay Vilma, sinabi nitong nakatakdang gumawa ng aksyon ang ahensiya, upang bawiin mula kay Vilma Bautista ang mga nawawalang valuable artworks na itinuturing na pag-aari ng gobyerno ng Pilipinas.

"The Commission is gratified that the people of New York has seen justice done today.

“The Commission provided key testimonial and documentary evidence for the trial, knowing how important this was to the Filipino people.

“We will now be working to recover the proceeds and assets which were confiscated from Ms. Bautista and which we assert to be owned by the Republic,” saad ng bahagi ng official statement ng PCGG, na nailathala sa kanilang website noong November 19.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinumpirma rin ni PCGG Chairman Andres Bautista, sa panayam ng New York Times, ang balak ng ahensiyang bawiin ang Claude Monet painting mula kay Alan at tatlo pang artworks na nakumpiska ng Manhattan Supreme Court mula kay Vilma.

“We are currently conferring with our lawyer,” maiksing pahayag ni Andres kaugnay ng gagawing hakbang ng PCGG hinggil sa isyu.

Ngunit sa kasalukuyan, wala pang inihahaing civil case ang PCGG sa korte ng New York at Switzerland upang pormal na bawiin ang mga naturang artworks.

Ayon pa sa nakalap na impormasyon ng New York Times, mula sa mga abugadong eksperto sa art transactions, hindi magiging madali para sa PCGG ang pagbawi sa naibentang Claude Monet painting mula kay Alan.

Mas mahirap daw ilaban ang kaso kaugnay ng isang stolen piece of art sa ilalim ng batas ng Switzerland, kung saan kasalukuyang nakabase si Alan Howard, lalo na kung mapapatunayan niyang nabili niya ang $43-million artwork sa legal na paraan.

HUMAN RIGHTS VICTIMS SEEK OWNERSHIP. Sa katunayan, malaki na ang nagastos ni Howard dahil sa pagkakadawit niya sa kaso ni Vilma.

Nagbayad ang hedge fund manager ng $10-million settlement fee sa isang grupo—9,539 na kataong biktima ng pang-aabuso noong panahon ng panunungkulan ni President Marcos—na nagsasabing may karapatan din sila na ariin ang Claude Monet painting.

Noong 2011, nanalo ang grupo sa kasong contempt judgment na inihain nila laban sa pamilya Marcos sa isang federal court sa Hawaii.

Ito ang nagbigay-daan upang masingil nila ang $353.6 million na danyos mula sa ari-arian ng pamilya Marcos para sa pang-aabusong natamo nila noong panahon ng panunungkulan ni Presidente Marcos.

Ayon pa rin sa New York Times, ang naturang grupo ay naghain ng hiwalay na kaso laban kay Vilma, upang ipaglaban ang kanilang karapatan na makuha ang $32 million na natanggap ng huli mula sa ipinagbentang Claude Monet painting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nais din nilang makuha ang iba pang “ill-gotten gains” ng pamilya Marcos na napasakamay ng dating sekretarya ni Imelda.

Iginiit ni Atty. Robert Swift, ang legal counsel ng naturang grupo, na noong dinidinig ang kaso ni Vilma, napag-alaman ng korte na binili ni Imelda ang Claude Monet painting at iba pang mamahaling artworks mula sa Marlborough Gallery sa London noong 1970s.

“If Imelda Marcos still owns all these paintings, we are entitled to go after them,” sabi ni Atty. Swift sa panayam ng New York Times.

Kung anu’t ano pa man, iginiit ni Manhattan district attorney Vance na ang korte na ang bahalang magdesisyon kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng mga valuable artworks, base sa mga ihahaing kaso kaugnay ng ownership ng mga ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN