Sylvia Sanchez gives way to showbiz newbies: “Bigyan naman natin ng chance yung mga baguhan kung talagang magaling panalunin.”

Hindi pinagsisisihan ni Sylvia Sanchez ang desisyon niyang manatili sa showbiz at pagbigyan din ang anak na si Arjo Atayde na mag-showbiz: “Napatunayan ko naman na okey naman ako sa industriyang ginagalawan ko ngayon. History repeats itself sa anak ko ngayon, kasi pinag-aral talaga naming mag-asawa, pero ayaw niya.”


Sa nakaraang 27th PMPC Star Awards for Television, nominado si Sylvia Sanchez sa best drama supporting actress para sa daytime series na Be Careful with My Heart ng ABS-CBN.

Katunggali niya para sa award si KC Concepcion, na siya namang nanalo para sa character portrayal niya sa seryeng Huwag Ka lang Mawawala.

Ganunpaman, nasungkit ng binatang anak ni Sylvia, si Arjo Atayde, ang Best Drama Supporting Actor award para sa pagkakaganap nito sa Dugong Buhay.

Na-interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sylvia sa backstage ng AFP theater, matapos magwagi ang anak at bago sila sumalang para maging presenter ng gabing iyon.

Bungad niya sa PEP, “Masaya ako, kasi anak na ang pinag-uusapan.

“Sobra akong masaya, naiiyak na lang ako sa sobra kong kaligayahan noong makita ko ang anak ko na umakyat sa stage at nakita ko yung saya niya habang nag-i-speech siya.”

Sabi pa niya, hindi raw talaga niya inaasahang mananalo ang anak.

“Nagulat ako. Nagulat kami pareho dahil ang bibigat ng mga kalaban niya sa category. Sobrang proud ako sa anak ko.”


FIRST TIMERS. Ano naman ang naramdaman ni Sylvia nang makuha ni KC ang award at hindi ito napunta sa kanya?

Sambit niya, “Okey lang, kapatid, kasi matagal na ako sa industriya.

“I mean, nanalo naman na ako before. Kung hindi man ako nanalo ngayon at iba ang nanalo, si KC, masaya ako for KC.

“Kasi si KC, baguhan rin katulad ng anak ko, na baguhan rin sa ganitong… yung acting.

“Sabi nga ni KC, first time niyang nakuha ang award na ito at sinabi niyang, ‘Mommy [Sharon Cuneta], may award na ako, nakaka-proud!’

“Tapos si Arjo, nakuha rin niya yung award.

“So, I mean, bigyan naman natin ng chance yung mga baguhan, kung talagang magaling, panalunin.”


PROUD MOM. Bago pa manalo si Arjo sa PMPC ay bukambibig na sa showbiz ang potential nitong maging isang mahusay na actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maging si Sylvia ay hindi maipaliwanag kung paano siya nagkaroon ng anak na may talento sa pag-arte.

Pag-amin niya, “Ako nga, nagtataka rin ako.

“Ako, sabi ko nga, siguro nga dugo ko, pero natutulala nga ako sa kanya, nagugulat ako kapag napapanood ko siya.

“Kasi ako, marami akong pinagdaanang lungkot sa buhay, problema. Siya, okey naman siyang lumaki.

“Ang pinakamalungkot lang niya siguro, kapag nahihiwalay siya sa girlfriend niya. E, ano bang lungkot yun?”

“Tapos pag inaaway ko siya, pag hindi kami magkasundo—iyon lang yun at yung hindi lang namin gusto ng Daddy niya.

“Yun lang ang pinagtatakhan ko, pero naniniwala akong gifted siya.”

Wala raw siyang ginawang motivational speech o panghihikayat sa anak na pasukin nito ang pag-aartista.

Pagpapatunay ni Sylvia, “Wala, e. Ever since bata pa ‘yan, gusto na niya.

“Kami lang ni Art [Atayde, asawa niya] ang umaayaw, kasi gusto namin siyang mag-aral.

“Pagdating niya ng college, kinausap na niya kami na, ‘Sige na, bigyan ninyo na ako ng freedom, gusto ko nang pumasok sa showbiz.’

Ayon kay Syvia, hindi sila nagkakalayo ng anak sa ambisyon nilang maging artista.

Kuwento niya, “Pareho lang kami niyan, noong sinabi ko sa nanay ko na gusto kong mag-artista, ayaw ng nanay ko.

“Gusto rin ng nanay ko na mag-aral kami, kahit sobra kaming mahirap noong mga oras na yun.

“Pero gusto niyang itaguyod yun, pero ako, ayoko na. Sa akin, gusto ko talaga na mag-artista.

“Pareho—yung freedom na gusto kong umarte—palayain mo na ako sa gusto mo.

“Kahit paano, masasabi ko naman na hindi ako nagkamali sa desisyon ko.

“I mean, napatunayan ko naman na okey naman ako sa industriyang ginagalawan ko ngayon.

“History repeats itself sa anak ko ngayon, kasi pinag-aral talaga naming mag-asawa, pero ayaw niya.

“First year college siya noon, at ngayon magbabalik siya sa school.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero noong time na yun, two years ago, ayaw muna niyang mag-aral.

“Parang ako, gusto muna niya dito sa showbiz. Like ako, pahinga muna, gustung-gusto ko na talaga, para talaga ako doon.

“Sabi nga niya, ‘Ma, hindi mo alam yung feeling na nararamdaman ko sa loob na gustung-gusto ko.’

“Of course, naiintindihan ko yun dahil ginagawa ko yun sa nanay ko.

“Hindi ko lang sukat akalain na magaling siyang umarte.”


SUPPORTIVE DAD. Kumbinsido na raw ang asawa niyang si Art sa propesyong pinasok ni Arjo bilang aktor.

Patunay ng mahusay na aktres, “Noong una ayaw niya talaga, kinumbinse ko pa yung tatay niya… ‘I-let go na yung bata, pagbigyan mo yung gusto.’

“Kasi umuuwi na siya ng nine o’clock in the morning, hindi namin siya pinapayagan, pero inuumaga na siya.

“Nandoon lang siya sa bahay ng barkada niya, nagku-computer lang.

“Pag umuuwi, nag-aaway kami, ‘Why nine o’clock? Morning na!’

“’E, kasi, I’m not doing anything here, e.’ Tapos sasabihin ko sa kanya na matulog.

“’I can’t sleep! Gusto kong mag-artista.’

“Hanggang dumating nga sa point na kailangan ko nang i-let go ang anak ko.”

"Tapos, kinausap ko si Art, pero ayaw niya.

“Until finally, sinabihan ko si Art na, ‘O, nag-start nang 9 o’clock umuwi ang anak mo, baka later on maglalasing na ‘yan, o drugs na ‘yan… kaya i-let go na natin ‘yan.

“Kaya naman ni-let go na siya ng tatay niya.

“Pero yung tatay niya, sabi sa akin, pinayagan lang daw niya si Arjo kasi, kung sa school, hindi siya nagpo-focus. Ang focus niya, pag-aartista.

“Siguro, ito ang mga artista monologue, yung memorization. Ayaw niyang mag-memorize, ayaw niyang mag-aral.

“Di ba sa school ganoon naman, kailangan noon?

“Pero mas matindi nga lang sa pag-aartista dahil monologue, magme-memorize ng dialogues.

“Sabi ni Art, ‘Mga two to three taping days lang ‘yan, tapos na, ayaw na.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagulat rin lang siya kasi, ayan na, nagkaka-award na.

“So, ngayon, wala nang problema ang Daddy niya. Actually, ngayon mas grabe sumuporta ang tatay niya kaysa sa akin.”


MORE EXTENSION. Pagdating naman sa kanyang sariling career at sa napapabalitang pagwawakas ng drama soap niya, itinanggi ni Sylvia na magwawakas na ang Be Careful With My Heart ngayong January.

“Hindi ko alam kung kailan matatapos, pero mukhang matagal pa ‘yan, next year pa, hindi pa lang namin alam talaga.

“May nagsasabing February o June raw, pero wala pang advice ang production. Feeling ko, matatagalan pa ito.

“Masaya lang ako dahil ang lawak na ng inabot ng serye.

“Ang haba na rin ng itinakbo, at masaya ang Pasko ng pamilya ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN