Rochelle Pangilinan humbled by her experience during relief operation in Estancia, Iloilo

Nagkuwento ang aktres na si Rochelle Pangilinan tungkol sa naging karanasan niya sa Estancia, Iloilo, kung saan sumama siya sa pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyo doon. Lahad niya, “Ang nakakaiyak doon, yung matanda na nakapila sa gitna ng init ng araw... Minsan, hindi sila nagte-thank you, pero merong smile. At hanggang sa ibinibigay na ni Kuya Dong ang isang sako ng pang-dalawang linggo nila, yung ni-repack natin, naiiyak sila.”


Maluha-luha si Rochelle Pangilinan habang ikinukuwento ang naging karanasan niya sa pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Estancia, Iloilo, noong Huwebes, November 28.

Sumama ang dating SexBomb dancer sa grupo ng Yes Pinoy Foundation sa relief effort nito sa Estancia.

Ang Yes Pinoy Foundation ay pinamumunuan ng kasamahan ni Rochelle sa PPL Entertainment Inc. na si Dingdong Dantes.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rochelle noong Biyernes, November 29, sa opisina ng PPL.

Lahad niya, “Actually, three days na akong nilalagnat, nasabayan ng ubo, sipon.

“Nagkita kami ni Max [Collins] sa Faces and Curves.

“Actually, isa siya sa pumilit sa akin. Sakto kasi, bilang isa lang kami ng RM [road manager].

“Sabi niya, ‘Ate, nakita mo ba ang text ni Mama Paolo [Luciano]? Pagtingin ko, yun na.

“E, masama ang pakiramdam ko. Sabi niya, ‘Oo nga, Ate, pero sana kaya mo.’

“So, sabi ko, ‘Nakita mo ba ang hitsura ko?’ Namumula, may lagnat talaga.

“Tapos, parang sabi niya, ‘Sayang naman yun.’

"Pero ako, gusto ko talaga. Kung wala akong sakit, automatic na hindi ako hihindi."


PRAYED FOR A SIGN. Sa tindi ng kagustuhan ni Rochelle na makasama sa relief operation ng Yes Pinoy Foundation, ipinagdasal pa niya na bigyan siya ng sign.

“So, nag-pray talaga ako nang sobra, as in literal, walang joke.

“Talagang humingi ako ng tulong, kasi alam kong hindi kaya ng katawan ko.

“Paggising ko ng umaga, 4 a.m., as in ubo ko nang ubo, as in ginising ako ng ubo nang ubo.

“Sabi ko, ‘My God, ito ba ang sign? Hindi po ba talaga pupuwede? Baka naman…’"

Pero ayon kay Rochelle, “Paggising ko, ang gaan ng pakiramdam ko... hindi ko talaga alam.

“Ang call time namin, 6:30 [a.m.], nakarating ako sa bahay ni Mama Perry [Lansigan], nakarating ako na nag-taxi lang ako papunta, kasi wala akong driver noon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos, papuntang airport, papunta kami ng airport, nasira ang sasakyan ni Mama Perry, nag-taxi rin kami.

“Tawa ako nang tawa, hindi ko alam kung malas lang ako o ako ang nagdala ng malas!”

Pero worth it daw ang naging desisyon niyang sumama.

“Worth it siya, ang sarap ng pakiramdam. Naulit yung gusto kong mangyari.

“At hanggang ngayon, sa totoo lang, hindi na ako masyadong inuubo, hindi na yung may lagnat...

"Wala na, alam ko, wala na.”


RELIEF GOODS DISTRIBUTION. Kuwento ni Rochelle, noong nasa eroplano siya ay nakita niya ang naging epekto ng bagyo.

“Noong nasa eroplano kami, kitang-kita namin, para siyang pinisa.

“Yung mga puno, lahat, wala!

"Nakakaiyak na nakakakilabot, nakakadurog ng puso.”

Nang makarating na sila mismo sa bayan ng Estancia, nakita raw nila lalo kung gaano kalubha ang naging pinsala ng bagyong Yolanda sa lugar.

Kumusta ang naging karanasan niya noong namimigay na sila ng relief goods?

Saad ni Rochelle, “Ang nakakaiyak doon, yung matanda na nakapila sa gitna ng init ng araw...

“Dumaan na sila sa pangyayari para lang kumuha ng pagkain, sobrang nakapila, pero sa init ng araw.

“Mga ala-una, alas-dos [ng hapon] yun sinimulan.

“Para sa init ng araw at sa edad nila… kaya lang, no choice, kailangan gawin.

“Tapos, noong nakuha na nila at ipinasa na sa kanila, minsan hindi sila nagte-thank you, pero merong smile.

“At hanggang sa ibinibigay na ni Kuya Dong ang isang sako ng pang-dalawang linggo nila, yung ni-repack natin, naiiyak sila.”


UNKNOWN. Naaaliw na kuwento pa ni Rochelle, hindi raw sila masyadong kilala ni Max sa naturang lugar.

Ibang pangalan daw ang nababanggit sa kanila, pero wala raw kaso sa kanila yun.

Kuwento pa ni Rochelle, “Ang tawag sa akin, Panganiban!

“Sabi ko, ‘Angelica?’ Natatawa ako at napapatawa ko sila.

“So, kahit paano, nakakapagbigay ako ng dagdag na saya—kesehodang mainit, okey lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos, ang tawag nila kay Max Collins, si Georgina Wilson! Nakakatuwa.

“Walang problema yun, as long as hindi nila alam kung paano nila bibitbitin ang nakuha nila.

“Ang kilala lang nila doon, si Dong, sobrang kilala nila si Dong.”

Pagkatapos ng relief operation ng Yes Pinoy, nangako silang babalik para sa rehabilitation.

“Naku, masaya. Kahit may sakit, nag-enjoy ako, e.

“Gusto ko talaga, kasi noong relief operations na nag-repack tayo, sobrang iba ang pakiramdam.

"And I know, mauulit yun.

“Ang sarap, e, iba.

"Hindi ko ma-explain kung gaano siya kasaya to the point na para kang nanalo ng lotto, maiyak-iyak ka sa saya.

“So, gusto ko siyang maulit.

"Hindi ko alam kung kaya talaga ng katawan ko.”

Kaya naka-focus naman sila ngayon sa pagpapatayo ng apat na classrooms at isang gymnasium, at plano kaagad na bumalik sa lugar.

Asam ni Rochelle, “Sana, sana... Gusto ko kung papayagan kami ni Kuya Dong at ng Yes Pinoy Foundation.

“Gustong bumalik ng lahat. Kahit si Jolina [Magdangal] nga na buntis, gusto niyang sumama.

“Alam ninyo naman yun, gusto nilang sumamang lahat.”

Ano ang naging personal impact kay Rochelle ng bagyong Yolanda, lalo’t nakita niya ang ibayong pinsala nito?

Ayon kay Rochelle, “Sobrang blessed na hindi yun nangyari rito sa Manila.

“At ang galing nila, sila ang totoong survivor.

“Naririnig ko nga sa TV, survivor sila at, yes, survivor silang talaga.

“At ang Estancia kasi ang isa sa lugar na hindi masyadong napuntahan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN