Xyriel Manabat starstruck by Maricel Soriano: ??Gusto ko po siyang gayahin kasi idol ko po siya...??

IMAGE Noel Orsal

Xyriel Manabat on LGBT community: "Noong una po, medyo hindi ako kumportable kasi hindi ko naiintindihan ang gender nila. Pero noong may mga naging kaibigan ako na girl, boy, gay, and lesbian, mas naintindihan ko po yung kuwento ng buhay nila."


Sa murang edad na siyam na taon, bukas na ang kaisipan ng child star na si Xyriel Manabat tungkol sa lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community.

Si Xyriel ay kasama sa pelikulang Girl Boy Bakla Tomboy, entry ng Star Cinema at Viva Films sa 39th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Gumaganap siya rito bilang isang batang matalino, mabait, masayahin, pero pilosopo.

Eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Xyriel pagkatapos ng presscon proper ng kanilang pelikula kahapon, December 4, sa ABS-CBN.

Sabi ng Kapamilya child actress, “Habang ginagawa po namin ang movie na ito, mas naiintindihan ko po ang buhay ng ibang gender.

“Medyo pala mas mahirap ang buhay nila.

"Kasi po yung iba ay hindi sila tanggap, pero sana po ay matanggap din sila ng society natin.

“Noong una po, medyo hindi ako kumportable kasi hindi ko naiintindihan ang gender nila.

“Pero noong may mga naging kaibigan ako na girl, boy, gay, and lesbian, mas naintindihan ko po yung kuwento ng buhay nila.

“Sa family po kasi o sa friends ng family namin, nagiging close po ako, kasi nga po madaldal akong bata.

“Yung nakikilala ko po, kinakausap ko... yun, nagiging close kami.”

 

 

NORMAL PEOPLE. Para kay Xyriel, normal na tao ang mga miyembro ng LGBT community kaya hindi raw sila dapat kinukutya at kinakantiyawan.

Aniya, “Bakit naman po natin sila kailangang i-bully?

“Kapag nga po yung tunay na mga babae o lalaki, hindi naman natin inaasar, di ba?

“So, huwag po nating gawin sa ibang gender.

“Marami pong mababait na gays or lesbians, at marami po sa kanila ay magaganda ang achievements sa buhay.”

 

 

STARSTRUCK. Samantala, nagkuwento ang award-winning child star tungkol sa karanasan niyang makatrabaho ang mga aktres na sina Maricel Soriano at Ruffa Gutierrez sa Girl Boy Bakla Tomboy.

Saad niya, “Noong malaman ko nga po na makakasama ko si Tita Maricel, sobra po akong natuwa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Fan na fan po ako ni Tita Maricel.

"At sa Cinema One po [movie channel ng ABS-CBN], lagi kong pinapanood yung dati niyang movies.

“Paborito ko nga po yung Inday Bote [1985] na movie niya.

“Gusto ko po siya, kasi magaling at batikan po siyang artista.

"Tapos dito po sa shooting namin, naging close po kami.

“Lagi akong pumupunta sa tent niya at nag-uusap po kami.”

Katulad niya ay nagsimula rin si Maricel bilang child star at sumikat nang husto.

Ano ang inspirasyon na ibinibigay sa kanya ng kinikilala bilang Diamond Star?

Sagot ni Xyriel, “Gusto ko po siyang gayahin kasi idol ko po siya, para makilala rin po ako nang matagal.

“Hangang-hanga po talaga ako sa kanya.

"Kaya nga noong magkatrabaho kami, para pong... ano ngang tawag doon?

“Parang na-starstruck po ako, sobrang saya ko po talaga.”

Ano naman ang masasabi niya tungkol kay Ruffa?

“First time ko po siyang makasama.

"Akala ko po masungit, hindi naman pala!” natatawang sabi ni Xyriel.

Dagdag niya, “Kung titingnan po kasi siya, akala ko po ay masungit.

"Pero nang makausap ko na po siya, hindi naman po pala—mabait po siya."

VICE GANDA & DIREK WENN. Tungkol naman sa bida ng Girl Boy Bakla Tomboy na si Vice Ganda, sinabi ni Xyriel na sobra rin ang paghanga at respeto niya rito.

“Si Ate Vice po, nakasama ko na siya sa It’s Showtime! at Sisterakas.

 

"Kaya po dito sa movie, close na po talaga kami.

“Yun, nagkakakuwentuhan po kami, nagtatawanan, at nag-aasaran.

“Sobrang love ko po siya.

"At kahit po ganoon po siya, sobra po ang respeto ko sa kanya.”

Nasama rin sa usapan ang direktor ng pelikula na si Wenn Deramas.

Sabi ni Xyriel, “Mabait po si Direk at magaling po siya.

“Siniseryoso po talaga niya at pinag-iisipan kaya po magaganda ang movies na nagawa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Galing po kasi sa heart at isip yung ginagawa niya kaya po paglabas sa cinema, ang ganda po.”

 

 

BEST CHILD ACTRESS. Isa si Xyriel sa pinakamagaling na batang aktres ngayon sa Pilipinas.

Ano ang gagawin niya para mapanatili ang magandang impresyon na ito sa kanya ng publiko?

Sagot niya, “Siguro nga po, dapat ko pang galingan para mas marami pang kumuha sa akin, kahit po medyo patanda na rin ako.

“Ginusto ko po ito... bata pa ako, gusto ko nang mag-artista.

“Ipagpapatuloy ko po, ita-try ko pa ang best ko para galingan ko.

“At saka nakakapag-aral naman po ako, name-maintain ko naman ang matataas na grades, at nakakapasok naman ako nang maayos.

“Gusto ko po talaga ang ginagawa ko.

"Nakakapaglaro naman po ako at nag-e-enjoy naman po ako kahit nagtatrabaho ako—masaya naman po ako.”

Sa tingin ba niya ay mas masuwerte siya sa ibang mga batang gustong mag-showbiz, pero hindi nabibigyan ng pagkakataon?

Tugon ni Xyriel, “Siguro po... hindi po natin alam.

“Try and try sila at mag-pray po para matupad ang mga wish nila.

“Ako po talaga, ang maging actress talaga ang pangarap ko, kaya masaya po ako na nabigyan ako ng pagkakataon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN