Ejay Falcon flattered by Vice Ganda’s "hot" compliment

Sa kabila ng mga kalamidad na sinapit ng marami sa ating kababayan, tuloy pa rin ang pagdiriwang ng Pasko para kay Ejay Falcon. Saad niya, “[P]angit naman na parang lahat tayo malungkot na lang dahil sa nangyari sa Yolanda, di ba?... Ibigay na natin sa sarili natin, sa pamilya natin yun. Kasi nung mangyari yung Yolanda, tumulong na rin halos lahat ng tao, di ba? So, sana ngayong Pasko, maging masaya lahat.”


Nasorpresa si Ejay Falcon nang malaman niya na isa pala siya sa mga ini-request ni Vice Ganda para makasama sa pelikulang Girl Boy Bakla Tomboy, .

Ikinatuwa rin ni Ejay na hindi lang si Vice ang gusto siyang makatrabaho kundi pati ang direktor ng pelikula na si Wenn Deramas.

Saad ng Star Magic talent, “Oo, actually ngayon ko lang nalaman dito na ni-request pala ako ni Vice.

“At saka si Direk Wenn, nung nakausap ko, alam ko rin naman na gusto rin ni Direk Wenn.

“Nung sinabi ko na gusto kong makatrabaho si Direk Wenn, sinabi niya na, ‘Sige, gagawa tayo with Vice Ganda.’

“Tapos yun, si Vice, gusto rin ni Vice.

“Tapos si Ms. Mel del Rosario [writer], siya rin ang isa sa mga tumulong sa akin para makasama dito.

“Nagpapasalamat ako sa mga taong yun na tumulong sa akin—especially kay Vice, kay Direk Wenn, and kay Ms. Mel.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ejay sa presscon ng Girl Boy Bakla Tomboy kagabi, Disyembre 4, sa 9501 restaurant sa ELJ building ng ABS-CBN.



DREAM COME TRUE. Dream come true raw ang pagkakasama niya sa Girl Boy Bakla Tomboy, hindi lang para kay Ejay kundi maging sa pamilya niya.

Sabi ng 24-year-old actor, “Masarap yung feeling na makasama sa ganitong kalaki, higanteng pelikula, kasi sigurado akong maghi-hit.

“Kasi noong pinanood ko at ng mga kapatid ko, ng family ko yung Petrang Kabayo, Praybeyt Benjamin, Sisterakas, lahat yun pinanood namin.

“Kasama ko yung mga kapatid ko, maliliit pa sila, natutuwa sila.

“Hindi lang dream ko, dream din ng mga kapatid ko na masama ako sa pelikula ni Vice Ganda at ni Direk Wenn na comedy.

“Kasi nakikita nila ako na puro action, mabibigat na mga eksena, eto light lang, nakakatawa.

“So, yun ang mas masaya sa akin na mapapanood ako ng family ko na talagang dream nila na makasama sa pelikulang ito—and dream ko rin talaga.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



GAY ADMIRERS. Sa mga interview noon ni Vice, inamin niyang attracted siya sa kaseksihan ni Ejay. "Hot" daw ang young actor.

Ano ang masasabi ni Ejay dito?

“Salamat, salamat kasi naa-appreciate niya kumbaga kung ano ako ngayon, kung ano yung bunga ng hirap ko.

“Salamat at may mga taong nakaka-appreciate.

“And yun, ipinagpapasalamat ko sa kanya yun, at sa lahat ng mga tao na ganun din ang tingin sa akin.”

Pero hindi ba siya naiilang sa ganung papuri at attraction from gays, lalo na sa isang Vice Ganda?

Sabi ni Ejay, “Hindi, normal naman yun.

“Ang pagkakaiba lang siguro, Vice Ganda siya, big star talaga.

“Pero hindi naman ako naiilang kasi kaibigan ko naman yun.

“Kaysa mailang, mas dapat akong matuwa kasi hindi naman lahat ng artista dito sa atin ay sinasabihan niya ng ganun.

“So, nagpapasalamat ako at natutuwa.”



A MERRY CHRISTMAS. Magiging masaya raw ang Pasko ni Ejay ngayong taon dahil may entry siya sa Metro Manila Film Festival.

“Masaya ang Pasko ko dahil lahat ng mga artista, nangangarap na makasama sa filmfest.

“And itong pelikulang ito, napakalaking pelikula talaga.”

Bukod sa promo ng Girl Boy Bakla Tomboy, ano ang plano niyang gawin sa nalalapit na Kapaskuhan?

Sabi ni Ejay, “Uuwi ako sa amin sa Mindoro. Tapos magpapa-liga ako.

“Actually, four years ko na siyang ginagawa, puro basketball yun.”

Magiging iba ba ang selebrasyon ng kanyang pamilya ngayong Pasko, pagkatapos ng mga pinagdaanang kalamidad ng bansa—tulad ng pananalasa ng bagyong Yolanda sa central Visayas?

Ayon kay Ejay, “Kumbaga, yung Yolanda, sana maka-move on na lahat tayo sa nangyari na yun.

“Kasi lahat naman… ako rin may participation din naman ako.

“Tumulong din ako sa Yolanda [victims]. Kahit hindi ganun kalaki, tumulong din po ako.

“Sana maka-move on na lahat ng tao, sana okay na sila.

“Para gumaan naman ang pakiramdam nila, sana panoorin na lang nila yung Girl Boy Bakla Tomboy.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

So, ise-celebrate pa rin nila ang Pasko ngayong taon?

“Oo naman po, kasi ang pangit naman na parang lahat tayo malungkot na lang dahil sa nangyari sa Yolanda, di ba?

“Parang maapektuhan tayo… siguro tumulong na rin tayo.

“Pero sana, kumbaga, maging masaya na rin tayo, tutal Pasko naman yun.

“Ibigay na natin sa sarili natin, sa pamilya natin yun.

“Kasi nung mangyari yung Yolanda, tumulong na rin halos lahat ng tao, di ba?

“So, sana ngayong Pasko, maging masaya lahat.”

Ano ang Christmas wish niya?

“Sana maging masaya ang lahat, makabangon na ang mga nasalanta ng Yolanda.

“Sana tuluy-tuloy din ang magandang takbo ng career ko,” sabi ni Ejay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN