Glenda Garcia bravely battles breast cancer that struck eight years after she first volunteered to help patients fighting the disease

Despite her ongoing battle with cancer, Glenda Garcia (solo, left, and with elder sister Melissa Mendez, right) continues to live a normal life: “Ako naman, hindi ko ’pinapakita sa anak ko na weak ako. Normal ang takbo ng buhay namin. I help him with his homework, naglalaro kami ng games sa iPad, lumalabas kami. Basta normal pa rin ang buhay namin. Hindi naman kailangan magbago porke’t nagkaroon ako ng cancer.”


Na-diagnose na may breast cancer noong nakaraang October 8 ang aktres na si Glenda Garcia.

Si Glenda ang nakababatang kapatid ng character actress na si Melissa Mendez.

Kahit na nasa zero stage pa lang ang kanyang cancer ay nagpa-opera na si Glenda noong nakaraang October 19, at dumaan na rin siya sa first cycle ng chemotherapy noong November 15.

Sa mga photos na pinu-post ni Glenda sa kanyang Instagram account (actressglenda), makikitang kalbo siya ngayon. May ibang photos naman na naka-wig siya.

Dahil sa chemotherapy ay unti-unting nalagas ang kanyang buhok, kaya nagpakalbo na lang siya.

“After two weeks of chemotherapy, my hair started to fall out, that’s why I decided to have it shaved. Nagwi-wig na lang ako ngayon,” kuwento ni Glenda nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via private messaging sa Facebook.

ACCEPTANCE. Hindi akalain ni Glenda na mararanasan din niya ang sakit na pinagdaraanan ng mga taong tinutulungan niya.

Mula 2005 kasi ay naging aktibo na si Glenda sa isang foundation na tumutulong sa mga may breast cancer sa East Avenue Medical Center.

“Eight years na akong nagsisilbi sa kanila. Hindi ko akalain na pati ako magkakaroon ng ganitong sakit.

“Wala na akong choice but to accept it. I have to be strong about it and, of course, yung faith ko sa Panginoon ay hindi nawawala.

“Naniniwala ako na magaling na ako, kaya lang kailangan kong tapusin yung buong treatment,” saad niya.

FAMILY SUPPORT. Ang nagpapalakas ng loob ni Glenda ngayon ay ang kanyang pamilya—lalo na raw ang suporta at pagmamahal ng kanyang anak na si Carlo.

“My family is the best. Sila ang nagpapalakas ng loob ko.

“Lalo na ang anak ko. Alam niyang nahihirapan ako, pero he wants to be strong for me. Ayaw niyang nakikita niyang napaghihinaan ako ng loob.

“Ako naman, hindi ko ’pinapakita sa anak ko na weak ako. Normal ang takbo ng buhay namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“I help him with his homework, naglalaro kami ng games sa iPad, lumalabas kami.

“Basta normal pa rin ang buhay namin. Hindi naman kailangan magbago porke’t nagkaroon ako ng cancer,” kuwento pa niya.

ACTING WORK CONTINUES. Ang maganda pa raw ay kahit na may sakit si Glenda, patuloy pa rin siyang nagtatrabaho sa teleserye ng GMA Network na Akin Pa Rin Ang Bukas.

“Nagte-taping pa rin ako. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa GMA-7 at kay Direk Laurice Guillen.

“Kahit na alam nilang may sakit ako, hindi nila ako inalis sa show.

“Yung acting naman, therapy ko nga yun. Ayokong mababakante ako, at gusto kong maging busy ako.

“Nagwi-wig na lang ako sa taping kaya tuloy ang paglabas ko sa series,” dugtong pa niya.

UNWAVERING FAITH. Ang patuloy na paglabas ni Glenda sa telebisyon sa kabila ng kanyang kondisyon ay pagpapatunay lang na hindi siya nagpapatalo sa sakit na cancer.

“Gusto ko kasing maging inspirasyon sa ibang tao na may ganito ring sakit.

“Walang dapat mabago sa buhay natin porke’t may ganito tayong sakit.

“Patuloy tayong maging masaya, para ang mga tao sa paligid natin ay maging masaya rin.

“We can beat cancer sa tulong ni Lord,” taimtim niyang panalangin.

Nakilala si Glenda dahil sa kanyang kontrabida role as Leona Braganza sa drama series na Valiente noong 1992.

Lumabas din siya sa mga pelikulang Love Letters, Pakasalan Mo Ako, Kung Sino Pa Ang Minahal, Maalaala Mo Kaya: The Movie, Ka Hector at Alfredo Lim: Batas Ng Maynila.

Napanood din si Glenda sa mga drama series ng GMA-7 (Now & Forever, Sinner Or Saint, Indio, Bukod Kang Pinagpala) at ABS-CBN (Sa Puso Ko Iingatan Ka, Maging Sino Ka Man, May Bukas Pa).

Kumandidato rin siya bilang konsehal para sa 2nd District ng Quezon City noong 2010, ngunit hindi siya pinalad na manalo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ed’s Note: May pagbabago sa artikulong ito. Sa unang labas nito, mga 44 minuto na ang nakararaan, inilagay na October 28 unang na-diagnose na may cancer si Glenda Garcia. Napag-alaman ng editors sa writer ng artikulo na ang tamang petsa ay October 8.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN