Governor Vilma Santos advises Manny Pacquiao to "compromise" with the BIR

Batangas Governor Vilma Santos-Recto on Sarangani Representative Manny Pacquiao’s tax issue: "Kung meron man tayong dapat purihin at siyempre bigyan din ng respeto, si Manny Pacquiao. But, may responsibilidad din tayo. I mean, hindi puwedeng balewalain ‘yon, lalo na sa pagbabayad ng tax, buwis ng tao, dahil talagang batas ‘yan."


Year 1981 nang magkaroon ng problema sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Star for All Seasons at ngayo’y Batangas governor na si Vilma Santos-Recto.

Naranasan niyang ma-freeze ang kanyang assets sa loob ng isang taon.

Malaking aral para kay Governor Vi ang nangyari kaya mula raw noon ay naging maingat na siya.

May malaking problema sa kasalukuyan sa BIR si Sarangani Representative Manny Pacquiao kaya hiningi ng mga miyembro ng media ang reaksiyon ni Governor Vi.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Governor Vi sa grand finals ng "Voices, Songs & Rhytms" ("VSR"), kagabi, December 7, sa Batangas Coliseum.

Ang "VSR" ang isa sa mga activities ng week-long celebration ng 432nd founding anniversary ng lalawigan ng Batangas.

COMPROMISE. "Compromise" ang salitang binitiwan ni Governor Vi para kay Manny.

Naniniwala ang gobernadora na malulutas ang problema ni Manny kung makikipag-usap ito sa BIR.

Saad ng actress-politician, "Nangyari sa akin ‘yan.

"Frozen ang pera ko, kaya ang Viva at ang Regal, kung bayaran ako, cash.

"Kaya ang pera ko noon, nasa maleta, kasi nga frozen ang bangko.

"But with the help of Manay Ichu [Vera Perez-Maceda] and Atty. [Espiridion] Laxa—you know saan kami nagtapos? Compromise."

Ipinaliwanag ni Governor Vi ang ibig niyang sabihin sa "compromise."

"Let’s talk and let’s compromise. Ano ang puwede nating [gawin].

"Natapos yung ano ko... compromise with the BIR.

"’Paano ang way of payment na gagawin ko? Willing ako na magbayad, konting adjust naman tayo, kasi hindi ko kaya ang ganyang kalaki.’

"So, it’s a compromise."

Dagdag niya tungkol kay BIR chief Kim Henares, "Si Commissioner Kim, she’s the one saying, ’Just come and we can talk about it.’

"Sabi niya, ’Just come. Maybe we can come up with a compromise.’

"So, ibig kong sabihin, they’re open about it—and it happened to me!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Natapos ang kaso ko sa BIR through compromise."



TAX PROBLEM. Noong panahong nagkaproblema si Governor Vi sa BIR ay P2 million daw ang hindi niya nabayarang buwis.

Ang nakaupo noong BIR commissioner ay si Ruben Ancheta.

Pagbabalik-tanaw ng Star For All Seasons, "Isa ‘yon sa nagpalubog sa akin, kaya nga ang bayad sa akin, cash.

"That time, kung hindi ako nagkakamali, P2 million. At that time, ha?

"Walong pelikula sa Viva, walong pelikula sa Regal [ang ginawa ko].

"And then, yung anim, wala akong nakukuha, diretso ‘yon sa BIR.

"Kaya trabaho ako nang trabaho—wala akong pera."

Ayon kay Governor Vi, mismanagement ang dahilan ng pagkakaroon niya ng utang noon sa BIR.

Naging mapagtiwala daw siya sa kanyang accountant noon.

"Pumipirma ako ng pera for BIR, cash [tsekeng pay to cash]. Hindi pala napupunta doon.

"Pumipirma ako ng tseke, milyon. Knowing na part of that will be paid sa BIR.

"E, luka-luka naman ako, one million, magpipirma ka ng [pay to] cash?

"E, paano, titiyempuhan ako, tulog. Pagod na pagod. ’O, pirmahan mo ito, importante.’

"Kaya kung minsan, mahirap ang masyadong mabait.

"To be honest, kailangan din may salita ka.

"At isang kasalanan ko doon, tanggap lang ako nang tanggap.

"Sa pagod namin, walang accounting.

"Ang alam ko, everything was okay. Akala ko ibinabayad sa bahay.

"Bago ko nalaman, wala pala! May kaso na ako.

"Hindi ako nagtse-check. Kami rin was partly to blame.We are partly to blame."

Patuloy ni Governor Vi, "Ngayon, every month, nagtse-check ako ng marketing.

"Saka kung may ibinigay ako na pera, ‘O, anu-ano ang mga ginasta?’

"Expensive education—’Ano pinamili?’ Ganito.’

"’Bakit ang taas?’ ’E, ang mahal po ngayon ng manok.’

"’A, okay...’ Napanood ko naman sa news, mataas talaga.

"Na-apply ko sa buhay ko [ang nangyari sa akin sa taxes ko].

"Maski sa pagre-release ng funds, double, triple check.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi nga raw niya sa mga tao niya, "’Hindi sa nagdadamot, pero at the end of the day, kapag ako ang nakapirma, ako ang mao-Ombudsman, hindi naman kayo. Dahil ako ang nakapirma, pero kayo ang nagbibigay ng papel.’"

ON MANNY PACQUIAO. Sa huli ay hiningan ng mensahe ng press si Governor Vi para kay Manny.

Saad niya, "Let’s face it, Manny is, in a way, our hero.

"Sobra na rin ang ibinigay niya sa bansa natin.

"Kung meron man tayong dapat purihin at siyempre bigyan din ng respeto, si Manny Pacquiao.

"But, may responsibilidad din tayo.

"I mean, hindi puwedeng balewalain ‘yon, lalo na sa pagbabayad ng tax, buwis ng tao, dahil talagang batas ‘yan.

"Yun ang masasabi ko, kasi it happened to me.

"Pero yung respeto, huwag nating tatanggalin sa kanya kasi nagbibigay talaga siya ng karangalan sa bansa.

"Aminin natin ‘yon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN