Mar Roxas hits back at Alfred Romualdez’s camp for "doctored" viral video

“Kahit sinong makapanood ng video ay magsasabi na retokado at dinuktor ang video na ipinalabas na pag-uusapan. Sadyang pinutol at tinanggal ang mahahalagang bahagi ng pag-uusap—ang konteksto, ang kabuuan. Kung sino ang gumawa ng video na ito, alam ng tao na may masamang balakin at pag-iisip ang taong ito,” says DILG Secretary Mar Roxas (right), in a press briefing earlier today, December 11, about the video footage of his meeting with Tacloban City Mayor Al


“Narito ako upang ilahad ang katotohanan ukol sa retokadong video na ikinakalat ng kampo ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.”

Nagpatawag si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ng news conference kahapon, December 11, kaugnay ng video na ipinapakalat umano ng kampo ni Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.

Noong December 10, Martes, mabilis na kumalat sa Internet ang isang 18-second video ng post-Yolanda meeting sa pagitan nina Roxas, Romualdez, at iba pang opisyales sa Tacloban.

Saad ni Roxas sa naturang video clip: “You have to understand, you are a Romualdez and the President is an Aquino. So, we just want to legalize this.

“If it’s not legalized, then ok, you’re in charge, and we’ll help you. That’s it, bahala kayo sa buhay niyo.”

Sa puntong ito ay bigla nang naputol ang video kaya’t hindi malinaw ang konteksto ng pag-uusap ng mga opisyales sa meeting na iyon.

Bunsod nito, kinuwestiyon ng netizens na nakapanood ng video kung bakit may halong pamumulitika ang pagresponde ni Roxas sa mga pangangailangan ng biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban.

Tanong pa ng ilan, bakit binigyang-diin ni Roxas ang mga apelyidong "Aquino" at "Romualdez" sa naturang pulong, gayong hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko ang matagal nang hidwaan sa pagitan ng dalawang pamilya na magkalaban sa pulitika.

Si Mayor Romualdez ay pamangkin ni Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez Marcos, biyuda ni yumaong Presidente Ferdinand Edralin Marcos.

Ang ama ni President Benigno “Noynoy” Aquino III na si dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ay mahigpit na kalaban sa pulitika ni Presidente Marcos.

Noong August 21, 1983, ay pinaslang si Ninoy sa tarmac ng noo’y Manila International Airport, galing sa tatlong taong pagpapatapon sa kanya sa Amerika.

Ang asawa ni Ninoy na si Corazon "Cory" Aquino ang nagpatuloy sa naudlot na hangarin nitong matigil ang diktadurya sa bansa nang tumakbo siya sa snap election, noong February 7, 1986, laban kay Marcos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagamat nanalo si Cory sa bilangan ng NAMFREL at sa exit polls, si Marcos ang nanguna at idineklarang nanalo ng COMELEC (Commission on Elections).

Dahil sa diumano’y tahasang pandaraya, nagkaroon ng malawakang protesta na nagbunsod sa makasaysayang Edsa People Power.

Naging daan ito upang sapilitang umalis sa puwesto ang pamilya Marcos pagkatapos ng dalawampung taong panunungkulan.

Noong February 25, 1986, ay manumpa si Cory bilang kauna-unahang babaeng Presidente sa Pilipinas at Asya.

“DOCTORED VIDEO.” Bilang sagot sa inilabas na video, ipinaliwanag ni Secretary Roxas na nabigyan ng maling kahulugan ang pahayag niyang iyon dahil pinutol ang mahahalagang parte ng pag-uusap nila ni Mayor Romualdez.

Malinaw raw na may masamang intensiyon ang nagpakalat ng “retokadong” video, na in-upload sa YouTube ng isang nagngangalang "Jose Mari Gonzalez."

At press time, umabot na sa 254,686 views ang 18-second video ng pag-uusap nina Roxas at Romualdez.

Pahayag ni Roxas, ayon sa ulat ng GMA News online kahapon, December 11, “Ayaw ko na sanang magsayang ng oras upang sagutin ang isyu na ito.

“Pero hindi dapat palagpasin ang mga kasinungalingang ipinakakalat sa ngayon.

“Kahit sinong makapanood ng video ay magsasabi na retokado at dinuktor ang video na ipinalabas na pag-uusapan.

“Sadyang pinutol at tinanggal ang mahahalagang bahagi ng pag-uusap—ang konteksto, ang kabuuan.

“Kung sino ang gumawa ng video na ito, alam ng tao na may masamang balakin at pag-iisip ang taong ito.”

LONGER VERSION. Ayon pa kay Roxas, dapat daw ay isinama ang parte kung saan sinabi niya na, “…and we are being very careful in just taking over because we do not want anything to be misconstrued, misunderstood.”

Nabanggit din niya na ang buong konteksto ng kanyang tinuran ay makikita sa 41-minute video na in-upload ng kolumnistang si Cito Beltran sa YouTube noong December 10.

At press time, mayroon nang 124,198 views ang 41-minute video ng pag-uusap nina Roxas at Romualdez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod dito, ibinunyag ni Roxas na mayroon siyang kopya ng 51-minute audio recording at transcript, na nagsilbing minutes of the meeting nila noon.

Paliwanag pa ni Roxas, mahihinuha sa naturang video na humihingi siya mula kay Mayor Romualdez ng pormal na “letter” kung saan nakalista ang tulong na kailangan ng bayan ng Tacloban mula sa national government.

Sa kabila nito, nagsagawa pa rin umano ang national government ng emergency relief efforts sa Tacloban kahit walang isinumiteng pormal na liham si Mayor Romualdez.

“Pormalidad lang itong letter. Hindi ito susi o hudyat para magsimula, kumilos ang national government,” sabi ni Roxas.

BLAME GAME? Inihayag din ni Secretary Roxas na tila nais lang pagtakpan ng kampo ni Mayor Romualdez ang pagkukulang nito bilang pinuno ng Tacloban.

Sabi niya, “Malinaw na ang layunin ng malisyosong video na ito ay ang pagtakpan ang sariling kapabayaan ni Mayor Romualdez bilang halal na opisyal at upang ibaling ang sisi sa national government.

“Mismong si Mayor ang lumabag sa kautusan niya na lumikas ang mga mamamayan palayo sa mga danger zones.

“Nilabag din niya ang kautusan niya na kung code blue sa panahon ng kalamidad, lahat ng opisyal ng City Hall ay dapat na pisikal nasa operations center sa City Hall.”

Ayon sa status report ng National Disaster Risk Reduction Management Council kahapon, December 11, umabot na sa 5,959 ang bilang ng mga taong namatay sanhi ng pinsalang dulot ng bagyong Yolanda sa buong Central Visayas.

Ang bilang naman ng typhoon survivors na nanabatili sa evacuation centers ay 93,890.

Habang ang bilang ng mga nasirang bahay sa mga apektadong lugar ay umabot ng 1,192,093.

Ang kabuuang halaga ng naitalang pinsala sa infrastructure at agriculture properties ay umabot as P35.5 billion.

Bagamat nakikisimpatiya raw si Secretary Roxas sa naranasang trahedya sa pinamumunuang bayan ni Mayor Romualdez, dapat daw ay tigilan na ng huli ang pagkalat ng mga maling impormasyon sa publiko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa huli, ito ang iniwang mensahe ni Roxas para sa alkalde ng Tacloban City:

“Hindi habang panahon na ikaw ay biktima.

"Panahon na para tumindig ka at pangunahan ang pagbangon ng iyong siyudad.

"Nakakahiya na sa taumbayan dahil sa buwis nila nanggagaling ang lahat ng klaseng tulong ibinubuhos natin sa Tacloban at kabuuan ng Visayas.”

Bukas din daw si Roxas na makipag-usap muli kay Romualdez upang ayusin ang gusot sa pagitan nila.



NOT OUT TO DESTROY ROXAS. Sa hiwalay na panayam ng 24 Oras kay Mayor Romualdez kagabi, inamin niyang isa sa kanyang staff ang kumuha ng video na kumalat sa Internet.

Kasama umano sa panuntunan ng kanyang tanggapan ang magkaroon ng video documentation sa tuwing magkakaroon ng “high-level meetings.”

Iginiit din ni Mayor Romualdez na walang halong pamumulitika ang pag-broadcast niya sa Internet ng pagpupulong nila ni Roxas.

Plano na raw kasi niyang magretiro pagkatapos ng kanyang ikatlong termino bilang alkalde sa 2016.

“I hope he will not take it personally. It was not meant to destroy him.

"The video will tell who is telling the truth," pahayag ni Mayor Romualdez tungkol sa dismayadong reaksiyon ni Roxas kaugnay ng viral video.

Ang tanging intensiyon lang daw niya ay ipaalam sa mga nagpaabot ng donasyon ang totoong sitwasyon sa Tacloban.

“This is not to complain.

"The purpose of saying this was to let donors know that it didn’t reach them if that was the intention.

"Baka mamaya, sila [Taclobanons] pa raw ang hanapan.

"They are thankful [for the] help from other countries and the international aid agencies na nandito para tulungan sila sa relief and rehabilitation efforts."

PERSONS BEHIND THE VIRAL VIDEOS. Kaugnay nito, kinumpirma ni dating San Juan representative at dating aktor na si Jose Mari Gonzales na siya ang may-ari ng YouTube account, kung saan matatagpuan ang 18-minute video ng pagpupulong nina Roxas at Mayor Romualdez sa Tacloban.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Gonzales ang ama ni Tacloban City councilor Cristina Gonzales, na siyang maybahay ni Mayor Romualdez.

Ayon sa panayam ng News 5 Aksyon sa nakatatandang Gonzales kahapon, hindi niya maintindihan kung bakit iginigiit ni Roxas na kailangang “i-legalize” ang pagbigay ng tulong sa Tacloban.

Sabi niya, “Disaster ito. Anong pakialam ng pulitika dito? Samantalang puwede mo namang pumunta dun at tulungan na…”

Tugma ito sa saloobin ng kolumnistang si Cito Beltran, na siyang nag-upload sa YouTube ng 41-minute video ng pag-uusap nina Roxas at Romualdez.

Kinumpirma niya sa kanyang artikulo na nailathala sa The Philippine Star kahapon, na mismong si Mayor Romualdez ang nagbigay sa kanya ng DVD copy ng naturang video.

Dito ay ipinaliwanag ni Beltran na sinubukan niyang kunin ang panig ni Mayor Romualdez tungkol sa salungat na mga pahayag nila ni Secretary Roxas kaugnay ng sitwasyon sa Tacloban.

“Instead of giving me his version of the meeting, he simply said: ‘See for yourself.’

“After that, Mayor Romualdez handed me a copy of the video and said: I leave it up to you to decide what to do with the DVD.’

“So why did I decide to upload the video? The video is crucial because it is a ‘black box’ that recorded what key players and officials were saying and doing at the height of relief and rescue operations six days after the typhoon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN