Robin Padilla admits Lacson-inspired 10,000 Hours: “Nahaluan ng fiction.”

“Maraming salamat kung magkaroon tayo ng pagkakataon. Pero ibigay na natin doon sa mga bata,” 10000 Hours actor Robin Padilla says about the possibility of getting an acting award in the coming Metro Manila Film Festival.


Bagamat may temang pulitikal ang 10,000 Hours, siniguro ng lead actor nitong si Robin Padilla na malilibang pa rin ang mga manonood.

Isa sa mga official entry sa 2013 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang pelikula ay “isang magandang aral para sa ating pamilyang Pilipino,” deklara ni Robin nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media.

Nangyari ang panayam noong December 12 sa press conference ng mga kalahok sa festival, na inihanda ng Metro Manila Development Authority, ang lupong namamahala sa MMFF.

Sabi pa ni Robin tungkol sa kanyang panibagong action movie, “Kasi, ang pulitikal, hindi naman mawawala sa Pilipinas.

“Kahit saan, kahit saang kanto, kahit saan, nandiyan ang pulitikal na usapan.

“Pero ito, entertainment. Kapag pinanood nila, mae-entertain sila gawa ng aksyon ito.

“Matagal nang walang aksyon.”

Noong una, sinasabi ni Robin na ang kwento ng 10,000 Hours ay hango sa tunay na buhay ni dating Senator Panfilo Lacson.

Pero ngayon, aminado na ang action star na marami silang naidagdag sa takbo ng istorya, na hindi patungkol sa dating senador at dating hepe ng Philippine National Police.

Paliwanag ni Robin sa PEP, “Ano ‘to, istorya pa rin ni Lacson.

“Napaka-inspirational ng buhay ng senador. Alam mo, iisa lang siyang hindi kumuha ng pork barrel.

“‘Yan ang ipinagyayabang ko.

“Hindi lang namin na-100 percent kasi, siyempre, gusto naming magbigay ng kakaibang aksyon. Nahaluan ng fiction.

“E, ako pa ang bida so, siyempre, kailangang may martial arts, hindi pwedeng wala.”

Diin pa ni Robin, “Masasabi kong ‘yong puso ng pelikula, 100 percent Lacson. Pero ‘yong buong pelikula, Robin Padilla, panay action ‘to.”

Read:10,000 Hours synopsis

LACSON’S INVOLVEMENT. Sa umpisa, sabi ni Robin, nakakausap pa nila si dating Senator Lacson para hingin ang kanyang opinyon tungkol sa pelikula.

Subalit dumalang na raw ito simula nang maging abala na ang senador.

Kamakailan ay itinalaga ni President Noynoy Aquino si Lacson bilang rehabilitation czar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa Memorandum Order 62 na pinirmahan ng Pangulo, tungkulin ni Lacson ang maging “over-all manager and coordinator of rehabilitation, recovery and reconstruction efforts of government departments, agencies and instrumentalities” sa mga lugar na naapektuhan ng super typhoon Yolanda.

Kaya, sabi ni Robin, “Ngayon, hindi na namin siya ginugulo dahil siya na ang rehab czar.

“Hindi na pwede. Ang mahalaga pa ngayon ay makatulong tayo sa kanya.”

Ang 10,000 Hours ay isa dalawang action films na kalahok sa gaganaping 2013 Metro Manila Film Festival ngayong buwan.

Ang isa pang action film ay ang Boy Golden: The Arturo Porcuna Story, na pagbibidahan naman ni Laguna Governor ER Ejercito.

NEXT GEN OF PADILLAS. Samantala, tila hindi naman umaasa si Robin na makakapag-uwi siya ng acting award mula sa pelikulang 10,000 Hours.

Para kay Robin, mas mabuting ibigay na lamang ito sa mga batang aktor na kalahok ding sa MMFF ngayong taon.

Aniya, “Maraming salamat kung magkaroon tayo ng pagkakataon. Pero ibigay na natin doon sa mga bata.”

Ikinatutuwa nga raw ni Robin na kasama rin ang pamangkin niyang si Daniel Padilla sa MMFF ngayong taon.

Si Daniel, kasama ang onscreen partner niyang si Kathryn Bernardo, ang bida sa official entry ng Star Cinema at Regal Films na Pagpag: Siyam na Buhay.

Sabi ni Robin tungkol kay Daniel, na anak ng kapatid niyang si Rommel Padilla sa dating aktres na si Karla Estrada, “Siyempre, ang tagumpay ng pamilya, tagumpay ng lahat.

“Habang dumadami ang pamilya, ang ibig sabihin ay tayo ang namamayani.”

Bukod kay Daniel, na ABS-CBN talent, bahagi rin ng MMFF 2013 ang isa pang pamangkin ni Robin na si Bela Padilla.

Si Bela, isang GMA Network talent, ay kasama sa pelikulang 10,000 Hours, kung saan isa sa mga prodyuser ang boyfriend niyang si Neil Arce.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN