Vic Sotto finally admits relationship with Pauleen Luna

Vic Sotto on his reply to "Ikaw Na" segment host Boy Abunda’s question, "Kung bubuksan ko ang iyong puso ngayon, anong pangalan ng babae ang nakasulat?” Vic’s first reply was: “Tinatanong mo pa?” The host did not press, but it was Vic who returned to the question, with this answer: “Sagutin ko na rin—Pauleen.”


Halata mang may espesyal na namamagitan kina Vic Sotto at Pauleen Luna, hindi pa rin tuwirang inaamin ng dalawa na sila na.

Kahit na mapapansin sa kanilang mga kilos at pananalitang may malalim na silang pinagsasamahan, parehong tikom ang mga bibig nina Vic, 59, at Pauleen, 25.

Thirty-four years ang agwat ng edad ng dalawa.

Kagabi, December 13, nag-live guesting si Vic sa “Ikaw Na” segment ng Bandila ng ABS-CBN bilang bahaga ng promo ng 2013 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng pamosong komedyante, ang My Little Bossings.

Bida rin sa pelikula ni Bossing Vic—o simpleng "Bossing," tawag kay Vic sa showbiz industry—si Little Miss Philippines 2012 winner Ryzza Mae Dizon at si Bimby Aquino-Yap, ang anak ng Queen of All Media na si Kris Aquino sa estranged husband nitong si James Yap.

LOVER OF LIFE. Isa sa mga tanong ni Boy Abunda kay Vic ay kung may pangarap pa ba itong hindi natutupad.

Sagot ni Vic, hindi daw siya yung tipong dreamer.

Pabiro nitong hirit, “I’m a lover.”

Dagdag niya, “I’m a lover of life, I’m a lover of people, I’m a lover of nature.”

Pag dating sa pag-ibig, ano kaya ang pinakaimportanteng leksyong natutunan na niya?

Saad ng regular at main host ng Eat Bulaga!, “You really have to give all, for you to receive all. Totoo yung ’it’s a two-way street,’ e. ’Yan yung sinulat ni Pareng Joey [de Leon] na ’Awitin Mo, Isasayaw Ko,’ e."

Pakanta pang tugon ni Vic, “Ang isang pag-ibig ay parang lansangan na pandalawahan, kaya’t sa ating puso tayo ay magmahalan. Ah-ha-ha, awitin mo at isasayaw ko.”

Dugtong pa niya, “Totoo yun.”

Ang kantang “Awitin mo, Isasayaw Ko” ay pinasikat ng grupong VST & Company noong late ’70s, kung saan isa si Vic sa mga miyembro.

Kasama rin dito ni Vic ang nakatatandang kapatid na si Val Sotto, ang magkakapatid na sina Spanky, Monet at Male Rigor, Celso Llarina, Monet Gaskell, ang namayapang si Jun Medina, Joey de Leon, Homer Flores, Chito Ilagan, Ben Escasa, Fred Concepcion, Boy Alcaide, at Clod Baria.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MESTIZA OVER MORENA. Sa “Fast Talk” portion naman ng show, isa sa mga tanong kay Vic ay kung ano ang pipiliin niya: morena o mestiza?

Sagot niya, “Mestiza.”

Dito umugong ang tawanan sa studio.

Paliwanag ni Vic, “Tapos na ako sa morena, e. Wala na yung morena e, mestiza naman.”

Marahil, ang tinutukoy ni Vic na morena ay ang dating girlfriend nitong kasamahan din sa Eat Bulaga!, na si Pia Guanio.

Limang taon ang naging relasyon ng dalawa, na natuldukan noong Hulyo 2010. Pero Oktubre lang nabulgar ang hiwalayan ng dalawa noon ding taon na iyon. Si Pia ay Mrs. Mago na ngayon at may isang anak.

PAULEEN IS IN HIS HEART. Taong 2012 nang magsimulang umikot ang balitang may espesyal nang namamagitan kina Vic at Pauleen.

Ngunit simula rin noon, panay iwas ang dalawa sa pagbigay ng anumang kumpirmasyon tungkol dito.

Sa paglipas ng mga buwan, marami nang sightings na magkasama ang dalawa. Nagpahayag din ng disgusto kay Pauleen sina Oyo at Danica, ang dalawang anak ni Vic sa estranged wife nitong si Dina Bonnevie.

Kalaunan, wala nang naririnig sa mga anak nito. Nitong Mayo 2013, sinabi naman ni Dina na sana raw ay maging masaya ang kanyang ex-husband sa kung anuman ang namamagitan sa kanila ni Pauleen.

Panghuling paglilinaw ni Boy Abunda sa Bandila pa rin kagabi, “Huling katanungan, kung bubuksan ko ang iyong puso ngayon, anong pangalan ng babae ang nakasulat?”

Medyo nakangiti pero ilang segundong hindi muna sumagot si Vic.

Tugon nito, “Tinatanong mo pa?”

Sagot ni Boy, “Oo nga, dapat hindi na tinatanong.”

Nagpasalamat na si Boy sa pagpapaunlak ni Vic na mag-guest sa show.

Pero, pahabol na rin ni Bossing, “Sagutin ko na rin—Pauleen.”

Ang kinaaabangang pag-amin ni Vic ay ikinasiya ng mga taong nasa studio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN