Rocco Nacino sums up showbiz career in 2013 as “surreal”

“All the waiting paid off. All the learning paid off. All the hard work paid off. Lahat ng ginawa kong pag-aaral out of the way, binigay ng GMA, paid off. So, wala akong nire-regret,” says Rocco Nacino about how his career went this 2013.


“All the waiting paid off. All the learning paid off. All the hard work paid off.”

Ganito inilarawan ni Kapuso actor Rocco Nacino ang naging takbo ng kanyang showbiz career ngayong taong 2013.

Taong 2009 nang mahirang bilang Second Prince si Rocco sa ika-limang season ng GMA Network reality talent-search show na StarStruck.

Bagamat madalas nang nakikita sa TV si Rocco na gumaganap ng supporting roles, ngayong taon ay masasabing umusad nang husto ang career ng binatang aktor.

Sa taong 2013, nakuha ni Rocco ang atensyon ng mga manonood sa mahusay niyang pagganap bilang Mayor Joseph Santiago, sa political drama series ng GMA News TV na Bayan Ko.

Kasunod nito, naging bahagi ang karakter niyang si Mayor Santiago sa sumunod na political drama uli ng GMA News TV, ang Titser.

Bukod sa mga proyektong pangtelebisyon, gumanap si Rocco bilang ang nawawalang aktibistang si Jonas Burgos sa indie film na Burgos.

Gayundin, naging katrabaho siya ni Marian Rivera sa pelikulang My Lady Boss.

Sa kalagitnaan ng taon, panandaliang nagbakasyon mula sa showbiz si Rocco. Ngunit pagbalik niya, isang lead role ulit ang kanyang ginampanan—at kasalukuyang ginagampanan—sa teleseryeng Akin pa rin ang Bukas ng Kapuso network.

At tila walang kapagurang ginagawa niya ito habang nagsu-shoot ng Metro Manila Film Festival entry na Pedro Calungsod: Batang Martir, at habang naghahanda sa kanyang hosting job para sa GMA show na Out of Control.

Dahil sa mga ito, nasabi ni Rocco na “slowly but surely” ang pag-usad ng kanyang showbiz career.

Dagdag pa niya, “Assessing the growth of my career, if I maintain where I am, where I started, siguradong matutuloy-tuloy pa ‘to paangat.

“Basta nasa tamang state of mind ako, in good health, at ‘yong drive ko nandoon lagi—always wanting to learn kung ano ako ngayon or going out of my way to learn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“More blessings are up to you, doon ako naniniwala.

“Nakuha ko ‘yon sa dad ko. Basta determinado ka, makukuha mo ‘yon.”

Bagamat inabot ng ilang taon bago marating ang estado niya ngayon, walang nararamdamang anumang panghihinayang si Rocco.

Sa halip, aniya, “Very fulfilling itong 2013. And it’s surreal, kasi kasama ako sa Metro Manila Film Festival, sunud-sunod ang trabaho ko.

“Not that I’m complaining, kahit ganitong may sakit na ako, I still enjoy what I’m doing.

“Then, I have a new show pa. I’m working almost every day.”

Kaya naman siniguro niyang sa susunod na taon ay magpupursigi pa siya sa kanyang trabaho.

Ang katwiran kasi ni Rocco tungkol sa kanyang mga natatamasa, “Ito ’yong mga bagay na hindi binabalewala.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN