Marian Rivera excited about her teamup with Alden Richards in Carmela

Marian Rivera on new teamup with Alden Richards: “Bagong timpla, bagong formula na… Wala namang masama kung ita-try, kasi lahat naman tayo ngayon nag-try. Trial and error talaga ‘yan, e. Kung hindi mo susubukan, hindi mo malalaman.”


Wala pang masyadong maikuwento si Marian Rivera tungkol sa karakter na gagampanan niya sa upcoming primetime series ng GMA na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae Sa Ibabaw Ng Mundo.

Ayon sa Kapuso Primetime Queen, hindi pa kasi buo ang script nito at hindi pa rin sila nakakapagsimula ng taping.

Saad niya, "Yung character ni Carmela is pina-finalize pa, kung paano gagawin at paano namin huhubugin si Carmela.

"Pero ang pinaka-point ng kuwentong ito ay tungkol sa mag-ina, kung paano nila ipaglalaban ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

"At the same time, hindi naman tatayo ang isang soap na walang leading man.”

Ang tinutukoy ni Marian na “leading man” ay ang Kapuso heartthrob na si Alden Richards.

Patuloy niya, “Ang gusto ng mga writer—ang pinaka-head namin si Ms. Suzette [Doctolero], gusto niya pulido, na naiintindihan ng masa.

"Parang hinihibla talaga na ikagaganda ng Carmela.

“Ang feeling niya… parang sa Facebook, very open siya na napi-pressure siya sa Carmela, nahihirapan siya with the script.

“Parang ang tagal na niyang writer, pero this time, nahihirapan siya…”

Si Suzette ang sumulat ng epic-seryeng Amaya, na pinagbidahan din ni Marian, at ng phenomenal hit na My Husband’s Lover.

Sabi pa ni Marian, binibigyan nila ng sapat na oras si Suzette upang buuin ang script ng Carmela.

“Ano ba ang magagawa ni Carmela para ibahin si Marian Rivera, kaya ibinibigay namin ‘yan sa kanya.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marian sa pocket presscon nila ni Alden kaninang tanghali, December 17, sa Mesa restaurant, Tomas Morato, Quezon City.



ALDEN RICHARDS. Hindi pa rin masabi ni Marian kung anong klaseng chemistry mayroon sila ni Alden dahil hindi pa nga sila nakakapag-taping.

Ngunit bago ito ay sumailalim ang dalawa sa isang "familiarity workshop." Ito ay sessions para magkakilanlan ang mga artista.

Sabi ni Marian, “Siyempre, alam nating lahat na first time naming magkakatrabaho ni Alden.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“And then, wala naman akong alam sa background niya.

“Siya, siguro siya, kahit papa’no, may alam siya tungkol sa akin.

“Pero ako, wala ako talagang alam sa kanya at all.”

Bagamat nagkasama na sila sa teleseryeng My Beloved (2012) at pelikulang Ang Panday 2 (2011), wala raw silang ekseneng magkasama noon.

Ano ang inaasahan ni Marian sa pagtatambal nila ni Alden?

“Si Alden kasi ang tipo na nakita ko na seryoso sa trabaho.

“At higit sa lahat, bukod sa pagiging seryoso niya sa trabaho, nakita ko sa kanya, sobrang gentleman niya.

“Which is napakagandang quality sa isang lalaki, na napaka-gentleman.”

Ano sa palagay ni Marian ang katangian ni Alden kung kaya’t napili ito ng GMA management para itambal sa kanya?

Pahayag niya, “Minsan kasi maganda rin yung nagtutulungan sa network, e. Alam naman nating lahat na hindi ganun kadami ang artista sa GMA.

“So ako, bilang i-partner kay Alden, kung mag-click yung tandem namin at maging okay kami, at least pag naghiwalay kaming dalawa at may bago siyang leading lady, mabi-buildup din niya, mabi-buildup ko din.

“Mas maganda siguro yung nagtutulungan… ayokong maging selfish na, ‘Ay, ako lang ito!’

“So, ang maganda sa GMA, nagta-try sila ng iba-ibang formula, like with Alden.

"Hindi natin masasabi kung ano ang gusto ng masa.

“What if tanggapin ng masa… mag-shine si Alden, e, di maganda sa kanya, di ba?

“Yun din ang gusto kong mangyari sa kanya.”



AFTER NINE MONTHS. Sa halip na kaba, mas nangingibabaw raw kay Marian ang excitement sa pagsisimula ng bago niyang teleserye sa Kapuso network.

“Ang tagal ko nang hindi nag-soap, almost nine months!”

Ang huling teleserye ni Marian ay ang Temptation of Wife, na nagbigay sa kanya ng acting recognition ngayong taon.

Nanalo siyang Best Drama Actress sa 27th Star Awards for Television at na-nominate din siya sa 18th Asian Television Awards.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado rin si Marian na marami siyang ginawang requests para sa Carmela.

“Like, pananamit ni Carmela, characterization ni Carmela, and the cast…

“Siyempre, tatanungin nila, ‘O, Yan, eto ang mga casting namin, okay ba sa ‘yo ‘to?’

“Siyempre nakakatuwa na kahit paano, ngayon, tinatanong nila ako, ‘Okay ba sa ‘yo ‘to’ o ’Ganito ba?’”

Wala raw siyang tinanggihan sa ipinakita sa kanyang listahan ng cast members.

“Lahat ng ibinigay, yun na ‘yon,” sabi ni Marian.

At kung may isa mang pagkakapareho ang Temptation of Wife at Carmela, ito ay ang paghihiganti ng mga karakter niya.

Paliwanag ng aktres, “Alam nating lahat na ang soap opera ay palaging may ganyan, hindi puwedeng wala.

“Hindi susubaybayan ng tao kung walang unti-unting nangyayari sa buhay niya.

“Kung lahat mabait lang hanggang ending, parang napaka-boring namang panoorin.

“Siyempre, kahit papaano, may udlot, may revelation, may paghihiganti, may love angle…

“Kumbaga sa puno, ang daming sanga na puwedeng pag-usapan.

“Kaya siguro, feeling ko, si Suzette, pressured na pressured siya kung paano niya…

“Bawat isang character, ang lalaki din naman ng mga kasama kong artista, like Ms. Agot Isidro, Raymond Bagatsing…”

Si Agot ang gaganap na ina ni Marian sa Carmela.

Sabi pa ni Marian, “Bagong tambalan din namin ni Ms. Agot, na very excited ako kasi alam nating isa siya sa pinakamahusay na aktres.

“So, nae-excite ako na ano ba ang matututunan ko with Ms. Agot dito sa Carmela.”

EXPECTATIONS. Bagamat wala pang detalye tungkol sa tatakbuhin ng istorya ng Carmela, tiniyak ni Marian na magugulat ang mga manonood sa kanyang bagong drama series.

“Sobrang exited ako, kasi na-excite ako kung paanong acting ang gagawin ko, e.”

Kung heavy drama ang huling soap niyang Temptation of Wife, mas mabigat daw itong Carmela.

“Medyo may pagka-mature siya na acting… malalaman niyo kung bakit.

“Kasi hindi lang si Alden, may Raymond Bagatsing pa ito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang expectations niya sa kanyang bagong teleserye?

“Wala akong ini-expect.

“Ang importante sa akin, babalik ako sa soap opera, excited ako sa mga makakasama ko—especially with Alden.

“So, kumbaga, bagong timpla, bagong formula na… Wala namang masama kung ita-try, kasi lahat naman tayo ngayon nag-try.

“Trial and error talaga ‘yan, e. Kung hindi mo susubukan, hindi mo malalaman.”

Sa January 27, 2014, ang target airing ng Carmela.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN