Madam Rosa’s showbiz predictions for 2014

Narito ang mga hula ni Madam Rosa sa ilang artista sa showbiz:

“Nakikita kong sobrang matatag na ang relasyon nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Humantong man sila sa pagpapakasal, mahal pa rin nila ang pag-aartista, at dahil doon ay hindi bibitiw sa kanila ang kanilang mga fans.

“Sikat ngayon si Ryzza Mae Dizon... Pero kailangang may iba pa siyang gawin, dahil baka siya pagsawaan ng mga tao, lalo na kapag hindi na siya cut


Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang manghuhulang si Madam Rosa sa kanyang tahanan sa Antipolo City.

Sumentro ang aming kuwentuhan sa kabuuan ng showbiz, sa mga magiging kaganapan sa papasok na taong 20l4.

Napag-usapan din kung ano ang nababasa at nararamdaman niya tungkol sa hinaharap ng mga sikat na artista.

Positibo ang mga nararamdaman ni Madam Rosa tungkol sa showbiz kahit marami ang mga problemang nararanasan ngayon sa kabuuan ng movie industry.

Hindi lang daw sa Pilipinas mayroong lamlam ang mga kaganapan sa entertainment world.

Maliit lang tayong bansa, kaya mabilis maramdaman ang epekto ng maraming problemang dapat bigyang-atensiyon sa daigdig ng mga artista.

Saad ni Madam Rosa, “Talagang mayroong kahirapang kinakaharap ang paggawa ng pelikula sa showbiz.

“Lalo na kung iisipin na kapag pumasok sa bansa ang pelikula ng mga banyaga ay talbog na nila tayo.

“Diyan papasok na may kailangan ding gawing suporta ang Pangulo ng Pilipinas sa movie industry.

“Kumbaga, tulungan naman sana kung papaano kahit papaano ay makaahon ang industriya ng pelikula.

“Maraming puwersa akong nararamdaman, na mayroong mga magtutulong-tulong talaga para mapaunlad pa ang showbiz, ang movie industry.

“Yung magagandang layunin ng pagtutulung-tulong, sa pagsasama-sama, mayroong mabubuo at magandang kaganapan na mangyayari sa showbiz.

“Iyon ang pinakaimportante, na kahit maraming problema, ay hindi nawawala ang pagtatangka na maging maayos at mapaunlad ang movie industry.”

Narito ang mga hula ni Madam Rosa sa ilang artista sa showbiz:



NORA AUNOR. “Si Nora Aunor, kahit nagkaedad, nariyan pa rin dahil Superstar nga siya.

“Kung hindi man bumalik ang boses niya, yung acting ability pa rin niya ang nagpapatatag sa kanyang pagiging artista.

“Sa age niya ngayon, marami pa siyang paghuhugutan ng galing, ingatan niya ang kanyang health, dahil hindi na nga siya bumabata.

“Magpapatuloy ang kanyang suwerte, dahil maraming nagpaplano ng magagandang proyekto para sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sobrang magmahal si Guy sa mga taong malapit sa puso niya, pero dapat magtira siya ng pagmamahal para sa kanyang sarili.”



VILMA SANTOS. “Si Vilma Santos, napakaganda ng kanyang karma sa buhay at career.

“Habang paminsan-minsan na lang siya gumawa ng pelikula, inaangkin naman siya ng daigdig ng pulitika, na siyempre pa’y lalong nagpapaangat sa kanyang pangalan.

“Dahil mayroon si Vilma na mga ginawang maganda sa nakalipas, kaya bumabalik sa kanya ang good karma.

“Tutok at sobrang abala si Vi sa 20l4, at ang husband niyang si Senator Ralph Recto ang patuloy niyang makakatulong at masasandalan.

“Napakasipag ni Vi, kaya ingat na din sa health dahil hindi na rin bumabata.

“Nakikita ko, aangat pa nang mas mataas ang kanyang political career, dahil kaya niya.”



SHARON CUNETA. “Narating na kasi ni Sharon Cuneta ang kanyang kasikatan, kaya tanggapin na lang na sa ngayon ay puwedeng gumewang ang kanyang career.

“Sikat pa rin siya, at wala nang dapat pang patunayan sa showbiz.

“Hindi perpekto ang relasyon nila ni Senator Francis ’Kiko’ Pangilinan, pero anumang problema, kaya nila.

“Dapat pag-isipan ni Sharon na pasukin ang pulitika, dahil ang Pasay City, balwarte nila ‘yan.

“May kakaibang puso si Sharon para manungkulan.”



BOY ABUNDA. “Si Boy Abunda, laging maraming hamon sa kanyang buhay, pero patuloy niyang mapagtatagumpayan, dahil palaban siya sa buhay.

“Patuloy na masaya ang kanyang lovelife, puno ang kanyang puso ng pagdamay sa kapwa, dahil maawain siya.

“Malambot ang kanyang puso.

“Sa career, kung nawala at pinalitan ang kanyang show na The Buzz, at medyo atubili ang mga manonood kung gusto ba nila o hindi ang ipinalit…

“May show naman na ipapalit na magbabalik ulit sa dating pagkagusto ng mga tao sa istilo ni Boy.

“Maraming natulungan si Boy, kaya marami ring tumutulong sa kanya.”



VICE GANDA. “Si Vice Ganda, nagpapakatotoo lang sa ngayon, kaya siya naiintriga at pinagbibintangang mayabang nang dahil sa kanyang kasikatan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi matitinag ang kasikatan niya, napapanahon pa rin ang kanyang kasikatan.

“Sikat na sikat siya kaya hindi na niya mapapansin ang lahat ng tao, at doon siya tinitira na yumayabang na daw.

“Maraming intrigang pagdaraanan si Vice, pero ang lahat ay lilipas din, dahil parte lang iyon ng nangyayaring umaakyat nga siya sa tagumpay.”



KRIS AQUINO. “Si Kris Aquino, ang kasayahan niya ngayon sa buhay ay ang dalawa niyang anak.

“May nakikita ako na mataas na posisyon para kay Kris, posisyon na parang ‘singtaas ng posisyon ni Charo Santos sa ABS-CBN.

“May magandang mangyayari kay Kris.

“Maraming intriga sa buhay ni Kris, at tulad ng dati, malalampasan din niya.

“Malungkot na pangyayari sa buhay niya ang paghihiwalay nila ni James Yap, pero saradong aklat na iyon para kay Kris.

“Maraming gustong gawin na mga proyekto si Kris o mga negosyo, na matutupad niya."



ROBIN PADILLA. “Si Robin Padilla, okey pa rin naman ang career sa 20l4.

“Pero may nakikita akong hindi tama sa relasyon nila ni Mariel Rodriguez.

“Kasi si Mariel, parang ginagawa niya ang lahat, pati na ang pagbabago ng kanyang sarili, para lang kay Robin.

“Pero dapat na silang magkaroon ng anak.

“Malakas pa rin ang sex appeal ni Robin sa mga babae, at iyon ba ay matatagalan ni Mariel?

“May nararamdaman akong rupok sa relasyon nilang dalawa.”



BB GANDANGHARI. “Si BB Gandanghari, nananahimik lang ang career.

“Pero bilang siya na si BB ay sikat siya.

“Hindi pa lang talaga dumarating ang bonggang role para sa pagkatao niyang si BB, kaya parang nandyan lang muna siya.

“Sisikat si BB kapag dumating sa kanya ang role sa isang project, na seryosong bading siya—hindi yung role ng bading na para sa comedy.

“Tama ang ginagawa niyang paglabas sa teatro.

“Hindi magiging masaya si BB sa kanyang lovelife kung alam niyang tanggap lang siya ng kanyang pamilya bilang BB, pero hindi tanggap kung makikipagrelasyon siya sa lalaking mahal niya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



DANIEL PADILLA. “Magtatagal ang kasikatan ni Daniel Padilla, pero kung magtatagal ang love team nila ni Kathryn Bernardo, hindi.

“Pinag-uusapan at mabenta sila ngayon dahil uso, nasa simula kasi ang tambalan, pero magsasawa rin ang mga tao.

“Para magtagal ang popularity ni Daniel, huwag niyang ipagyayabang ang kanyang kasikatan.”



MARIAN RIVERA at DINGDONG DANTES. “Nakikita kong sobrang matatag na ang relasyon nina Marian Rivera at Dingdong Dantes.

“Anumang oras ay nakahanda na sila sa mga puwedeng mangyari, kung magpapakasal ba sila o anong plano.

“Humantong man sila sa pagpapakasal, mahal pa rin nila ang pag-aartista, at dahil doon ay hindi bibitiw sa kanila ang kanilang mga fans.

“Pareho sina Marian at Dingdong ng mga katangian ng pagmamahal nila sa kanilang mga trabaho, kaya magpapatuloy ang kanilang kasikatan.”



KATHRYN BERNARDO at JULIA MONTES. “Sina Kathryn Bernardo at Julia Montes, umaangat na ang popularity.

“Pero kailangan nilang magsikap na maiangat pa ang kanilang mga pangalan.

“Mahihirapan sila maging Nora Aunor, Vilma Santos, o Judy Ann Santos, dahil nasa panahon sila sa showbiz na ang dami-daming nag-aartista.

“Isang malaking hamon na mas patunayan pa nila ang kanilang mga kakayahan.”



PIOLO PASCUAL. “Hindi kasikatan ni Daniel Padilla ang nagpalaos kay Piolo Pascual, dahil hindi naman nalaos si Piolo.

“May pananahimik na ginagawa si Piolo para sa kanyang buhay, pero nararamdaman kong magugulat na lang tayo sa mga susunod niyang hakbang na gagawin sa kanyang career sa hinaharap.

“May anak na kasi si Piolo, kaya kuntento muna siya doon bilang ama.

“Hindi hiyang si Piolo na taga-showbiz ang maging karelasyon, kaya humanap siya ng babaing makakarelasyon na hindi taga-showbiz.”



ALJUR ABRENICA. “Hindi mawawala sa limelight si Aljur Abrenica kung aaralin niya ang mga kulang sa kanya bilang artista.

“Hindi puwedeng puhunan sa pag-aartista ang kabaitan at kaguwapuhan lang.

“Sikat na si Aljur, kaya mayroon siyang mga dapat gawin para mapanatili pa niya ang kanyang kasikatan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



COCO MARTIN. “Patuloy na mahihirapan si Coco Martin na magkaroon ng maipagmamalaking lovelife dahil puro trabaho pa ang laman ng kanyang utak.

“Masyado siyang seryoso sa buhay, kaya ang dami pa niyang gustong pagsasaayos ng buhay na dapat gawin.

“Ang pinaniniwalaan ni Coco ay may panahon sa bawat bagay.

“Nasa panahon si Coco ng kanyang patuloy na pagsisikap sa 20l4.

“Tuloy-tuloy ang kanyang kasikatan.”



CHARICE. “Magpapatuloy ang kasikatan ni Charice dahil tanggap siya ng mga tao sa kanyang pag-amin na tomboy siya at may karelasyong babae.

“Masasaktan si Charice sa mga panghuhusga, na pinabayaan na niya ang kanyang pamilya dahil sa kanyang pakikipagrelasyon, dahil hindi naman patas ang ganoong paghuhusga.

“May maganda na ring ginawa si Charice sa nakalipas para sa kanyang pamilya, kaya karapatan din niyang lumigaya sa ngayon.”



WILLIE REVILLAME. “Nakuha ni Willie Revillame ang maraming suwerte sa buhay nitong mga huling sunod-sunod na taon.

“Pero yung tunay na saya ay hindi ko nararamdaman sa pagkatao ni Willie ngayon.

“Ingatan niya ang kanyang health.

“May bisyo siya dati, at sumisingil ngayon ang dati niyang kapabayaan sa sarili kaya nagkakasakit siya.

“Maraming pag-aaral sa sarili na dapat gawin si Willie sa 20l4.

“Ikalulungkot ni Willie kapag natagalan na wala siya sa limelight.”


CLAUDINE BARRETTO. “Mag-ingat si Claudine Barretto dahil sa nangyayaring gusot sa pagitan nila ng kanyang husband na si Raymart Santiago.

“Sa kanya nakatutok ang mata ng publiko bilang paghuhusga, na siya ang mas may malaking kasalanan sa naging problema nila.

“Sa kanilang dalawa, hindi si Raymart ang nambubugbog, si Claudine ang nananakit.

“Kung gustong bumalik ni Claudine sa career, magkontrabida siya. Hindi na bagay sa kanya ang pa-sweet-sweet.”



SENATOR RAMON “BONG” REVILLA JR. “Artista si Senator Ramon ’Bong’ Revilla Jr. kaya puwede niyang balikan ang kanyang career, at makakabawi pa siya.

“Kasi nga, iba naman ang panghatak niya sa mga tao bilang bida sa pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero sa larangan ng pulitika, nabahiran ng intriga ang kanyang pangalan, kaya doon, ako may kaba na mahihirapan si Senator Bong.”



RYZZA MAE DIZON. “Sikat ngayon si Ryzza Mae Dizon, dahil bata siya.

“Kinatutuwaan, dahil bata lang. Pero kailangang may iba pa siyang gawin, dahil baka siya pagsawaan ng mga tao, lalo na kapag hindi na siya cute na bata."



BIMBY AQUINO YAP. “Hindi ko rin nararamdaman pa na magtatagal ang kasikatan ni Bimby na anak ni Kris Aquino.

“Cute kasi siya ngayon, sikat ang kanyang mga magulang.

“Pero pagsasawaan din siya ng mga tao, at kapag dumating na yung awkward stage niya, nakakakaba iyon.”



VIC SOTTO AT PAULEEN LUNA. “Kahit malayo ang agwat ng mga edad nina Vic Sotto at Pauleen Luna ay sobrang mahal nila ngayon ang isa’t isa.

“Lumalalim ang pagkaseryoso nila sa kanilang relasyon.

“Willing si Pauleen na sabayan ang edad ni Vic, kahit mag-alaga pa siya ng mas may edad kesa sa kanya.”



KC CONCEPCION. “Napapansin na ang acting ability ni KC Concepcion sa ngayon, pero hindi ko nararamdaman na iyan talaga ang ikasisikat niya.

“Nahihirapan pa talaga siyang marating ang narating ng kanyang mommy na si Sharon Cuneta.

“Maganda ang mukha ni KC, kaya mas lalo pa siyang magki-click bilang product endorser, doon talaga siya nababagay.

“Kinaya na ni KC ang nakaraan nila ni Piolo Pascual, pero tanggap na niya na parte na iyon ng dapat niyang pagdaanan.

“Hindi naman natakot si KC na magmahal ulit, pero magiging sobra lang siyang maingat sa mga susunod na pagpasok sa relasyon.”



LUCY TORRES At RICHARD GOMEZ. “Magpapatuloy ang napakagandang pagmamahalan nina Lucy Torres at Richard Gomez dahil sobra ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

“Idol kasi ni Lucy si Richard noon kaya walang problema sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.”



TOM RODRIGUEZ. “May kaluluwa sa acting si Tom Rodriguez. Nahugot at nailabas niya iyon, kaya napansin siya ngayon. Sa 20l4 ay babawi pa ang career niya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



RICHARD GUTIERREZ. “Makakayang bumalik sa kasikatan ni Richard Gutierrez. Kaya lang, pagsisikapan niyang mabuti.

“Kung walang suporta mula sa mga kumpanya na puwedeng tumulong sa kanya ay ang sarili niyang pamilya ang tutulong sa kanya.”



AI-AI DELAS ALAS. “Dapat mag-ingat sa pakikipagrelasyon si Ai-Ai delas Alas. Hindi siya bagay makipagrelasyon sa mga taga-showbiz.”



POKWANG AT EUGENE DOMINGO. Ganoon din naman sina Pokwang at Eugene Domingo, dahil parang hindi pa ito ang panahon para sa kanilang mga pakikipagrelasyon, dahil mga sikat pa kasi sila sa showbiz.”



RUFA MAE QUINTO. “Mahal ni Rufa Mae Quinto ang kanyang career, pero malas pa siya sa pakikipagrelasyon, kaya huwag muna.

“E, ano naman ngayon kung tumanda siyang dalaga? E, si Charito Solis nga, maganda pero tumandang dalaga.

“Career ni Rufa Mae ang bobongga pa.”



ROSANNA ROCES. “Magpapaka-aktres na lang si Rosanna Roces, dahil kaya naman niya.

“Magaling na siyang umarte at puwede siyang magkontrabida.

“Kapag kontrabida ka kasi, hindi naman kailangang napakaganda ng katawan mo.

“Nawala na kasi ang dating kasikatan ni Osang dahil hindi na rin siya puwedeng magpaseksi gaya nang dati.

“Iwasan na niyang mang-away ng tao, lalo na yung mga nakakatrabaho niya sa showbiz, dahil mawawalan ng may gustong makasama pa siya at bigyan siya ng trabaho.”



LORNA TOLENTINO AT ZSA ZSA PADILLA. “Sina Lorna Tolentino at Zsa Zsa Padilla, na parehong nabiyuda ng mga yumao nilang asawa ay nararamdaman kung mayroong mga lumalapit na pag-ibig.

“Kaya lang, hindi iyon ganoon kadali para sa kanila dahil dumaan sila sa mahabang pakikipagrelasyon sa mga lalaking minahal nila.

“Kaya doon sila magkukumpara, kung sakali’t makikipagrelasyon pa sila.

"Kaya ang inaabangan na lang nilang kaligayahan ay kapag nag-asawa ang mga anak nila ay mapapasaya sila ng magiging apo nila, tulad ng nangyayari ngayon kay Lorna.”



SUNSHINE CRUZ at CESAR MONTANO. “Dahil sa mga nangyari, hindi na magkakabalikan sina Sunshine Cruz at Cesar Montano.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero ang maganda lang, gusto nilang maging matahimik na ang lahat para sa kanilang mga anak. Pareho gaganda ang takbo ng propesyon nina Sunshine at Cesar sa 20l4.”



BEA ALONZO at ZANJOE MARUDO. “Kumportable na sa isa’t isa sina Bea Alonzo at Zanjoe Marudo bilang magkarelasyon.

“Kaya habang sikat na sikat si Bea at nagsisipag naman si Zanjoe, ay napapangalagaan talaga nila ang kanilang relasyon. Masaya sila.”



HEART EVANGELISTA at SENATOR CHIZ ESCUDERO. "Ganoon din ang nababasa ko sa relasyon nina Heart Evangelista at Senator Chiz Escudero… na kahit maintriga ang kanilang relasyon ay hindi sila nagpapaapekto.”



JOHN LLOYD CRUZ. “Sikat na sikat pa rin si John Lloyd Cruz, kaya pag-iisipan na rin niya kung saan na niya ilulugar ang kanyang sarili.

“Kung dahil ba nasa tamang edad na rin siya ay pakakasalan na ba niya si Angelica Panganiban?”



JERICHO ROSALES. “Nasa tamang panahon na kung magpapakasal si Jericho Rosales dahil nakuha na niya ang kasikatan para sa kanya.”



POPS FERNANDEZ, SARAH GERONIMO, JANICE DE BELEN. “Hindi pa akma ang panahon para kina Pops Fernandez, Sarah Geronimo, at Janice De Belen upang matagpuan nila ang mga tamang lalaking tunay na magmamahal sa kanila bilang mga babaing ibang klase kung magmahal.

“Si Sarah ay kaligayahan sa pamilya ang patuloy na kaligayahan, habang sina Pops at Janice ay masaya dahil sa kanilang mga mababait na anak.”



JUDY ANN SANTOS at RYAN AGONCILLO. “Maganda ang respetuhan at pagsusunuran nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo bilang mag-asawa.

“Kaya masaya ang kanilang relasyon bilang isang pamilya ng kanilang mga anak.

“Magkaroon man sila ng problema ay magaan nilang madadala at malulutas ang mga iyon.”



CARMINA VILLARROEL at ZOREN LEGASPI. “Magpapatuloy ang masayang pagmamahalan nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi at ng kanilang mga anak bilang isang pamilya.

“Pareho nilang matagal na hinintay sa nakalipas yung magkaroon ng ganitong pagmamahal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At nagkatagpo silang dalawa, kaya sobra ang pagmamahal nila sa isa’t isa,” wika ni Madam Rosa.

Panghuling katanungan naman sa kilalang manghuhula ay kung may nararamdaman siyang isang baguhang artista na sisikat sa showbiz bilang bagong idolo, babae man o lalaki.

Mabilis lang ang paghugot niya ng kasagutan, “Lalaki kasi ang nababasa kong sagot sa tanong na iyan.

“Ang laki ng pag-asa, na kapag nagbinata na ay sisikat din yung bida sa Honesto ngayon ng ABS-CBN.

“Pero si Zaijian Jaranilla, maganda ang nababasa ko sa susunod na mangyayari sa kanyang career kapag nakawala na siya sa kanyang awkward stage,” pagtatapos na pahayag ni Madam Rosa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN