Robin Padilla wants box-office success more than acting award

Nais ng action star na si Robin Padilla na manood ang mga mga Pinoy ng lahat ng mga kalahok sa Metro Manila Film Festival 2013, partikular na ang entry nilang 10000 Hours, na ang istorya ay nangyayari raw sa kasalukuyang panahon.


Naging matagumpay ang special screening ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013 entry na 10000 Hours, noong Martes, December 17, sa Cinema 1 ng Greenbelt 3, Makati City.

Isa pa sa labis na ikinatuwa ni Robin Padilla, na siyang bida ng pelikula, ay ang “A” rating na nakuha nila mula sa Cinema Evaluation Board (CEB).

Sabi ni Robin sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media, “Oo nga, maraming salamat sa nagbigay.

“Ako naman, panatag naman ako na makakakuha kami ng ganung klaseng ratings sapagkat... wala, e, walang dahilan na hindi magkaroon ng ganung klaseng ratings.”

Labis na ipinagmamalaki ng dating Bad Boy of Philippine showbiz ang 10000 Hours.

Hindi lang daw ito hango sa buhay ni dating Senator Panfilo Lacson—sinabi na rin ni Robin na may halong fiction ang kuwento para mas magkaroon ng aksyon—kundi may mga kaganapan itong aktuwal na nangyayari na maaari raw kapulutan ng aral.

Marami rin ang nagsasabing magaling ang pagkakaganap ni Robin sa pelikula, kaya hindi malayong masungkit niya ang Best Actor award sa Gabi ng Parangal ng MMFF sa December 27.

Sabi ni Robin tungkol dito, “Alam niyo, sa box office na lang ako.”

Taliwas naman ito sa gusto ng asawa niyang si Mariel Rodriguez, na umaasang makuha ng asawa ang Best Actor trophy.

Kasamang dumalo ni Robin sa special screening ng 10000 Hours si Mariel, ang ina ng aktor na si Eva Cariño Padilla, at ang asawa ni Ping na si Alice Lacson.

Hindi nakadalo si Ping dahil may biglaan daw itong pagpupulong sa Malacañang kaugnay ng bagong katungkulan nito sa gobyerno.

Si Ping ang hinirang na rehabilitation czar ng mga nasalantang lugar ng super typhoon Yolanda. Ang usap-usapang lang ng mga nag-o-obserba sa pulitika ay kung bibigyan si Ping ng pondo upang magawa ang trabaho.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN