Ruru Madrid counts blessings as he celebrates 16th birthday: “Wala nga po akong mairereklamo sa takbo ng showbiz career ko.”

Ruru Madrid counts his blessings, as he celebrates his 16th birthday: “Nagpapasalamat po ako sa GMA-7 dahil sa tiwala na binibigay nila sa akin. Nakakagulat nga po ang mga pinagkakatiwala nilang mga trabaho sa akin. Minsan tinatanong ko ang sarili ko kung deserve ko ba lahat ng ito. Pero dahil blessing po ito, pinagbubuti ko po kasi hindi lang po ito para sa akin kundi para sa pamilya ko. Kaya malaking tulong ang lahat ng trabahong binibigay nila sa akin.”


Maraming dapat ipasalamat ang Kapuso young actor at Protégé: The Battle For The Big Artista Break runner-up na si Ruru Madrid nang iselebra niya ang kanyang ika-16 na kaarawan noong December 4.

Sunud-sunod ang naging blessings ni Ruru sa taong 2013, at alay daw niya sa pamilya ang lahat ng biyayang natanggap.

“Wala nga po akong mairereklamo sa takbo ng showbiz career ko. Lahat po ng mga pinangarap kong mangyari ay nangyari na po.

“Kaya panay ang pasalamat ko kay Lord dahil sa sunud-sunod na dumating na blessings para sa akin at sa pamilya ko.

“Pinangako ko kasi sa family ko na sila ang uunahin kong tulungan kapag natupad ang pangarap kong maging artista.

“Heto nga po at unti-unti ngang natutupad ang mga pinagdarasal ko kay Lord,” may ngiting sabi ni Ruru nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa isang pocket interview noong December 5, sa Mesa restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.

THE BUSIER PROTÉGÉ. Kahit hindi pinalad na manalo si Ruru noon sa reality-based artista search na Protégé, siya ang naging mas busy kumpara sa naging Protégé grand male winner na si Jeric Gonzales.

Si Ruru ang unang nagkaroon ng teleserye nang gawin siyang ka-love triangle nina Barbie Forteza at Derrick Monasterio sa telefantasyang Paroa, Ang Kuwento Ni Mariposa.

Nasundan ito ng dalawa pang shows: ang weekly suspense-dramang Dormitoryo at ang primetime dramang Akin Pa Rin Ang Bukas.

At kailan lang ay pinagbida siya sa Christmas episode ng Magpakailanman.

THANKFUL. Si Ruru rin ang unang nagkaroon ng pelikula at na-introduce sa manonood sa indie film ni direktor Maryo J. Delos Reyes na Bamboo Flowers, na pinalabas sa Sineng Pambansa Film Festival: All Masters Edition, noong nakaraang Setyembre.

Kakapirma lang din ni Ruru ng exclusive network contract sa GMA Network, kunsaan siya ay ibini-build up bilang future leading man sa TV at pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagpapasalamat po ako sa GMA-7 dahil sa tiwala na binibigay nila sa akin.

“Nakakagulat nga po ang mga ’pinagkakatiwala nilang mga trabaho sa akin. Minsan tinatanong ko ang sarili ko kung deserve ko ba lahat ng ito.

“Pero dahil blessing po ito, pinagbubuti ko po, kasi hindi lang po ito para sa akin kundi para sa pamilya ko.

“Meron po kaming pinapatakbo na negosyo sa Marikina at tumutulong na po ako sa pagpapatakbo nito.

“Kaya malaking tulong ang lahat ng trabahong ’binibigay nila sa akin,” saad niya.

APPROACHING MANHOOD. At dahil tuluyang nang nagbibinata si Ruru, malaki na rin ang ipinagbago niya physically.

Mas tumangkad ito at lumalim pa ang boses niya.

Kung noong panahon ng Protégé ay totoy na totoy ang hitsura niya, ngayon ay unti-unti na siyang nagma-mature.

“Noong nasa Protégé pa ako, payatot po ako, tapos pumipiyok-piyok pa ang boses ko. Ngayon, nagkalaman na ako at lumalalim na ang boses ko.

“Yung mga dati kong damit, hindi ko na masuot kasi hindi na kasya sa akin. Nadagdagan ng three inches ang height ko at may konting muscles na rin po ako,” masaya niyang balita.

PREFERS OLDER GIRLS. Pero wala pa raw siyang nililigawan. Ayaw daw ni Ruru na manligaw ng kaedad niya. Gusto raw niya ng mas matanda sa kanya.

“Hindi naman po yung cougar ang dating. Yung konting tanda lang sa akin," paglilinaw ng teenager.

“Sabi kasi nila mas okey daw na maging first girlfriend mo ay yung mas matanda—yung mas may experience kesa sa ‘yo.

“Kaya yun ang gusto ko sana. Pero kung may nandiyan naman na kasing-edad ko, bakit naman hindi ko liligawan kung type ko, di ba?” ngisi pa niya.

Very close nga raw siya ngayon sa co-star niya sa Dormitoryo na si Joyce Ching, na kahihiwalay lang sa kanyang boyfriend na si Kristoffer Martin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi naman daw niya ito pinopormahan. “Close po kami ni Joyce at lagi lang po niya akong inaasar,” tawa pa niya.

“Hindi raw ako marunong manlibre sa kanila. Ako na lang daw yung hindi nagti-treat. Natapos na raw kami sa Dormitoryo, hindi pa ako nakapaglibre sa kanila.

“Lahat naman silang girls sa Dormitoryo ay close ko. ’Tsaka lagi nila akong inaalaska. Si Joyce ang matinding mang-asar sa akin parati.”

Kung bibigyan siya ng chance, ligawan kaya niya si Joyce?

Sagot ni Ruru, “Bakit naman po hindi? Kung papayag po ba siya, e!”

INDIE FILM. Sa darating na taon ay ipapalabas na ang indie film na pagbibidahan ni Ruru, na pinamagatang Above The Clouds.

Ito ay idinirihe ni Jose “Pepe” Diokno.

Ilalaban daw muna ito sa Venice International Film Festival bago ito magkaroon ng commercial run sa Pilipinas.

Kuwento ni Ruru, “May mga scenes pa kaming kukunan sa Manila. Pero yung mga scenes sa Benguet at sa Mt. Pulag, matagal na naming na-shoot.

“Kasama ko rito si Mr. Jose “Pepe” Smith [Pinoy rock icon] at ilan pang mga indie actors.

"Natutuwa nga ako na nabigyan ako ng pagkakataon na gawin ang magandang pelikulang ito. Kaya abangan po nila itong Above The Clouds.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN