Willie Revillame mounts Pamaskong Handog in Tacloban City; gives away cash, medicines, and cellphones to Yolanda victims

Kasama ni Willie Revillame (kanan) sa free show niyang Pamaskong Handog sa Tacloban City si Cesar Montano (kaliwa). Nang bumuhos ang malakas na ulan, hindi natinag sa kanilang kinatatayuan ang libu-libong dumagsa sa show dahil sa kagustuhang makita nang personal si Willie at mabigyan sila ng tulong nito.


Dahil sa dami ng mga nagsisiksikang tao, marami ang nahilo at nahimatay sa libreng palabas ni Willie Revillame na Pamaskong Handog, sa Tacloban City, kahapon, December 22, sa open terminal ng Daniel Romualdez Airport.

Maagap ang paramedics, ang Philippine National Red Cross volunteers, at ang Philippine National Police sa pagtulong sa mga biglang nanghina.

Nakahanda rin ang mga stretcher beds para sa mga pasyenteng binibigyan ng first aid sa clinic, na malapit na malapit sa stage na pinagtatanghalan ni Willie.

Ayon sa mga nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), alam ng mga taga-Tacloban na hapon pa ang show ni Willie, pero alas-tres ng umaga pa lang, naroon na sila sa open terminal ng airport ng Tacloban City para makakuha ng magandang puwesto.

Hindi lamang ang mga residente ng Tacloban City ang nanood. Sinasabi ngang ang mga nanggaling sa iba’t ibang bayan ng Leyte ang karamihan sa audience.

Nang bumuhos ang malakas na ulan, hindi sila natinag sa kanilang kinatatayuan dahil sa kagustuhang makita nang personal si Willie at mabigyan sila ng tulong nito.

CASH, CELLPHONES, MEDICINES FROM WILLIE. Hindi nabigo ang mga matiyagang naghintay sa pagdating ni Willie, na sumakay sa isang construction crane para makita siya ng libu-libong tao habang kumakanta.

May mga kababaihang hindi napigilan ang mapaluha nang makamayan si Willie, na itinuturing daw nilang simbolo ng pag-asa.

Ipinahayag ng ilang kababayan ang nararamdaman sa pamamagitan ng mga isinulat nila sa cardboard—tulad ng “’Di namin dama ang Pasko, pagdating mo lang, Kuya Willy, damang-dama na namin.”

Tuwang-tuwa ang mga nabigyan ni Willie ng pera dahil direktang nakarating sa kanila ang tulong.

May mga nagbibigay ng mga pagkain at damit ,pero mas kailangan daw nila ng pera para sa iba nilang pangangailangan.

Ang mga lola sa crowd ay pinapila upang bigyan ng P2,000, mga jacket, at gamot mula kay Willie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang mga batang may kapansanan ay binigyan din ng pera, gamot, at cellphone.

Bago nagpunta si Justin Bieber sa Tacloban City, kung saan ginamit niya ang eroplano ng host, nasa plano na raw ni Willie ang pagbisita sa devastated areas ng Leyte.

VIEW Justin Bieber visits Yolanda survivors in Tacloban

Pero hindi raw ito nakipagsabayan sa kaguluhan.

Sinunod din daw ni Willie ang S.O.P. (standard operating procedure) upang maging maayos ang pamamahagi niya ng tulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

“Nakakatuwa na maraming tao ang nakakatulong. Si Justin, nakakatuwa, pinuntahan kayo dito.

“Lahat sa buong bansa, sa buong mundo, ang tumulong sa atin,” ang pahayag ni Willie sa mga kababayan sa Leyte.

“Ito ay walang halong pulitika. Nagpapasalamat ako sa mga tao na nilapitan ko.

"Palakpakan po natin sila dahil sa kanila ako lumapit—kay Congressman Martin Romualdez sa pagtawag ko sa kanya, sa DOTC [Department of Transportation and Communication] dahil ang lugar na ito ay pag-aari ng gobyerno, sa pamumuno ni Secretary Joseph Abaya.

"Walang bayad itong lugar. Nang sabihin ko na gusto ko magpasaya sa Tacloban City, oo agad.

“Pumunta ako sa opisina ng DILG [Department of Interior and Local Government], kay Secretary Mar Roxas, para humingi ng suporta sa PNP [Philippine National Police].

"Ito po ay sariling sikap ko. Kahit wala akong TV show, gusto ko, nagkakasama tayo. Gagawa ako ng paraan para makasama kayo."

Sariling gastos ni Willie ang Pamaskong Handog sa Tacloban City. Kasama niya sa pamamahagi ng tulong at saya sina Cesar Montano, Alon, Bugoy Drilon, at ang staff at dancers ng Wowowillie, ang kanyang dating palabas sa TV5.

Ang dalawang private planes na pag-aari niya ang ginamit ni Willie at ng mga kasama sa pagpunta sa Tacloban City.

Hanggang 5 p.m. lang ang show dahil hindi na pinapayagang lumipad mula sa Tacloban City ang anumang eroplano pagkalampas ng ganoong oras.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Samantala, hindi matapus-tapos ang pasasalamat kay Willie ng dalawang madre mula sa Pampanga na nagdala ng relief goods sa Eastern Visayas.

Walang masakyan na eroplano ang mga madre dahil naiwan sila ng C130 plane na maghahatid sa kanila sa Maynila.

Hindi na nagdalawang-salita ang mga madre nang lapitan nila si Willie at pinakiusapang isabay sila sa biyahe pabalik ng Maynila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN