Robin Padilla makes MMFF comeback after 27 years; excited about joining daughter Kylie in Adarna

Robin Padilla wants politicians to watch his film 10,000 Hours: “Sana po mapanood ninyo yung 10,000 Hours, at sa pamamagitan po nito, bumalik po yung delikadesa po natin at gumawa naman po tayo ng isang tunay na bagay para sa Inang Bayan."


“Magsaya naman tayo, tama na muna ang kalungkutan.”

Ito ang nais iparating ni Robin Padilla sa ating mga kababayan ngayong Kapaskuhan.

Ito rin daw kasi ang kanyang nararamdaman sa pagbalik niya sa Metro Manila Film Festival (MMFF) matapos ng dalawampu’t pitong taon.

Kasama ang kanyang pelikulang 10,000 Hours sa MMFF ngayong 2013.

Wika pa ni Binoe, ang palayaw ni Robin: “Masaya po, masaya. Siyempre ako po’y yabang na yabang sa aking pelikula, sapagkat ito po ay Rated A, at ito po ay hango sa buhay ng masasabi po nating matindi na heneral at naging senador.”

Sa 10,000 Hours, si Robin ay si Gabriel Molino Alcaraz, isang dating pulis na kalauna’y naging senador.

Hango ang karakter niyang ito sa dating police general at dating senador na si Panfilo “Ping” Lacson.

Ngunit nauna na ring inamin ni Binoe sa mga interbyu niya, na ang "true-to-life story" ni Ping Lacson ay hinaluan na ng "fiction" upang magkaroon ng cinematic action.

Samantala, may babala naman si Robin sa mga nangungurakot na pulitiko: “Mag-resign na sila pagkatapos n’yo po mapanood…

“Sana po mapanood ninyo yung 10,000 Hours, at sa pamamagitan po nito, bumalik po yung delikadesa po natin at gumawa naman po tayo ng isang tunay na bagay para sa Inang Bayan.

“Lahat naman po tayo, may aksyon na, e. Sila na lang po ang kulang.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Robin sa MMFF Parade of Stars na ginanap sa Quirino Grandstand nitong Linggo, December 22.

MMFF COMEBACK. Huling nakasali sa Metro Manila Film Festival si Robin noon pang Bagets Gang (1986).

Nakasama niya rito bilang co-stars ang senador na ngayong si Jinggoy Estrada at ang kasalukuyang Laguna Governor na si ER Ejercito, na may screenname noong Jeorge Estregan.

Kaya excited daw ang 44-year-old actor sa pagkakasama niya muli sa taunang film festival—na nagtatagal mula Disyembre 25 hanggang Enero 7—kung kelan lahat ng sinehan sa Metro Manila ay nagpapalabas lamang ng pelikulang Pilipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Robin, “Alam n’yo, matagal-tagal na hindi ko naranas ang ganitong klaseng festival, kaya’t nagpapasalamat ako—siyempre, sa MMDA [Metro Manila Development Authority], sa Metro Manila Film Festival, at sa lahat po ng producer—at kami po’y nagkaroon ng pagkakataon na masakali rito.”

Sa kanyang pagbabalik, hindi lang daw entertainment ang handog ng pelikulang kanyang pinagbibidahan. May hatid din daw itong isang napapanahon at makabuluhang tema para sa mga manonood.

“Siyempre, ang gusto namin dito ay makapagbigay ng entertainment at makapagbigay ng katotohanan.

“Makabuluhan ang pelikula namin, at masasabi po namin na ang mga aksyon dito ay hindi nahuhuli sa mga masasabi kong mga pinagyayabang ng Hollywood.”

DREAM PROJECT. Ipinagpapasalamat din ni Robin na sa wakas ay makakasama na niya ang anak na si Kylie Padilla sa isang proyekto.

Papasok kasi siya sa Adarna, ang primetime series na pinagbibidahan ng anak sa GMA Network.

Matagal na raw itong nakaplano, ngunit hindi lang natutuloy dahil sa problema sa karakter na kanyang gagampanan.

“Matutuloy naman yun sa Adarna, hindi lang kagyat, sapagkat nagkaroon ng konting suliranin doon sa role, kasi mamamatay.

“Sabi ko, ’Wag naman!’ Kasi sa katayuan natin ngayon at sa aming pagiging mag-ama, mas gusto ko naman ng palabas na hindi ako mamamatay," paliwanag ni Robin.

Ito rin daw ang paraan ng pagpapasalamat niya sa GMA dahil sa tiwalang ibinigay ng network kay Kylie, na pinagbibida sa isang primetime series.

Kaya kahit na ano pa ang mangyari ay matutuloy raw ang pagsali niya sa serye ng anak.

“Oo, hindi puwedeng hindi matuloy yun! Pangarap ko iyun!

“Yun ay pasasalamat ko sa GMA sapagkat binigyan nila ang anak ko ng pagkakataon na maipakita ang kanyang galing sa aksyon."

Dagdag niya para sa mga namamalakad ng Kapuso channel: “Hindi kayo magsisisi sa inyong pinustahan.”

DAD UNDER TRAINING. Samantala, hindi raw siya nagmamadaling magkaanak sa asawang si Mariel Rodriguez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tatlong taon na silang nagsasama, ngunit pakiramdam niya’y hindi pa rin napapanahong magkaanak sila.

“‘Tsaka na muna yung anak,” sabi ni Robin.

Sa ngayon, ang focus muna raw ni Robin ay ang pagiging ama sa kanyang mga anak—Camille, 23; Queenie, 21; Kylie, 19; Zhen-Zhen, 17; at Ali, 13.

Anak ni Robin sa dating aktres at modelong si Leah Orosa si Camille, habang anak naman niya sa dating asawang si Liezl Sicangco ang apat na sumunod.

Naiiba na raw ang pakikitungo niya sa kanyang mga anak ngayong nagsilakihan na ang mga ito.

“Siyempre, kasi ngayon masasabi ko na meron akong katulong sa aking…Ako ngayon yung ’under training.’

“Under training ako sa mga anak kong maging tatay, sapagkat sila’y nagsilakihan na.

Sabi pa ni Robin, "Lalo na dun sa lalaki at sa babae, yung pakikitungo, iba na."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN