Robin Padilla on social relevance of 10,000 Hours: “Hindi kami nag-e-entertain... nagmumulat kami.”

MMFF 2013 Best Actor Robin Padilla feels right about bragging about his movie 10,000 Hours: “Ang pelikula namin ay may kinalaman sa buhay-buhay ngayon. Hindi kami nag-e-entertain. Yung ibang pelikula ng mga kapatid natin, sila yung nag-e-entertain... kami iba. Kami nagmumulat kami. Tulad nang sinabi ko na mayayabang kami, kasi totoo ang sinasabi namin.”


Si Robin Padilla ang itinanghal bilang Best Actor sa katatapos lang na Gabi ng Parangal ng 39th Metro Manila Film Festival. Ginanap ito sa Meralco Theater kagabi, Biyernes, December 27.

Si Robin ay gumanap bilang si Gabriel Molino Alcaraz sa pelikulang 10,000 Hours, na tungkol sa isang pulis na kinalaban ang sindikato ng kidnap-for-ransom groups.

Halaw ito sa buhay ng dating Senador na si Panfilo Lacson sa direksyon ni Joyce Bernal, bagamat inamin ni Robin sa mga naunang interbyu na may halo na itong fiction.

Ang 10,000 Hours din ang kumopo sa halos lahat ng major at minor awards sa MMFF 2013—tulad ng Best Picture, Best Director, at Best Supporting Actor.

Pagkatapos ng awarding ceremony, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang bagong tanghal na Best Actor.

Hindi maitago ni Robin ang kasiyahan sa pinakabago niyang tagumpay.

Bulalas ng award-winning actor, “Siyempre, sobrang pagmamalaki ko. Sobrang tuwa ko.

“Pero lahat ng ito ay dahil kay Direk Joyce [Bernal] kasi kung wala siya, wala ’to.

“At lahat ng mga OA [overacting] na acting ko ay hindi nawala.

"May tiwala ako kay Joyce.

“Ayaw ko namang sabihin dahil baka masyadong mayabang, pero first day pa lang, alam kong mananalo ako.

“Nakaka-take five kami ni Direk, kasi merong acting na gusto kong gawin na gustung-gusto niya.”

WORRIED VICE GANDA WOULD WIN. Pero aminado ang sikat na action star na bago ang awards night ay kabado siyang baka si Vice Ganda ang manalong Best Actor dahil sa mga naglalabasang balita.

Si Vice Ganda ang bida sa MMFF entry na Girl, Boy, Bakla, Tomboy, kung saan gumanap ito ng apat na iba’t ibang characters.

Pagpuri ni Robin, “Lahat ng gawin ni Vice ay threat kahit kanino—pelikula, acting, hosting... lahat!

“Panahon ’yan, e. Pero wala tayong magagawa.

“Pero nasa akin nga ang tropeo, at alam ko namang pinaghirapan ko ito nang husto kaya maraming salamat sa bumubuo ng MMFF.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HESITANT ABOUT ATTENDING AWARDS NIGHT. Merong kuwento na ayaw niyang pumunta sa Gabi Ng Parangal kagabi.

“Parang may agam-agam ako nung umaga pa lang,” pag-amin niya.

“Kasi nga puro Vice Ganda ang mga hula.

“Kaya sabi ko, parang tinatamad ako.

“Buti na lang, itong asawa ko, si Mariel [Rodriguez], sobra kung magpalakas ng loob.

“Sabi niya, ’Babe, you’re gonna win. Punta ka!’

“Naisip ko na kung siya nga, malakas ang tiwala sa akin, bakit ako parang wala?’

"Kaya, hayun, nagbihis ako at heto kaming lahat.

“Ang yabang ko na marami kaming nakuhang award, pero dapat lang namang ipagyabang ito.”

FIRST MMFF BEST ACTOR PLUM. Kauna-unahang Best Actor trophy ito ni Robin sa anumang Metro Manila Film Festival kaya ganoon na lang ang pagmamalaki niya rito.

“Marami na akong natanggap na Best Actor [awards], pero ibang klase ito, ’tol,” mariing sabi niya.

“First time ko ito sa Metro Manila filmfest at alam kong pinaghirapan ko ito nang husto.

"Dugo at pawis.

“Maging si Senator Lacson, alam ko ipinagkakapuri niya ang maraming awards na natanggap.

"Maging siya ay tumutok sa paggawa ng pelikulang ito.

“Sabi ko nga, kung ang kita ng filmfest halimbawa ay eight-hundred million pesos, sa amin ay heto na ’to...

"Heto ang katapat nun, hawak ko,” na sinabayan ni Robin nang mahigpit na hawak sa kanyang tropeo.

Ayon sa biro ng kanilang producer na si Neil Arce, ngayon daw ay naniniwala na siya na hindi luto ang mga nananalo sa MMFF.

“Ah, yun? Oo, biro lang niya yun,” nangingiting sabi ng 44-year-old action superstar.

“Alam naman natin na merong ganoong pagdududa noon.

“Kasi nga, may mga nangyari naman talaga.

"Pero, ako, naniniwala ako na kapag pinaghusay mo talaga ang paggawa ng pelikula, pagpili ng istorya, at isinapuso mo ang pag-arte, may matatanggap ka talaga.

“Bukod sa parangal ng bumubuo ng filmfest, kundi pati yung respeto sa iyo ng tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yun ang importante sa akin.”

SOCIAL RELEVANCE. Maging siya ay puring-puri ang kanilang pelikula.

Pagmamalaki ni Robin, “Unang ano pa lang, gandang-ganda ako sa pelikula namin.

“Ang pelikula namin ay may kinalaman sa buhay-buhay ngayon.

“Hindi kami nag-e-entertain.

"Yung ibang pelikula ng mga kapatid natin, sila yung nag-e-entertain... kami iba.

“Kami nagmumulat kami.

“Tulad nang sinabi ko na mayayabang kami, kasi totoo ang sinasabi namin.”

WISHING FOR COMMERCIAL SUCCESS. Hiling nga niya na sana pagkatapos ng mga parangal na tinanggap ng kanilang pelikula ay pumila naman ang tao sa takilya at tangkilikin ang makabuluhang pelikula.

“Heto ay para sa producers naman natin,” saad ng minsa’y tinaguriang Bad Boy of Philippine Movies.

“Siyempre, gusto rin naming maibalik ang pinagkagastusan nila.

“Kung si Kris Aquino nga ay nagsabing naka-quota na siya, kami ay hindi pa.

“Yun ang gusto naming habulin ngayon.

“Dati-rati, kapag nanalo ng awards ang isang pelikula, doon lang nagiging curious ang tao.

"Namumulat sila at saka sasabihing, ’Ano merong kaya sa movie na ’to?’

"Saka sila pipila.

“Ipagdasal natin na sana mangyari ito, at sana lahat ng pelikulang Pilipino ay tangkilikin nila.

“Kasi, handog namin itong lahat sa kanila.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN