Raquel Pempengco explains why she is against Alyssa Quijano for daughter Charice

Sa kabila ng alitan nila ng anak na si Charice, sinabi ni Raquel Pempengco na naiintindihan niya kung bakit wala ito sa kanyang tabi ngayon. Sabi ni Raquel, “Wala akong kailangang ibigay na patawad kay Charice. Kasi, hindi siya nagkamali sa akin. Ipinaglaban niya lang yung nararamdaman niya.”


Naka-move on na raw ang ina ni Charice na si Raquel Pempengco sa pagkawala ng anak na singer sa kanyang poder.

Matatandaang noong 2013 ay naghiwalay ng landas ang mag-ina pagkatapos aminin ni Charice na tomboy siya at ang relasyon nito sa kasintahang si Alyssa Quijano.

Pahayag ni Raquel sa Buzz Ng Bayan kahapon, January 5, “Kasi, ilang buwan na rin simula ng pagkakakaalis sa amin ni Charice.

"Ilang buwan na rin akong nanahimik, kasi ayoko rin naman na, anak ko, kakalabanin ko.

“Siyempre, nag-decide na rin akong lumabas para sabihin at malaman na rin ninyo na naka-move on na rin ako—totally moved on.”

Ano ang ibig niyang sabihin na naka-move on na siya?

Paliwanag ni Raquel, “Move on na wala na sa amin si Charice.

"Kasi, kung sa acceptance, matagal ko nang na-accept kung sino si Charice.

"Mula kay Courtney, nakisama ako kay Courtney at sa ibang babae—yun lang ang iki-clear ko.”

Saan siya napipikon sa lahat ng lumalabas laban sa kanya?

Sagot ni Raquel, “Yung lumalabas na hindi ko matanggap si Charice sa pagiging ganun, despite sa ibinigay sa amin ni Charice.

"Para bang si Charice palagi ang nagbigay. Parang wala akong naibigay para sa kanya.

"Parang pakiramdam ko, wala akong silbi bilang magulang ni Charice.”

ALYSSA QUIJANO. Isa rin sa lumalabas na rason ng hindi nila pagkakaunawaang mag-ina ay ang diumano’y pagtutol o hindi matanggap ni Raquel ang relasyon ni Charice kay Alyssa.

Totoo nga ba ito?

Sagot ng ina ni Charice, “Sinabi ko talaga na ibang babae na lang, huwag lang si Alyssa.”

Bakit ayaw niya kay Alyssa?

Paliwanag ni Raquel, “Kasi, noong time na nag-a-undergo siya ng mga singing contests, yung nanay niya [Alyssa], nagkakaroon kami ng mga...

"Ano, inaway ako or nakipagtalo na rin ako dahil gusto nilang i-out sa Little Big Star si Charice."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang ibig sabihin ni Raquel ay nais daw ilantad ni Alyssa at ina nito ang totoong sexual preference ni Charice noon.

Patuloy niya, “After that, nasa Amerika kami, in-invite ko pa si Alyssa at nanay niya sa isang swimming party namin.

"Nagulat pa si Charice na sabi niya, ’Bakit niyo in-invite ‘yan? Alam niyo naman na ‘yan ang kaaway ko noong time ng Little Big Star?’

“Sinabi ko naman sa kanila na let bygones be bygones.

"Kaya naman ipinakita ko sa kanila na, heto ako ngayon, hindi ako nagmamalaki sa kanila at hindi ako nagtatanim.

"Hindi pa nga niya [Charice] pinapansin si Alyssa doon."

Dagdag pa ni Raquel, “Hindi pa yun, sa mga contest-contest, na siya [Alyssa] pa ang nanlalait kay Charice, siya pa ang nagkukuwento sa akin.

“Bago siya umuwi noong last April [2013], sinabi niya na, ’Mommy, kalimutan na natin yun. Matagal na yun.’

"Sabi ko, ’Kung ikaw, kakalimutan mo, na heto ngayon, gina-grab niya ang opportunity para dumakit sa ‘yo, hindi ko tatanggapin.’"

Ang ibig sabihin ni Raquel ay naniniwala siyang may ibang intensiyon si Alyssa kay Charice.

REACHING OUT. Kung sakaling mag-reach out sa kanya si Alyssa, mauunawaan ba ni Raquel kung ano ang pinanggagalingan nito at ni Charice?

Tugon niya, “Siguro, mauunawaan ko kung si Charice ang magsabi sa akin at hindi si Alyssa.”

Bagong taon, kung sakali at pumunta si Charice sa kanya at mag-reach out, kaya na niya itong patawarin?

Ayon kay Raquel, “Katulad ng sinasabi ko, noong last Christmas, nag-email siya sa akin na, ’Mom and Carl, Merry Christmas and Happy New Year. You know I love you.’

“Sinagot ko siya. Sabi ko, ’Alam mo naman din kung gaano ka namin kamahal. Kahit na anong mangyari, basta bukas ang bahay at ang kainan namin, bukas ‘yan para sa ‘yo. Para sa ‘yo.’”

Hindi na raw muling sumagot si Charice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mensahe ba si Raquel para sa anak?

Pahayag niya, “Masaya siya.

"Naka-move on na kami, pati kapatid niya, naka-move on na kami.

"Siguro, darating din ang panahon na kung hindi ko man matanggap si Alyssa, basta isipin niya na mahal namin siya.”

Kay Alyssa, may mensahe ba siya?

“Si Alyssa, kung talagang mahal niya si Charice, bubuuin niya ang pamilyang winasak niya.”



ALLEGED SUICIDE ATTEMPT. Noong 2013 ay lumabas ang isyung nagtangka diumanong magpakamatay si Charice.

Bilang ina, may alam ba si Raquel tungkol dito?

Sagot niya, “Hindi ko nga rin alam, e.

"Siguro kasi, sa dami-dami ng dapat itago, itinago ko. Kasi, anak ko yun, e.

"Doon nga ako nagtataka, sa nanay ko pa nanggaling ang mga salitang yun.

"Hindi man lang niya inisip kung kaanu-ano niya yung pinagsasalitaan niya ng ganun."

Ang maternal grandmother ni Charice na si Tess Relucio ang nagsiwalat sa media tungkol diumano sa tangkang pagpapakamatay ng international singer.

May problema ba si Raquel at ang kanyang ina?

Pag-amin naman niya, “Kasi, meron kaming konting hindi pagkakaintindihan.”

Hanggang ngayon?

“Hanggang ngayon.”

Hindi kaya yung relasyon nila ni Charice ay nauulit lang sa kung ano ang relasyon ni Raquel sa kanyang sariling ina?

Sagot niya, “Hindi, naging masunurin ako sa magulang ko.

"Sa pag-aasawa, lahat sinunod ko ‘yan.

"Ngayon lang kami nagkaroon ng misunderstanding.”

Hindi raw maintindihan ni Raquel kung bakit nanggaling pa sa kanyang ina ang balitang nagtangkang magpakamatay si Charice.

“Yun lang ang ikinatatampo ko, ikinasasama ko ng loob sa nanay ko,” naluluha nang sabi ni Raquel.

Dagdag pa niya, “Minsan, sinasabi ko, ’Anak ba ako ng nanay ko?’

"Dahil kapag hindi ko naibibigay, noon pa, ganoon na ang nanay ko.”

Ano ang hindi niya naibibigay?

“Yung gusto niya… meron siyang gusto na hindi ko naibibigay. Yun lang ang kaya kong ibigay, e.”

Kapag hindi niya naibibigay ang gusto ng ina, ano ang nangyayari?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ayun, sisiraan niya ako,” sabi ni Raquel.

MISSING CHARICE. Ayon sa host na si Boy Abunda, nakita niya ang hirap na pinagdaanan nina Charice at Raquel noong nagsisimula pa lamang si Charice sa singing career nito.

Sabi naman ni Raquel, “Siguro, hindi lang hirap yun.

"May times na sumusuko na siya, e. Sabi ko, konting kapit na lang.

“Ang ikinasasama ng loob ko, ganoon na lang niya nakalimutan ang lahat ng nagawa ko sa kanya.

"Ang ikinasasama ng loob ko, bakit ngayon, sinasabi niya na wala akong nagawa.”

Nami-miss ba niya si Charice?

“Siyempre,” naiiyak na sagot ni Raquel.

“Kung hindi nga lang... siyempre, sino bang magulang ang hindi nakaka-miss sa anak?

"Lalo na mas malaki ang bonding namin.

"Kung sa bonding lang, mas matagal ang bonding namin.

"Pero, napakasakit na sabihin sa ‘yo na may pangalawa na siyang pamilya.

“Kaya madali akong naka-move on, iniisip ko na lang, doon siya masaya.”

Kinumpirma rin ni Raquel na ibinenta na niya ang bahay nila sa Tagaytay, at alam daw ito ni Charice.

“Sabi niya, ’Opo, Mommy, magandang plano po ‘yan.’”

Ang napagbentahan daw ay napunta sa negosyo nila ngayon.

Kay Raquel daw nakapangalan ang bahay nilang ito sa Tagaytay.

Sa perang pinagtrabahuhan ba ni Charice nanggaling ang ipinambayad sa bahay?

“Hindi, siguro mga ilang buwan na... hulugan kasi yun. Hinulugan ko yun.

"Mga ilang hulog lang siya dun, ako na ang nagpatuloy.

"Kinuha ko yun noong nag-i-stay siya sa Amerika.

"Kinuha ko yun sa mga kinita ko sa endorsements niya.”

CHARICE & CARL. Kumusta naman si Charice at ang kapatid nitong si Carl ngayon?

Ayon kay Raquel, “Parang yung pagkakaalis din ni Charice last April, parang sumama ang loob niya [Carl].

"Kung ano pa ang lumabas na balita na hindi raw namin siyang tanggap.

“Pero ngayon, sabi niya, ’Mommy, email ko si Ate, ha?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, ’email mo.’"

Sa palagay niya ba ay nag-uusap ang magkapatid?

“Sa palagay ko, nag-uusap.

"Merong time na niloloko niya ako na, ’Mommy, paano kung biglang pumunta rito si Ate?’

"’E, di pagbuksan niyo.’"

Paano nga kung biglang pumunta sa kanila si Charice?

“E, di yayakapin ko... ’Kumusta ka na?’ Yun lang.”

Ina pa rin siya at anak pa rin niya si Charice?

“Of course, kahit may nakita na siyang pamilya, hindi niya maikakailang ina niya ako.”

Sa lahat ng mga nangyari, ano ang natutunang leksiyon ni Raquel na maaari niyang ibahagi?

Sagot niya, “Kung mahal niyo ang isang tao, matuto kang magbigay kahit na nasasaktan ka.”

Naka-move on na siya, pero nakapagpatawad na rin ba siya?

Sabi ni Raquel, “Wala akong kailangang ibigay na patawad kay Charice.

"Kasi, hindi siya nagkamali sa akin. Ipinaglaban niya lang yung nararamdaman niya.”

Nauunawaan niya ba ang ipinaglalaban na ito ng anak?

“Naiintindihan ko,” sagot ni Racquel.

“Kaya nga, sabi ko, kung saan maligaya siya, kung hindi siya uuwi sa akin, basta happy siya.

"Naiintindihan ko rin kung wala siya sa tabi ko."

Sa huli, ano ang laman ng dasal niya?

“Kapag nagpi-pray ako, sabi ko, ’Sana, ibalik sa akin yung dating Charice.’

"Yun lang ang pinagpi-pray ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN