Vice Ganda on losing Best Actor to Robin Padilla: "Maraming nag-e-expect na ako ang mananalo, maraming nagsasabi—kahit si Robin."

Sobrang kasiyahan daw ang nararamdaman ni Vice Ganda dahil sa tagumpay sa takilya ng pelikula niyang Girl Boy Bakla Tomboy. Saad niya, “Sobrang saya ko! Araw-araw, gumigising ako nang nakangiti. Bago matulog, nakangiti ako. Nasa cloud nine ako… Magmula nang nagsimula yung [Metro] Manila Filmfest, hanggang ngayon, cloud nine talaga.”


Hindi maipaliwanag ni Vice Ganda ang kasiyahang nararamdaman nang dumating siya sa special screening ng Girl Boy Bakla Tomboy kagabi, January 6, sa MyCinema ng Greenbelt 3, Makati City.

Ang special screening ay inorganisa ni Virgie Ramos ng Swatch.

Ilan sa celebrities na nanood ay ang mga aktor na sina Derek Ramsay, Dominic Roque, at James Blanco; ang magkapatid na Rowell at Railey Santiago; ang stylist na si Liz Uy; ang designer na si Paul Cabral; at ang Concert King na si Martin Nievera.

Bago pumasok sa sinehan ay nagpaunlak ng panayam si Vice sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media.

May kumakalat na balitang naungusan na raw ng Girl Boy Bakla Tomboy ang dating nangungunang My Little Bossings sa box-office race ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2013. Totoo ba ito?

Sagot ni Vice, “I heard, sabi!

“Sabi nila, pero hindi ako sure… hindi ko alam.”

Kung sakaling totoo ito, ano ang pakiramdam ni Vice?

“Masaya na ako!” bulalas niya.

“Hindi ka pa ba magiging masaya na naka 300-million plus na yung pelikula mo?

“Sobrang saya ko!

“Araw-araw, gumigising ako nang nakangiti. Bago matulog, nakangiti ako. Nasa cloud nine ako…

“Magmula nang nagsimula yung [Metro] Manila Filmfest, hanggang ngayon, cloud nine talaga.”

Ano ang ibig sabihin para sa kanya ng tagumpay ng Girl Boy Bakla Tomboy, kumpara sa Sisterakas (2012) na tatlo silang bida nina Ai-Ai delas Alas at Kris Aquino?

Sagot ni Vice, “Parang pina-realize sa akin ng madlang people na kahit sinong kasama mo, kahit wala kang kasama, tanggap nila yung mga projects na ginagawa ko.

“Tapos, all-out support talaga sila.

“Masasabi kong ito ang biggest achievement ko, so far, sa lahat ng mga pelikulang nagawa ko.

“Kasi, panglima ko na ito, e… panglima na ito sa pinagbidahan kong pelikula.

“Marami akong pelikulang nakakatawa, pero ito yung napuri na pelikula kong nagawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung kailan solo pa akong talaga, tapos ang dami kong karakter na ginampanan.

“Nakaka-proud!

“Napa-proud ako, napa-proud yung team ko, proud yung mga taong malapit sa kin, yung mga nagmamahal sa akin.

“Masaya kaming lahat.”



BEST ACTOR. Sa kabila ng box-office success ng Girl Boy Bakla Tomboy, may balitang disappointed daw si Vice na hindi siya ang nanalong Best Actor sa MMFF Awards Night.

Ang nag-uwi ng tropeyo ay si Robin Padilla para sa pagganap nito sa 10000 Hours, na itinanghal ding Best Picture.

Sabi ni Vice tungkol dito: “Hindi naman sa na-disappoint, kasi hindi naman talaga ako nag-e-expect pag mga ganyang acting award.

“Sila yung nagsasabing, ‘Ikaw ang mananalo.’ Pero tinatawanan ko lang sila.

“Last year, hindi ako nagpunta sa awards night, pero sinabi ko na pupunta ako sa awards night ngayong taon, kasi gusto kong um-outfit.

“Pero hindi talaga ako nag-e-expect.”

Ano ang reaksiyon ni Vice sa balitang siya raw ang pinakamabigat na nakalaban ni Robin sa Best Actor category?

Sagot niya, “Maraming nag-e-expect na ako ang mananalo, maraming nagsasabi—kahit si Robin. Ayun!

“Kaya nakakatuwa na rin na kahit hindi ako nanalo, maraming naniwalang mananalo daw ako.

“Pero hindi naman kasi yun ang target ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN