Senator Jinggoy Estrada slammed for allocating P100-M PDAF to the city of Manila

Sa gitna ng kinasasangkutan nitong pork-barrel scam, nahaharap sa panibagong kontrobersiya si Senator Jinggoy Estrada dahil sa desisyon niyang ibigay ang kanyang PDAF, na nagkakahalaga ng P200 million para sa lungsod ng Maynila, Caloocan, at Lal-lo Cagayan. Lalo umano itong naging kuwestiyonable dahil ang Maynila ay pinamumunaan ng kanyang ama na si Mayor Joseph Estrada.


Nahaharap sa panibagong kontrobersiya si Senator Jinggoy Estrada.

Ito ay dahil sa ibinigay niyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na nagkakahalaga ng P100 million, sa lungsod ng Maynila.

Ang ama ni Senator Estrada na si Joseph "Erap" Estrada ang nakaupong mayor ngayon sa Manila.

Naglaan din si Senator Estrada ng tigpi-fifty million pesos na pondo para naman sa lungsod ng Caloocan at bayan ng Lal-lo, Cagayan.

Ang impormasyong ito ay napag-alaman ng The Philippine Star matapos nitong masilip ang P200 million na pondong subsidiya para sa tatlong nabanggit na local government units, base sa naaprubahang national budget ngayong taon.

Ayon sa ulat ng daily broadsheet ngayong araw, January 8, kinumpirma ni Davao Representative Isidro Ungab—chairman ng House Committee on Appropriations—na ang naturang pondo ay nanggaling sa PDAF ni Senator Estrada.

Napagdesisyunan daw ito sa naganap na bicameral conference ng Senado at Kongreso para sa 2014 national budget noong Disyembre 10, 2013.

Sabi ni Congressman Ungab, “These came from his [Senator Estrada] PDAF, which he realigned, with the approval of the Senate finance committee and the Senate plenary.”

NO LEGAL IMPEDIMENT. Inamin ni Senator Estrada na siya ang nag-propose ng naturang “amendments” sa 2014 national budget.

Sa kabila ng pambabatikos na natatanggap niya dahil dito, iginiit ng senador na hindi ito labag sa kautusan ng Supreme Court, na idineklarang unconstitutional ang PDAF noong November 19, 2013.

Ipinaliwanag din ng actor-politician na bagamat ipinagbawal ng Supreme Court na makialam ang mga mambabatas sa national budget matapos itong aprubahan, maaari pa itong amendahan kapag hindi pa ito naipapasa ng Kongreso.

Sabi pa ni Senator Estrada tungkol sa ibinigay niyang pondo sa Manila, Caloocan, at Lal-lo, “There is nothing wrong with it. It’s [part of] assistance to local government units.”

Ito ay nabibigyang-kulay dahil ang ama niyang si Erap Estrada ang kasalukuyang alkalde ng Manila.

Ang mayor naman ng Caloocan na si Oscar Malapitan ay kasapi ng United Nationalist Alliance, ang kinabibilangang partido ng pamilya Estrada.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod dito, mainit pa rin ang pork-barrel scam na kinasasangkutan ni Senator Estrada.

Ayon sa whistlebowers, ay tumanggap umano ng kickback na nagkakahalaga ng P183,793,750 mula sa kanyang PDAF.

Sa ulat pa rin ng The Philippine Star, minsan na ring kinuwestiyon ni Commission on Audit (COA) Chairman Grace Pulido-Tan ang request ni Senator Estrada na palitan ang dalawang city auditors ng Manila.

Ganting-sagot naman ng senador, hindi niya ito ikinakaila dahil ang kanyang request ay alinsunod sa rekomendasyon at hininging tulong ni Manila City Administrator Simeon Garcia na paimbestigahan ang financial status ng lungsod.

Nilinaw rin ni Estrada na hindi inaprubahan ng COA chairman ang naturang request.

QUESTIONABLE LUMP-SUMS IN THE 2014 NATIONAL BUDGET. Samantala, isang miyembro ng House Committee on Appropriations ang nagsabi na lumalabas na ang paglagay ng pondong subsidiya sa national budget para sa mga lungsod at probinsiya ay walang kaibahan sa PDAF na ibinibigay sa LGUs.

Sabi ng di pinangalanang kongresista, “In short, what cannot be done through PDAF is now being done through insertions in the national budget.”

Inaprubahan ni President Benigno Aquino III ang 2014 national budget bill o General Appropriations Act (GAA) noong December 20, 2013.

Mismong si PNoy ang nag-propose na magkaroon ng subsidy fund sa halagang P200 million upang makatulong sa iba’t ibang programa at proyekto ng LGUs.

Ngunit ang ipinagtataka ng ilan, umabot ng P405 million ang halaga ng pondong mapupunta sa LGUs, ayon sa napagkasunduang budget sa naganap na bicameral conference noong Disyembre 10.

At dito natukoy ang Manila, Caloocan, at Lal-lo na siyang tatanggap ng subsidiyang nagkakahalaga ng P200 million.

Isa si Senator Estrada sa siyam na senador na nagdesisyong i-realign ang kanilang P200-M PDAF sa ilalim ng 2014 national budget.

Ito ay sa kabila ng desisyon ng labinlimang senador na tanggalin ang kanilang PDAF mula sa national budget ngayong taon.

SENATOR CHIZ DEFENDS SENATOR ESTRADA. Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Senator Francis "Chiz" Escudero kung bakit pinayagan ang ilang senador na huwag alisin ang kanilang P200-million PDAF at i-realign na lamang ito sa ibang proyekto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Remember what I said then that I will respect the individual decision of senators in the caucus regarding the PDAF.

“The remaining nine senators allocated [their PDAF] to various areas although most placed them for calamity fund," pahayag ni Senator Escudero sa hiwalay na ulat ng The Philippine Star ngayong araw.

Sinabi rin niyang si Senator Estrada lang ang nag-allocate ng pondo sa LGUs, habang ang walo pang natitirang senador ay nagbigay ng pondo para sa mga pampublikong paaralan, ospital, at public works.

Ganunpaman, iginiit ni Senator Escudero na nirespeto ng Senado ang desisyong ito ni Senator Estrada, kaya’t hindi na dapat pang palakihin ang isyu.

Sabi niya, “For me, it is a non-issue.

"The issue is whether they will use the funds properly or not.

"What is important is that there should be no post-intervention."

Kapag nai-release na ang pondong nagkakahalaga ng P100 million na nakalaan para sa lungsod ng Maynila, responsibilidad daw ni Mayor Estrada na siguruhing mapupunta ang naturang budget sa mga karampatang proyekto at programa ng lungsod.

Samantala, nagbigay rin ng pahayag si Mayor Estrada kaugnay ng napapabalitang subsidiyang ibinigay sa lungsod ng Maynila.

Bagamat hindi pa raw siya opisyal na nasabihan tungkol dito, sinabi ni Mayor Estrada na malaki ang maitutulong ng karagdagang P100 million na pondong ibibigay sa pinamumunuan niyang lungsod.

Malaki raw kasi ang utang ng Maynila sa Manila Electric Corporation (Meralco) at Maynilad Water Services Inc., na nagasta sa ilalim ng administrasyon ni dating Manila City Mayor Alfredo Lim (2007-2013).

May utang din daw ang lungsod na P613.6 million sa Meralco at P57.7 million sa Maynilad.

Sabi ni Mayor Estrada: “Thank God. We need it very badly.

"I inherited a bankrupt city government with a P3.5-billion budget deficit left by my predecessor [former Mayor Alfredo Lim].

“This is documented and the Commission on Audit has confirmed that.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nahalal si Mayor Estrada bilang pinuno ng lungsod ng Maynila noong 2013 elections.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN