Alden Richards says Dingdong Dantes gave him his blessing to work with Marian Rivera

Noon pa man daw ay sinabi na ni Dingdong Dantes na sana ay magkaroon ng teleserye ang kasintahang si Marian Rivera kasama ang Kapuso young actor na si Alden Richards. Sa wakas ay mangyayari na ito sa Carmela, ang unang pagtatambal nina Alden at Marian, na magsisimula sa GMA Network sa January 27.


Bakas sa mukha ni Alden Richards ang labis na kasiyahan sa pagiging leading man niya kay Marian Rivera sa upcoming primetime teleserye ng GMA Network, ang Carmela, na magsisimula na sa January 27.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang miyembro ng press si Alden sa post-birthday celebration niya, kasama ang mga bata sa Holy Trinity Home for Children, sa Merry Homes Subdivision, Fairview, Quezon City, kahapon, January 14.

Ipinagdiwang ni Alden ang kanyang 22nd birthday noong January 2, 2014.


MARIAN’S CHOICE. Ano ang pakiramdam ni Alden na siya ang first choice para maging leading man ng Kapuso Primetime Queen sa bago nitong teleserye?

Saad niya, “Sobra po yung pagpapasalamat ko sa kanya.

“Sabi ko, ’Yan [palayaw ni Marian], siguro sa buong tatlong taon ko sa showbiz, ito na yung turning point ko. Thank you sa chance…’

"Kasi ang laking bagay po ang mai-partner ako sa kanya."

Naniniwala si Alden na makakatulong nang malaki sa kanyang career ang pagkakapareha kay Marian.

Aniya, “Parang after this project, iba na po…

"Parang hindi na po boy-next-door, hindi na po tweetums-tweetums… leading man na po talaga.”

DINGDONG’S BLESSING. Inusisa ng PEP si Alden kung nakapag-usap na ba sila ng boyfriend ni Marian na si Dingdong Dantes.

Sagot ng Kapuso heartthrob, “So far po, wala pa pong chance.

"Pero pag nagkita po kami, sasabihin ko po sa kanya."

Inilahad ni Alden na matagal nang ibinigay sa kanya ni Dingdong ang blessing nito na makatrabaho si Marian.

Pagsasalaysay ni Alden, “First, may blessing na rin naman po ni Kuya Dong, if ever man.

“Pumayag naman po siya na ako ang maka-partner ni Yan.”

Nakatrabaho ni Alden sina Marian at Dingdong sa primetime series na My Beloved noong 2012.

Sa nasabing teleserye ay magkapatid ang ginampanang roles nina Dingdong at Alden.

Dito raw nabuo ang pagkakaibigan ng dalawang aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ani Alden, “Kami po ni Kuya Dong, very close friends talaga, since My Beloved.

“Siya yung naging adviser ko kung ano ang dapat gawin."

Sabi raw noon ni Dingdong sa kanya: “Alam mo, Den, kailangan bigyan ka ng project kasama si Yan. Malaking tulong sa ‘yo ‘yon.’"

Sabi naman daw ni Alden, "Sana, Kuya Dong."

Ang dating ipinapareha kay Alden ay si Louise delos Reyes, na nakatambal niya sa One True Love (2012) at Mundo Mo’y Akin (2013).

Wala rin daw dahilan para pagselosan ni Dingdong si Alden sa pagkakapareha nila ni Marian.

Paniniyak ni Alden, “Wala pong dapat ipangamba sa akin si Kuya Dong dahil yung respeto ko sa kanila ni Yan, wala pong tutumbas dun.”


NO TIME FOR LOVE. Sa hanay ng mga aktres ngayon, type daw ni Alden si Anne Curtis.

Pero pagdating sa pag-ibig, mas pinipili ni Alden na isantabi muna ito at mag-focus sa trabaho para makapagpundar para sa kanyang pamilya.

Sabi pa niya tungkol sa lovelife, “I consider it po as distraction pa at this moment.”

Kailan naman kaya siya magkakaroon ng oras para sa pag-ibig?

“Pag settled na po yung family ko, yun lang po yung pinaka-ultimatum ko.

“Pag okay na, [pag] may bahay na kami.

"Tapos, well-off na po yung kapatid kong dalawa, yung dad ko, at lolo’t lola ko.

"Pag feeling ko po, if tawagin na ako ng love, yun na," saad ni Alden.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN