Angel Locsin admits she still has feelings for ex-boyfriend Luis Manzano

Naging emosyunal si Angel Locsin nang inamin niya sa press kahapon, January 15, na may nararamdaman pa rin siya para sa dating kaisntahang si Luis Manzano. Inamin din ng aktres na umaasa siyang magkakabalikan sila.


Inamin ni Angel Locsin na mahal pa rin niya hanggang ngayon ang kanyang ex-boyfriend na si Luis Manzano.

Sa bloggers conference para sa upcoming primetime series niyang The Legal Wife kahapon, January 15, na ginanap sa 9501 restaurant ng ABS-CBN, sinabi ng aktres na nag-uusap silang muli ng dating kasintahan.

Saad ni Angel, “Yes, nag-uusap na kami uli.

"Noong New Year, pumunta siya sa bahay.

"Although tulog na ako, late siya... kaya wala akong alam na nagpunta siya."

Dagdag ng Kapamilya actress, "Yun nga, napapag-usapan namin yung mga bagay na hindi namin napag-usapan noon.

"Pero andun pa lang naman kami, kasi pareho kaming galing sa breakup din naman.

"Pero masaya ako na okay na kami.

"Kasi hindi kami talaga nag-uusap ni Luis before.

"Hindi kami magkaaway, pero iniiwasan lang namin talaga ang isa’t isa."

Pagkatapos ng ilang taong relasyon bilang magkasintahan ay nag-break sina Angel at Luis noong 2009.

Read: Angel Locsin confirms breakup with Luis Manzano

Pagkatapos nito ay nagkaroon ng panibagong karelasyon ang dalawa; si Angel sa football player na si Phil Younghusband, at si Luis sa Kapuso actress-TV host na si Jennylyn Mercado.

Ngunit noong 2013 ay halos magkasunod na natapos ang relasyon ni Angel kay Phil at ni Luis kay Jennylyn.

RECONCILIATION. Ano ang ibig sabihin nito? Ibinabalik lang nila ang pagkakaibigan nila o nanliligaw ulit sa kanya si Luis?

Sabi ni Angel, “Wala naman siyang sinasabi, pero… ewan ko ba!

"Eto na nga ba yung sinasabi natin, e.

"Siguro mahirap iwasan kung importante talaga siya sa ’yo, saka pag mahal mo yung tao."

Sa pagkakataong ito ay medyo naging emosyunal si Angel.

Nangilid ang luha niya sa mga mata nang linawin ng press kung mahal pa niya si Luis.

“Ang hirap naman kasi, e. So, teka lang!" bulalas niya.

"Kasi hindi pa niya alam, hindi pa kami nag-uusap talaga, pero…"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Panandaliang natahimik si Angel ngunit pagkatapos ng ilang sandali ay inamin niya, "Mahal... mahal naman.

"Andiyan yung love. Hindi naman nawala, e.

"Pero hindi naman ibig sabihin nun na magiging kayo ulit o magkakabalikan kayo.

"Kasi kailangang pag-usapan muna ang napakaraming nangyari sa amin, e.

“So, alam kong maraming magre-react sa sinabi kong ito, pero pasensiya na po kayo.

"Kasi, ayaw ko lang pong magsinungaling.

"So, tinanong niyo ako, at unang beses na naitanong sa ’kin ito, sinasabi ko lang naman."

READY FOR CRITICS. Handa na ba siya sa mga batikos na ibabato sa kanya pagkatapos ng pag-amin niyang ito?

"Ganun talaga, e," pagkikibit-balikat ni Angel.

"Mas gusto ko nang magalit sa kin ang tao, kesa sa lokohin ko ang mga tao, di ba? Mas konsensiya ko naman yun.

"Pasensiya na talaga. Gusto ko lang pong maging honest.

"Importante talaga sa akin yung tao."

Bakit sa pagkakataong ito, siya ang unang nagsalita tungkol sa estado ng relasyon nila ni Luis?

Paliwanag niya, “Una niyo akong tinanong, e.

"Kung tinanong niyo siguro siya, mas hindi ako na-stress.

"Pero ganun talaga, e, hindi naman ako nagtatago."

Tila galing talaga sa puso ang nararamdaman niya kay Luis?

Sagot ni Angel, “Kailan ba naman ako nagsinungaling sa inyo, di ba?

"Alam kong mapapahamak naman talaga ako sa sinabi kong ito sa inyo.

"Hindi ko nga alam kung ano... pero wala!"

NOT THE THIRD PARTY. Pinabulaanan naman ni Angel ang napabalita noon na si Luis daw ang dahilan ng breakup ng aktres kay Phil.

"Hindi po talaga, sobrang hindi!" mariin niyang tanggi.

"Ilabas natin sa usapan si Phil.

"Talagang masasabi ko, honestly, na wala siyang ginawa kung anuman.

"Minahal ko yung tao, minahal ko yung tao talaga.

"Walang panlolokong involved."

Tungkol naman sa panunumbalik ng pagtitinginan nila ni Luis, ani Angel, "Siguro, habang tumatagal, nare-realize lang yung pagkakamali, ganyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro pag pinagtagpo talaga kayo ng tadhana at ng Diyos... hindi naman namin pinilit.

"For the longest time, iniwasan ko talaga yung tao, hindi talaga kami nag-usap.

"Iniwasan talaga namin ang isa’t isa for almost two years.

"Wala naman sigurong magsasabing naglalandian kami, kasi nag-iwasan kami sa mahabang panahon.”

Masaya ba sila ni Luis na nangyayari ang mga bagay na ito ngayon sa kanila?

"Happy!" bulalas ni Angel.

"Pero medyo madaya nga kayo, kasi hindi niya naman alam ’to.

"Nag-uusap lang kami, wala naman kaming lambingan, wala namang anything.

"Wala namang sabihang ’I miss you.’ Wala namang ganyan.

"Pinag-uusapan lang namin yung mga dapat siguro ayusin sa amin."

So, marami silang hindi na-settle noon?

“Oo. Siguro dati, hindi pa kami ganun ka-mature, di ba?”

Malaki ba ang posibilidad na magkabalikan sila ni Luis?

"Sana... sana," sambit ni Angel.

"Kasi, wala naman akong ibang makita, e.

"Pero depende yun sa amin, kung magiging okay kami together."

Sa puntong ito ay naiyak na nang tuluyan si Angel.

Pero gusto ba niyang maging sila uli?

"Ako?..."

Tuluyang nang tumalikod si Angel sa camera at naiiyak na nag-excuse sa press dahil ayaw niyang ipakita sa camera na umiiyak siya.

Pagkatapos nito ay nagpaalam na ang aktres.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN