Pokwang thankful for 10 good years in showbiz

Kahit masasabing sagana si Pokwang sa lahat ng materyal na bagay, lagi raw niyang ipinapaalala sa anak na maging humble pa rin. Saad niya, “Ang dapat mo lang gawing permanente sa buhay mo ay yung pakikisama, pakikipagkapwa-tao. Kumbaga, sinasabi ko sa anak ko, yung pinagdaanan ko, sobrang hirap. Hindi ko alam na mabubuhay pa pala kaming magkakapatid at aabot ako sa ganito. Akala ko nga wala nang pag-asa, e.”


Maganda ang pasok ng 2014 kay Pokwang.

May sisimulan siyang teleserye sa ABS-CBN, ang Mirabella, na pinagbibidahan ni Julia Baretto.

May gagawin din siyang pelikula na sisimulan ang shooting ngayong January.

Ayon sa balita, makakasama niya sa project si Zanjoe Marudo, na inaasam-asam daw ng komedyana.

Masusundan din daw ito ng isa pang pelikula na ipu-produce uli ng TFC, na nag-produce ng launching movie niyang A Mother’s Story (2012).

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Pokwang sa bahay niya sa Antipolo, Rizal, noong January 15.

TENTH ANNIVERSARY. Ngayong 2014 magdiriwang si Pokwang ng kanyang 10th anniversary sa showbiz.

Ipinagdadasal daw niyang matuloy ang pangarap niyang concert.

Ipu-produce daw ito ng ABS-CBN at kung papayag ang concert production arm ng Kapamilya network, gusto niya sanang i-co-produce ito.

Nagpahayag din ng kanyang pagnanais si Pokwang na sumabak sa pagpu-produce ng kanyang show o pelikula.

Sabi niya, “Gusto ko muna sa indie film. Gusto kong umpisahan doon. Tapos unti-unti.

"Lahat naman nagsimula sa maliit. Bakit hindi?

"Basta maganda ang kuwalidad ng story tapos mahuhusay yung gaganap.

"Marami namang magagaling na artista sa ABS CBN.”

Bukod dito, may tour pa rin siyang gagawin sa ibang bansa—ang Four The Laughs, kasama sina Chokoleit, Pooh, at K Brosas.

LOSING FOOD BUSINESS. Pansamantala raw muna niyang isinasantabi ang pagnanais makabalik sa negosyo.

Medyo hindi kasi naging maganda ang karanasan niya sa pagnenegosyo.

Nadismaya si Pokwang sa nagsarang fastfood resto niya sa Pasay, pero kinalimutan na raw niya ito at napatawad na niya ang taong nanloko sa kanya.

Pagkatapos nito ay sumosyo naman siya sa isang bar sa QC, pero nagsara rin ito kasabay ng ibang mga drinking bar sa lugar dahil ibinenta na raw ng may-ari ang lote doon.

Pero nakabawi naman daw siya sa naibakas niyang puhunan, gaya raw ng pagkabawi ng naisosyo niya sa beauty salon na itinayo nila ni Pooh, ang “Salon The Poohkwang.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “So, hindi na muna ako magbi-business.

"Hihintayin ko munang magtapos ang anak ko dahil siya ang may alam non.

"Kasi mahirap pumasok sa negosyo na wala kang alam, sayang naman.”

“Hintayin ko munang maka-graduate ang anak ko,” sabi niya

Kasalukuyang kumukuha ng culinary course ang kanyang anak na babae, at tatlong taon pa raw bago ito magtapos.


“Yung kurso niya kasi, nandun na lahat, management, kiyeme-kiyeme.


"Sabi ko, pag naka-graduate si bagets at sinusuwerte pa rin ako sa industriya at meron akong puhunan, go!"



HUMBLED BY YOLANDA. Kabilang si Pokwang sa Kapamilya stars na bumisita at nag-entertain sa survivors ng Yolanda bago mag-Pasko noong nakaraang taon.


Dahil dito, mas naging humble pa raw siya sa buhay.

“Hay naku, dyusko! Doon ko na-realize na may kailangan pa ba akong ireklamo, ipagtampo-tampo?

"Kasi nakita ko yung mga kababayan natin doon na sa maliit na bagay na naitulong sa kanila, ang laki na ng bagay na naibigay sa iyo, di ba?

“Meron pa ba akong dapat hilingin para sa sarili ko?

"Parang ang suwerte-suwerte ko kumpara sa mga taong ito.


"Yung ligaya nila, ngiti nila sa maliit na bagay na naibigay mo sa kanila, wagas.”

Kasama raw lahat ng mga big boss ng ABS-CBN at halos lahat ng big stars ng network na bumisita sa Yolanda survivors.

Patuloy ni Pokwang, “Kumbaga, binuksan nila yung puso at mga mata namin.

"Grabe, kahit ganun ang pinagdaanan nila, makikita mo yung kababawan ng kaligayahan nila.

“Saka ang hirap ngang magpigil ng emosyon.

"Kasi, mas dapat mong ipakita na masaya ka sa harap nila.

"Pag pinanghinaan ka ng loob, parang ipinapaalala mo sa kanila yung nangyari.

"So, talagang pigil na pigil yung luha ko. Ako pa naman, iyakin ako.

“Kasi sa amin sila humuhugot ng lakas.

"Nung nakita nila kaming dumating, ang saya nila.”

MOTHERLY ADVICE. Pagdating naman sa personal life, nanatiling zero ang lovelife ni Pokwang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Hayaan mo na. Huwag daw hanapin, darating din.

"Hindi kasi ako mahilig [lumabas].

"Kasi pag pahinga ng araw, ipinapahinga ko talaga nang bongga.

"Kasi pag dumagsa naman ang trabaho, talagang dagsa.

"So, kailangang ipahinga mo talaga ang trabaho."



Grocery nga lang daw ang pinakapasyal niya, puwera na lang kung biglang maglambing ang anak niya ng shopping.

Kuwento niya, “Minsan lang, ayaw niya akong kasama, kasi nauuwi sa pictorial.

"Sabi ko sa kanya, ’Hayaan mo na, yun ang kapalit ng mga tinatamasa namin ngayon.’”

Kahit masasabing sagana si Pokwang sa lahat ng materyal na bagay, lagi raw niyang ipinapaalala sa anak na maging humble pa rin.

Saad pa ng comedienne, “Ipinaintindi ko na sa kanya na walang permanente sa mundong ito.

“Ang dapat mo lang gawing permanente sa buhay mo ay yung pakikisama, pakikipagkapwa-tao.

"Kumbaga, sinasabi ko sa anak ko, yung pinagdaanan ko, sobrang hirap.

"Hindi ko alam na mabubuhay pa pala kaming magkakapatid at aabot ako sa ganito.

"Akala ko nga wala nang pag-asa, e.

“Sinasabi ko sa kanya, ’Anak, kung ano meron ka ngayon, mahalin mo at saka i-share mo. Hindi puwedeng ikaw lang ang anak ng Diyos.

"’Matuto kang magpakumbaba, kasi hindi mo alam na yung mga taong nakakasalumuha mo, yun pala yung mga taong tutulong sa iyo sa buhay.’

“Dahil yung mga classmates niya, medyo mga sosyal.

"Sinasabi ko sa anak ko, ’Yang mga ’yan, ipinanganak na mayaman. Ultimong mga magulang ng mga ’yan, ipinanganak na mayaman.

“’Ako, kung hindi pa ako nag-artista, ano tayo ngayon? Iba sila, iba tayo.

"’Kinakaya ko lang kung ano yung para sa iyo.’"

Wala bang interes ang kanyang anak na pasukin ang pag-aartista?

Tugon ni Pokwang, “Kahit meron ayoko… pero buti na lang wala.

"Gusto lang niya yung pag pinipilit ko na, ’Sige naman, mag-guest ka naman.’ Mga ganun lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakita mo naman siguro kung ano yung mga nangyayari sa showbiz, yung pinagdadaanan ng mga artista.

"Mas maganda na sigurong mag-aral na lang siya dahil yun ang wala ako—yung edukasyon.

“Dahil sa sobrang hirap namin, hindi kami kayang pag-aralin lahat.

"Yun lang ang hiling ko sa kanya na mag-aral siya at magtapos.

"The best ’yan kahit saan ka magpunta.”

Payag ba si Pokwang maligawan na ang kanyang anak?

Sagot niya, “Hindi naman katakataka yun, maganda ang anak ko.

"Sabi ko naman sa kanya, bukas ang pinto ng bahay.

"Kahit anong sabihin ninyong mga kabataan na high-tech na ngayon ang panahon, para sa akin, iba pa rin yung dating style [ng ligaw], na rerespetuhin ka ng lalaki.

“Hindi puwedeng ligawan sa mall!

"’Day, baka kalbuhin kita!’ Alam niya ’yan, sinasabi ko ’yan sa kanya.

"Kahit anong itsura ng lalaki, kesehodang may kapansanan basta mabuti ang motibo sa iyo, dalhin mo sa bahay.

"Yun, tao, maayos.”

Okey lang ba sa kanyang ligawan ng tiga-showbiz ang dalaga niya?

Umiling si Pokwang at saka ngumiti ng makahulugan.

“Hangga’t maaari, ayokong tiga-showbiz.


"Pero kung yun ang itinitibok ng puso niya at maganda ang hangarin, bakit hindi?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN