Senator Bong Revilla strongly denies PDAF allegations; calls Benhur Luy “Boy Pirma” and “political wrecking crew”

Sinagot ni Senator Bong Revilla ang alegasyon na siya ang nag-utos sa implementing agencies na magbigay ng pondo sa pekeng NGOs na nauugnay sa pork-barrel mastermind na si Janet Lim Napoles.

"Common sense lang po… I did not confirm anything… Hindi ko po pirma ang mga nasa dokumento na sinasabi ng mga ito na ebidensiya laban sa akin. Pero patuloy pa rin nila akong pinagmamalupitan," pahayag ng senador sa kanyang privilege speech ngayo


“For the record… I have nothing to do with this scam, those whistleblowers nor Janet Lim Napoles. I have no dealings nor transactions with them.”

Sa kanyang privilege speech ngayong araw, January 20, mariing pinabulaanan ni Senator Bong Revilla ang alegasyong nagbulsa siya ng kickback mula sa pakikipagtransaksiyon niya sa pork-barrel mastermind na si Janet Lim-Napoles.

Wala umanong kredibilidad ang pangunahing whistleblower ng PDAF scam na si Benhur Luy.

Lalo pa’t makailang-ulit daw inamin ni Luy na “hindi nila ako kakilala at kahit minsan hindi nila ako inabutan ng pera.”

Si Luy ay second cousin ni Napoles at dating “finance officer” sa JLN Corporation.

Ang JLN ang kumpanyang ginagamit ni Napoles sa hinihinalang maanomalyang “financial transactions” nito sa gobyerno.

FORGED SIGNATURES. Pinanindigan ni Senator Revilla na pineke ang kanyang pirma sa mga dokumentong nagpahintulot sa implementing agencies na mag-release ng pondo para sa bogus NGOs na pag-aari ni Napoles.

Ito ay kaugnay ng kasong plunder isinampa laban sa kanya ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of The Ombudsman noong September 16, 2013.

Sabi ni Senator Revilla: “Paulit-ulit pong sinabi ni Benhur Luy sa Senate Blue Ribbon Committee na siya ang pumeke ng pirma sa lahat ng mga dokumento.

“Ang mga kasamahan pa nga niya mismo ang nagsabing magaling at expert siyang pumeke ng pirma.”

Bilang patunay, ipinakita ni Senator Revilla, sa kanyang Powerpoint presentation, ang video clip na kuha mula sa Senate Blue Ribbon Committee hearing noong Nobyembre 2013.

Dito ay mapapanood ang interogasyon ni Senator Francis “Chiz” Escudero kay Luy tungkol sa pamemeke ng pirma ng ilang mambabatas para sa pag-release ng pondong tinatanggap ng bogus NGOs na pagmamay-ari ni Napoles.

Tanong ni Senator Escudero kay Luy: “May mga pagkakataong pinu-forge niyo ang pirma ng mambabatas?”

“Opo,” ang maiksing sagot ni Luy.

Tanong ulit ni Senator Escudero: “May nabasa kasi ako sa mga pahayagan na kaya mo raw gayahin ang anumang pirma?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot naman ni Luy: “Depende po kasi minsan may mga stroke na hindi nila... May gano’n, e...”

Bukod dito, iprinisinta rin ni Senator Revilla sa Senado ang larawan ng mga dokumentong kalakip ng special audit report na isinumite ni COA Chair Grace Pulido-Tan.

Ayon kay Senator Revilla, malinaw na iba-iba ang hitsura ng kanyang pirma na makikita sa mga naturang dokumento.

Patuloy na paliwanag ng senador: “Sinasabi nila na kinonfirm ko raw ‘yang mga pirmang ‘yan at yung iba pa.

“Common sense lang po… I did not confirm anything…

"Hindi ko po pirma ang mga nasa dokumento na sinasabi ng mga ito na ebidensiya laban sa akin.

"Pero patuloy pa rin nila akong pinagmamalupitan.”

UNRELIABLE WITNESSES, BIASED INVESTIGATION. Nagpahayag din ng hinaing si Senator Revilla sa pagkuha sa whistleblowers bilang testigo sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya at iba pang sangkot na mambabatas sa pork-barrel scam.

“Sa makatuwid, eto palang si Benhur Luy ay si Boy Pirma.

"Ang mismong DBM [Department of Budget and Management] nga ay may Boy Xerox na namemeke ng mga SARO [Special Allotment Release Order].

"Bakit napakahirap paniwalaan na dito sa PDAF ay meron namang Boy Pirma na namemeke ng pirma sa mga dokumento?

“Bakit pag lilinisin ang tauhan nila sa DBM, not guilty without thinking?

"Pero kapag kalaban nila, ‘No way!’”

Ayon pa kay Senator Revilla, halatang minadali at hindi dumaan sa tamang proseso ang pagkuha sa whistleblowers bilang testigo.

Ito ay sa kabila raw ng pamemeke ng dokumentong ginawa ng mga whistleblowers kaugnay sa pag-release ng kanyang PDAF.

“Agad-agad nilang ginawang state witness ang mga umaming kriminal.

"Hindi po ba’t sa normal na proseso, ang korte lang ang may kapangyarihan na magsabi kung sino ang hindi most guilty at puwedeng gawing state witness?

“Hindi po ba’t nangyayari lang po ito matapos nilang maidemanda bilang akusado ayon sa krimen na kanilang kinasasangkutan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero ano, ano po ang ginawa nila?

"Ura-urada nilang ginawang state witness itong mga jukebox king and queen na si Boy Pirma at ang kanyang mga alipores.

“Kahit ano ay kanilang ikinakanta ayon sa kagustuhan ng naghulog ng pera, kapalit ang pangakong hindi sila makakasuhan.”

REVILLA TO LUY: “GET YOUR FACTS STRAIGHT.” Pinabulaanan din ni Senator Revilla na chief of staff niya si Atty. Richard Cambe.

Ayon sa sinumpaang salaysay na isinumite ni Luy sa NBI noong September 12, 2013, idiniin niya na si Cambe ang chief of staff ni Senator Revilla.

At si Cambe nga raw ang “ka-transact” ni Napoles sa maanomalyang paggamit ng PDAF ng mga mambabatas.

Inihayag din ni Luy na ang kabuuang PDAF na nakuha ni Napoles mula kay Senator Revilla ay nagkakahalaga raw ng P652 million.

At ang naitalang komisyong tinanggap ni Cambe para kay Senator Revilla ay nagkakahalaga raw ng P224,512,500.

“Kailanman, mula noon hanggang ngayon, hindi ko naging chief of staff o chief political officer si Atty. Richard Cambe. Get your facts straight,” diin ni Senator Revilla patungkol sa mga alegasyon ni Luy.

Patuloy niya, “Sabi ni Benhur Luy, tiyak siya sa listahan na ginawa niya.

"Yabang pa niya, sigurado siya sa mga petsang nakalista dun…

“Kung humahaba lang ang ilong ng Benhur Luy na ‘yan habang nagsisinungaling siya, malamang umabot na ang kanyang ilong mula dito sa Senado hanggang sa Malacañang,” patutsada pa ng senador.

Mali at pawang kasinungalingan daw ang mga pahayag ni Luy tungkol sa petsa at lugar kung saan personal umanong inabot ng whistleblower kay Cambe ang kickback na nakalaan para sa senador.

Sa alegasyon ni Luy, mula raw sa ghost projects ng bogus NGOs ni Napoles ang salapi.

Kaugnay nito, iprinisinta ni Senator Revilla sa Senado ang kopya ng passport ni Cambe at record ng Philippine Airlines, na magpapatunay na wala sa Pilipinas ang abugado noong panahong inabutan umano ito ng pera ni Luy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Akusa pa ng senador kay Luy at iba pang pork-barrel scam whistleblowers: “Sinungaling sa isa, sinungaling sa lahat.

“Mga kababayan, itanong niyo po sa inyong sarili, bakit po dapat paniwalaan ang political wrecking crew na mga ito na mga nagkukunwari at pekeng whistleblower?

“Isinusumpa ko sa halos dalawampung milyong botante na nagtiwala at bumoto sa akin na hindi po ako nagtraydor sa inyo.

“Bigyan niyo po ako ng pagkakataon na linisin ang aking pangalan.

"Huwag niyo po sana akong husgahan.”

NOT GUILTY OF PDAF SCAM. Sa pagpapatuloy ng kanyang privilege speech, iginiit ni Senator Revilla na hindi siya nagnanakaw ng pera mula sa kaban ng bayan.

Kung ano man ang kabuhayang naipundar niya ngayon ay bunga raw ng mahigit 30 taon niyang pagtatrabaho bilang artista sa telebisyon at pelikula.

Sabi ni Senator Revilla: “Lahat ng meron ako ngayon ay mula sa aking sariling pawis at sa marangal na paraan…

“Hanggang ngayon nagtatrabaho ako sa labas ng gobyerno para sa kabuhayan ko at ng aking pamilya, gayundin ang aking asawa [Congresswoman Lani Mercado].

“Ginagawa po namin ito para malinaw na hindi namin kinukuha sa pera ng tao ang aming ikinabubuhay.”

Sa puntong ito ay naging emosyunal si Senator Revilla at bahagyang tumulo ang luha.

Ito ay sa kadahilanang hindi raw niya magagawang lokohin ang publikong walang-sawang nagbigay ng suporta sa kanya bilang artista hanggang siya ay maihalal bilang bise-gobernador, gobernador, at senador.

“’Yan ang dahilan kung bakit napakaimposible ng ibinibintang nila sa akin ngayon.

"Hindi ko kayang talikuran ang pagmamahal at pagtitiwala sa akin ng ating mga kababayan.

“Sila ang dahilan ng aking paninilbihan.

"At alang-alang sa kanila, ipagpapatuloy ko ang aking pakikipaglaban.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN