Senator Bong Revilla claims PNoy asked him to vote for former CJ Corona’s impeachment

Inilarawan ni Senator Bong Revilla ang meeting kung saan nakiusap diumano sa kanya si President Noynoy Aquino na bumoto siya ng guilty verdict laban kay Chief Justice Renato Corona.

"Habang nag-aalmusal kami ng pandesal, kesong puti, itlog, hamon, tapa, sinangag, at mga prutas, bumangka si Secretary Mar [Roxas] tungkol sa mga dahilan kung bakit dapat ma-impeach si Chief Justice Corona.

"Bago kami magtapos, nagulat ako nang sinabi sa ak


Ibinunyag ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na personal diumanong nakiusap sa kanya si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na bumoto siya ng guilty verdict laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong kasagsagan ng impeachment trial ng huli.

“Tama po ba na habang nililitis ang dating Chief Justice na si Renato Corona ay kailangang makialam ang mismong Pangulo ng Republika sa isang prosesong legal na dapat ay independiyente?”

Ito ang matapang na buwelta ni Senator Revilla sa administrasyon ni Pangulong Aquino, na patuloy diumanong gumigipit at dumidiin sa mga kasalanang hindi naman niya ginawa, sanhi ng matinding pamumulitika.

REVILLA TAGS ROXAS "BOY PICK-UP." Sa kanyang privilege speech sa Senado kahapon, January 20, ibinunyag ng senador na palihim siyang dinala ni dating Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Mar Roxas sa Bahay Pangarap—na matatagpuan sa kabilang dako ng Pasig River katapat ng Malacañang Palace—upang makipagpulong sa Pangulo.

Ipinakita rin ni Senator Revilla—sa pamamagitan ng kanyang audio-visual presentation—ang larawan ng isang lalaking nagmamaneho ng sasakyan.

Madilim at hindi maaaninag ang mukha ng driver ng sasakyan, ngunit tinukoy ito ng senador bilang si Roxas, na ngayon ay nanunungkulan bilang Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Matapang na pahayag ni Senator Revilla: “Wala pong iba ‘yan kundi si DILG Secretary Mar Roxas na DOTC Secretary noon.

“This picture was taken before the conclusion of the impeachment of then Chief Justice Renato Corona...

“Ako po mismo ng kumuha niyan.

"Kinuha ko ho ‘yan gamit ang aking cell phone nang ako ay ipag-drive ni Boy Pick-Up Secretary Mar Roxas, galing sa kanyang bahay sa Cubao papunta sa Malacañang…

“Sa totoo lang po, ako ay na-weirduhan sa mga nangyayari kaya ko siya kinunan ng litrato.”

Kuwento pa ng senador, nagtataka siya nang ipaiwan ni Roxas ang mga kasama niyang guwardiya at dalang sasakyan sa bahay nito sa Cubao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala rin daw kasamang guwardiya si Roxas.

Ngunit bago sila sumakay sa itim na SUV (standard utility vehicle) ni Roxas ay ipinatanggal nito ang plaka ng sasakyan.

Si Roxas daw ang personal na nagmaneho ng SUV, habang siya naman ay pinasakay nito sa likuran ng sasakyan.

Kuwento pa ni Senator Revilla, “Noong papasok na kami sa Bahay Pangarap, sumilip si Secretary Roxas para makilala siya ng guwardiya sa gate.

“Kaya pala sa likod ako pinaupo ay para sa pagsilip ng guwardiya ay hindi ako makita at magmukhang mag-isa lang siya [Roxas] at walang kasama.

“First time ko lang po mapasok ang Bahay Pangarap.

"Matapos maghintay ng mga fifteen minutes, dumating si DBM [Department of Budget and Management] Secretary Butch Abad.

“Makalipas din ang ilang minuto, hinarap na kami ni Pangulong Aquino,” detalyadong lahad ni Senator Revilla.

PNOY: “IBALATO MO NA SA AKIN ITO.” Ayon kay Senator Revilla, habang kumakain sila ng almusal, nadako ang kanilang usapan tungkol sa ongoing impeachment trial noon ni Chief Justice Corona.

Balik-tanaw ng senador, “Bumangka si Secretary Mar tungkol sa mga dahilan kung bakit dapat ma-impeach si Chief Justice Corona.”

Ang sumunod na tinuran ni Pangulong Aquino ay ikinagulat daw ni Senator Revilla.

Sabi raw ni Pangulong Aquino: “Pare, parang awa mo naman, ibalato mo na sa akin ito. Kailangan siyang ma-impeach.”

Sinegundahan daw ito ni Secretary Abad ng: “Magtulungan tayo, Senador.”

Patuloy na pahayag ni Senator Revilla tungkol sa nangyaring insidente, “Aaminin ko sa inyo, ako ay nabigla dahil sa tila dinidiktahan ako ng Pangulo.

“Kaya ang naging sagot ko na lang, ’I will do what is right.’

“Naniniwala po ako na dapat maninindigan sa tama at gagawin ko lang po ang tama para sa bayan.”

Pagkatapos ng naturang meeting ay inihatid daw ni Secretary Roxas si Senator Revilla sa isang restaurant sa labas ng Malacañang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nag-aapura raw itong si Secretary Boy Pickup. At kaya naman pala, may iba pa siyang pi-pick-up-in,” patutsada pa ni Senator Revilla sa papel na ginampanan ni Secretary Roxas noong gabing iyon.

Sa huli, isa si Senator Revilla sa 20 out of 23 na senador na nagbigay ng guilty verdict laban kay Chief Justice Corona noong May 29, 2012.

Napatalsik sa puwesto ang pinuno ng Supreme Court dahil guilty ito sa salang nakasaad sa Article 2 ng Grounds For Impeachment o ang hindi nito pag-disclose sa publiko ng tamang SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth).

PNOY’S QUESTIONABLE DAP. Ayon pa kay Senator Revilla, ibinunyag niya ang pamemersonal ni PNoy kay Chief Justice Corona dahil nangangamba siyang mangyari rin sa kanya ang nangyari sa dating Chief Justice, lalo pa’t nadidiin siya ngayon sa pork-barrel scam.

Naniniwala ang senador na posibleng “impluwensiyahan” ni PNoy ang “Ombudsman” at “Sandiganbayan” laban sa kanya at iba pang mambabatas na nahaharap sa kasong plunder, kaugnay ng diumano’y maanomalyang paggamit ng PDAF.

Sabi pa niya, “At bakit naman hindi?

"E, di ba, putok na putok ngayon ang pagpilit sa Korte Suprema na ideklarang constitutional ang pork barrel ng Pangulo na kilala bilang DAP [Disbursement Accelaration Program].

“Di ba’t tinatakot pa ang mga Justices na mai-impeach sila?

"Aba, e, habit forming na ito!"

Kinuwestiyon din ni Senator Revilla kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi ipinapakita ng administrasyong Aquino kung saan napupunta ang pondo ng Pangulo.

“Nang mabuko ang daang bilyong pisong DAP, sa kabila ng paghingi ng media at ng sambayanan, nasaan ang listahan kung saan ginastos ang mga perang iyan?

“Bakit hindi niyo po mailabas? May itinatago po ba kayo? ‘Yan ba ang daang matuwid?”

PARTISAN POLITICS, "TRUCK-LOAD" OF EVIDENCE. Patuloy na naglabas ng sama ng loob si Senator Revilla laban sa administrasyong Aquino dahil halatang may kinikilingan diumano ang mga ito pagdating sa pagkamit ng hustisya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isang halimbawang inihayag ni Senator Revilla ay ang kasong graft at malversation of public funds laban kay COMELEC Commissioner Grace Padaca na kasalukuyang dinidinig sa Sandiganbayan.

“Bakit ang mismong lider pa ng kanilang partido ang nagpiyansa kay Grace Padaca nang ipaaresto siya ng Sandiganbayan dahil sa katiwalaan?

“Kung tutuusin, pareho naman kami ngayong may hinaharap na akusasyon.

"Yung sa kanya, nasa Sandiganbayan na at meron pang warrant of arrest.

“Pero ang pagkakaiba, bukod sa personal na pagpapiyansa ni Mar Roxas—na lider na kanilang partido at miyembro ng gabinete—ang ginamit na pagpiyansa ay mismong pera ng Pangulong Aquino.”

Salungat daw ito sa personal na karanasan ng senador na patuloy na idinadawit sa pork-barrel scam kahit na puro “hearsay” at “imbento lang ang ebidensiya” na ginamit laban sa kanya.

“Sinasabi ng DOJ na truck-truck daw ebidensiya laban sa amin...

"Matagal ko nang pinag-iisipan kung paano ko ipapasok ang truck ng ebidensiya dito sa Senado.

“Pero nagawan natin ng paraan ‘to… Pakipasok nga ang trak ng ebidensiya na ‘yan!”

Sa puntong ito ay ipinasok ng isang staff ang laruang truck kung saan nakapatong ang isang bungkos na mga dokumento.

Sabi ni Senator Revilla, sa gitna ng tawanan ng mga tao sa loob ng Senate Hall, “Ito po ang sinasabi nilang isang trak ng ebidensiya. Ito pala’y trak-trakan lang ng bata!

"Sa kagustuhan nilang wasakin ang aking pagkatao, ganyan nila lokohin ang publiko.

"Pati usaping legal, pati usaping legal, binabalahura nila!

“Mr. President, gusto ko lang ipaalala na ako, si Senador Bong Revilla Jr., si Senator Juan Ponce Enrile, si Senator Jinggoy Estrada, si Commissioner Padaca, at ang mahigit na 90 milyong Pilipino ay bahagi ng inyong pinamumunuan bilang Pangulo.”

CAUSE OF CONTENTION BETWEEN PNOY AND REVILLA. Sa pagpapatuloy ng privilege speech ni Senator Revilla, inungkat ng senador ang ginawang panggigipit diumano ng administrasyong Aquino sa kanya noong May 2013 elections.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung inyong natatandaan, noong mismong araw ng eleksiyon, Mayo 13, 2013, ay pinalibutan ng mahigit 200 na pulis ang aming bahay sa Cavite, at inakusang kumukupkop ng mga NBI agent na sinasabi nilang lumabag sa gun ban.

“Ito ay sa kabila ng pagsabi mismo ni dating NBI director Renato Garbo III at [Department of Justice] Secretary Leila de Lima na lehitimo ang operasyon sa Cavite ng mga ahente ng premier investigating agency ng bansa.

Kaugnay nito, ibinunyag ni Senator Revilla na ang pagiging magkalaban sa pulitika ang dahilan kung bakit ginigipit daw siya ng administrasyong Aquino.

“Nagsimula lang naman ang lahat ng panggigipit ng gobyerno sa akin magmula nang tanggihan ko ang pakiusap ng Pangulong Aquino na suportahan ang kanyang kandidato sa pagka-gobernador sa Cavite.

“Magmula noon, kakaibang pressure na at pangha-harass ang ginawa sa amin, lalo na nang matalo ang kandidato ng Pangulo sa aming lalawigan.”

MORE COMPLAINTS AGAINST PNOY ADMINISTRATION. Ayon pa kay Revilla, kinalaunan ay napaisip siya na ang dinaranas niya ay “bahagi ng pulitika na mas masahol pa sa kinamulatan kong mundo ng pelikula.”

Kasunod nito ay isa-isang inihayag ng senador ang listahan ng mga pagkukulang diumano ng administrasyong Aquino—partikular na ang mabagal daw na pagresponde ng pamahalaan noong kasagsagan ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan.

“Mas magaan pa rin ito kung ikukumpara sa libu-libong bangkay na hinayaan ng gobyerno na nakatiwangwang at pagpistahan ng langaw kahit mahigit dalawang buwan nang nakalipas ang super typhoon.

“Mas magaan pa rin ang akusahan ka ng krimen na hindi mo ginawa, kaysa na sabihan ka ng ‘bahala ka sa buhay mo,’ at hayaan na lang na mangamatay sa uhaw, gutom, at kakulangan sa ayuda ang ating mga kababayan sa Tacloban.

“Nang tamaan ng bagyong Yolanda ang Kabisayaan, ang tugon nila, ‘Bahala kayo sa buhay niyo.’”

Sa puntong ito ay ipinakita ni Senator Revilla ang maiksing video na kuha mula sa kontrobersiyal na meeting ni DILG Secretary Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Read: DILG Secretary Mar Roxas refutes allegations of Tacloban Mayor Alfred Romualdez: "Baka may post-traumatic stress disorder siya."

Pagkatapos ay nabanggit din ng senador na kamakailan ay nabisto ang “substandard” at “overpriced” na itinatayong bunkhouses para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.

Halatang naiinis na bulalas ni Senator Revilla: “Mismong mga biktima, binibiktima pa. Anak ng teteng! Iyan ba ang daang matuwid?”

Ilan pa sa nabanggit niyang kapabayaan diumano ng gobyerno ay ang nakaambang power crisis sa bansa, ang pagtaas ng singil sa kuryente, tubig, SSS, Philhealth, at pati na rin mga pangunahing bilihin tulad ng bigas.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN