Government officials refute Senator Bong Revilla’s claims; tell Revilla to answer PDAF scam issue instead

Umalma ang government officials na idiniin ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang privilege speech kahapon, January 20—sina DILG Secretary Mar Roxas, DMB Secretary Butch Abad, at DOJ Secretary Leila de Lima.


Itinanggi ng Malacañang ang akusasyon ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang privilege speech na hinimok siya ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na i-convict si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona nang ma-impeach ito noong 2012.

Ang privilege speech ni Senator Revilla sa Senado kahapon, January 20, Lunes, ay bilang tugon sa pagkakasangkot niya sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o mas kilala sa tawag na pork-barrel scam.

Inaakusahan ang actor-politician na tumanggap diumano ng kickback mula sa paglalagay ng kanyang PDAF sa pekeng non-government organizations na itinatag ni Janet Lim-Napoles, ang itinuturong mastermind ng pork-barrel scam.

Bukod kay Senator Revilla, dawit din sa PDAF scam sina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada, at tinatayang 35 kongresista.

Sa kanyang privilege speech kahapon, inilahad ni Senator Revilla kung paano siya sinundo at ipinag-drive ni Secretary Mar Roxas II—na tinawag niyang "Boy Pick-up"—patungong Bahay Pangarap sa Malacañang.

Nagpunta sila roon upang makipagpulong kay PNoy hinggil sa impeachment trial ni Corona.

Noong panahong iyon, si Roxas ang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC).

Ngayon ay nanunungkulan si Roxas bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Senator Revilla, sa nasabing “breakfast meeting” ay pinakiusapan siya ni PNoy na i-convict si Corona, na noon ay nahaharap sa impeachment trial.

Sa kanyang talumpati ay idinawit din ni Senator Revilla si Department of Budget and Management Secretary Butch Abad, na dumating din daw sa naturang breakfast meeting.

Hinimok din daw siya ni Secretary Abad na makipagtulungan sa administrasyon upang mapatalsik sa puwesto si Corona.

Read: Senator Bong Revilla claims PNoy asked him to vote for former CJ Corona’s impeachment

Nabigyan ng guilty verdict si Corona at napatalsik bilang Chief Justice noong May 29, 2012.

Napatunayang nilabag niya ang Article 2 ng Grounds For Impeachment o ang hindi pagdi-disclose sa publiko ng tamang SALN o Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa si Senator Revilla sa 20 out of 23 senador na nag-convict kay Corona.


PALACE DENIES. Sa official statement ng Malacañang kahapon, January 20, kinumpirma ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma na nagkaroon nga ng pagpupulong sa pagitan nina PNoy at Senator Revilla.

Ngunit hindi raw para himukin ang senador na idiin si Corona.

Pahayag ni Secretary Coloma, “Nakipagpulong ang Pangulo kay Senador Revilla upang alamin kung may katotohanan ang mga ulat—persistent reports—na [ang] mga senador ay subjected to pressure ng iba’t ibang grupo para maimpluwensiyahan ang kalalabasan ng impeachment trial.

“At hiniling niya [PNoy] sa senador na magdesisyon sa kaso na batay sa merito nito.”

Dagdag pa ni Coloma, hindi dapat nililihis ni Senator Revilla ang totoong isyu—ang pagkakadawit niya sa P10-billion pork-barrel scam.

“The main issue here is the proper use of public funds for which Senator Revilla is accountable.

“It is his duty to start explaining to our people how his PDAF allocation is actually spent,” ani Coloma.

ROXAS AND ABAD SPEAK UP. Sa hiwalay na statement ay itinanggi rin ni Secretary Roxas ang mga bintang laban sa kanya ni Senator Revilla.

Ani Secretary Roxas, nais daw noon iparating ng senador kay PNoy ang Cityhood ng Cavite at ang pagnanais na maging presidente ng Partidong Lakas.

Ipinagmaneho raw ni Secretary Roxas si Senator Revilla bilang pabor.

“Para matugunan ang reglamento ng PSG [Presidential Security Group] at hindi na maaberya si Senator Bong, ako na ang nagmaneho ng sasakyan papunta sa Bahay Pangarap.”

Sinagot din ni Secretary Roxas ang paratang sa kanya ni Senator Revilla na bago ihatid ng kalihim ang senador sa Palasyo ay ipinatanggal muna ng kalihim ang plaka ng sasakyang ginamit para ihatid ang senador.

“Kasinungalingan ang sinabi niya na tinanggal ko ang plaka ng sasakyan ko bago kami pumunta sa Bahay Pangarap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi talaga ako gumagamit ng official plate,” diin ni Secretary Roxas.

Dagdag pa niya, “Sagutin na lamang niya ang mga sinabi ng mga testigo laban sa kanya at ipaliwanag na lamang niya ang mga dokumentong nag-uuganay sa kanya sa Napoles scam.”

Ganito rin ang nilalaman ng statement ni DBM Secretary Abad, kaugnay ng paghimok diumano niya kay Senator Revilla na i-convict si Corona.

“Wala hong katotohanan ang sinabi ni Senator Revilla.

“Kung nabanggit ang impeachment sa usapan, mas malamang pang sinabi ng Pangulo na sundin niya ang paninindigan niya.”

Sa naunang panayam ng GMA News and Public Affairs kay Abad, sinabi nitong wala namang “unusual” kung makipagpulong ang mga mambabatas at senador sa Pangulo sa Malacañang.

Saad niya, “Many legislators ask to see the President…

"I mean, there is nothing unusual about senators and congressman…

"What’s wrong about…"

DOJ REACTS. Sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na insulto sa DOJ at National Bureau of Investigation (NBI) ang ginawang talumpati ni Senator Revilla.

Kinuwestiyon din nito kung saan nanggaling ang tinuran ng senador na "trak-trak ang ebidensiya" ng mga nasabing ahensiya laban kay Senator Revilla.

“Saan kaya niya ‘yon nakuha?

“I don’t think kailangang patulan yung mga gano’n.

“How does he know that?

“And we deny that.

“We had boxes and boxes of evidence.

"Although, siyempre ganun karami ‘yon because of the required number of copies of documents that are required by the Ombudsman."

Umalma rin si Secretary de Lima sa pagkuwestiyon ni Senator Revilla sa proseso ng pagpili kay Benhur Luy bilang state witness sa Napoles scam.

Si Luy, na siyang pangunahing whistleblower ng pork barrel scam, ay second cousin ni Janet Lim-Napoles at nagsilbi ring “finance officer” sa JLN Corporation, ang kumpanyang ginagamit ni Napoles sa hinihinalang maanomalyang “financial transactions” nito sa gobyerno.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Read: Senator Bong Revilla strongly denies PDAF allegations; calls Benhur Luy “Boy Pirma” and “political wrecking crew”

Nanindigan naman ang DOJ na kwalipikado at credible si Luy bilang state witness.

Ani Secretary de Lima, “Yung credibility ay napakalinaw sa amin dahil sa ganung katindi yung isinawalat nila, nandiyan yung security threat sa kanila.”

Ang iba pang whistleblowers na tumestigo sa PDAF scam ay sina Marina Sula, Merlina Suñas, Gertrudes Luy, Mary Arlene Baltazar, at Simonette Briones.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN