Revilla to PNoy, Roxas, Abad: Tamaan ng kidlat ang sinungaling

Hinamon ni Senator Bong Revilla (kanan) sina President Noynoy Aquino kaliwa), DILG Secretary Mar Roxas, at DBM Secretary Butch Abad. Ito ay kaugnay ng alegasyon ng senador na nakialam ang Pangulo sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona. “Magharap-harap kami, mata sa mata, tingnan natin kung sinong tatamaan ng kidlat!” pahayag ni Senator Revilla.


Tamaan ng kidlat ang sinungaling.

Ito ang sagot ni Senator Ramong "Bong" Revilla Jr. pagkatapos pabulaanan ng Malacañang ang kanyang akusasyon na hinimok siya ni President Benigno "Noynoy" Aquino III na i-impeach si dating Chief Justice Renato Corona.

Sa kanyang radio interview sa DZBB ngayong araw, January 21, nagpaabot si Senator Revilla ng mensahe para kay PNoy, Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, at Department of Budget and Management Secretary Butch Abad.

“Magharap-harap kami, mata sa mata, tingnan natin kung sino’ng tatamaan ng kidlat,” diin ng senador.

Kaugnay ito ng rebelasyon ni Senator Revilla sa kanyang privilege speech sa Senado kahapon, January 20, na palihim siyang dinala ni dating Department of Transportation and Communications Secretary Mar Roxas sa Bahay Pangarap sa Malacañang—ang official residence ng Pangulo.

Dito ay nakasamang mag-almusal ng senador sina PNoy, Secretary Mar, at Secretary Abad.

Umpisa pa lang ay hindi raw malinaw kay Senator Revilla kung bakit kinakailangang palihim ang paraan ng pagpunta niya at ni Secretary Roxas sa Bahay Pangarap.

Ngunit ang mas ikinagulat daw niya ay ang direktang pakiusap ni PNoy na bumoto siya ng guilty verdict laban kay CJ Corona, na noong panahong iyon ay nahaharap sa isang impeachment trial.

Ito ay sa kadahilanang nilabag ni CJ Corona ang batas na nag-uutos sa lahat ng government officials at employees na magsumite ng kanilang SALN (Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth)—o Article 9, Section 17 ng Philippine Constitution.

Patuloy na paglalarawan ni Senator Revilla sa kanyang breakfast meeting kay PNoy noong 2012:

“Habang nag-aalmusal kami ng pandesal, kesong puti, itlog, hamon, tapa, sinangag, at mga prutas, bumangka si Secretary Mar tungkol sa mga dahilan kung bakit dapat ma-impeach si Chief Justice Corona.

“Bago kami magtapos, nagulat ako nang sinabi sa akin ng Presidente: ‘Pare, parang awa mo naman, ibalato mo na sa akin ito. Kailangan siyang ma-impeach.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabay sunod naman si Secretary Butch Abad: ‘Magtulungan tayo, Senador.”

Read: Senator Bong Revilla claims PNoy asked him to vote for former CJ Corona’s impeachment

Ngunit matapos ang privilege speech ni Senator Revilla kahapon, naglabas agad ng opisyal na pahayag si Presidential Communications Office Secretary Herminio Coloma.

Iginiit ni Secretary Coloma na pawang kasinungalingan ang mga paratang ng senador laban kay PNoy.

Ang totoong dahilan umano ng pakikipagpulong ng Pangulo kay Senator Revilla ay upang tiyaking naaayon sa merito ng kaso ni CJ Corona ang ipapataw na desisyon ng mga senador.

Maging si Secretary Abad ay tumangging sinegundahan niya ang Pangulo sa diumano’y kagustuhan ng huli na ma-impeach si CJ Corona.

Imposible raw na impluwensiyahan ni PNoy ang senador.

Umalma rin si Secretary Roxas kaugnay ng akusasyon ni Senator Revilla na tinanggal niya ang plaka ng kanyang sasakyan, nang ipagmaneho ng una ang senador papuntang Bahay Pangarap.

Read: Government officials refute Senator Bong Revilla’s claims; tell Revilla to answer PDAF scam issue instead

Samantala, nilinaw ni Senator Revilla na wala siyang planong maghain ng impeachment complaint laban kay Aquino sa kabila ng panggigipit umano nito noon kay CJ Corona.

Ang tanging hangarin lang daw ng actor-politician ay hindi gamitin ng Pangulo laban sa kanya ang pagkakasangkot niya sa pork-barrel scam, dahil lang sa pamumulitika.

Pag-ulit ni Senator Revilla, ayon pa rin sa kanyang panayam sa DZBB: “Impeachable ang ginawa ng Pangulo pero di yun ang intensiyon ko.

"Huwag lang ulitin sa Ombdusman o sa Sandigan sa PDAF cases.

“Kung nagawa niya [PNoy] kay Corona, maaaring magawa niya sa amin sa Ombudsman o Sandigan.

"Huwag siyang padala sa bulong."

NOTHING TO WORRY. Nahaharap sa kasong plunder sina Senator Revilla, Senator Jinggoy Estrada, at Senator Juan Ponce Enrile dahil sa pagkakasangkot nila sa diumano’y maanomalyang paggamit ng PDAF.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang Department of Justice at National Bureau of Investigation ang nagsampa ng kaso sa Office of The Ombudsman noong September 16, 2013.

Sa kasalukuyan, nakapagsumite na sina Senator Revilla, Senator Estrada, at Senator Enrile ng kani-kanilang counter-affidavit sa Office of The Ombudsman.

Pagdating sa usaping ito, nauna nang inihayag ni Secretary Coloma na magiging patas ang Office of The Ombudsman kaugnay ng kasong plunder na kinahaharap ng mga nabanggit na mambabatas.

Kaya’t wala raw dapat ikabahala si Senator Revilla.

“Iginagalang po ng Pangulo ang pagiging independiyente ng Ombudsman at kayo na rin po at ang bayan po ang magpapasya hinggil sa integridad ng ating kasalukuyang Ombudsman,” saad ni Secretary Coloma sa ulat ng GMA News Online kahapon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN