PEP EXCLUSIVE. James Yap overwhelmed by box-office success of Bimby’s first movie

James Yap on son Bimby: "Kung saan magiging happy ang anak ko, dun ako. Kasi halimbawa, heto ang gusto ko para sa kanya, o yun ang gusto ng nanay niya, pero meron siyang sariling gustong gawin, wala naman kaming magagawa. Kung saan siya magiging masaya, suportahan ko nang todo."


Eksklusibong nakapanayam ng PEP. ph (Philippine Entertainment Portal) ang PBA player na si James Yap sa pamamagitan ng telepono ngayong araw, January 23.

Ramdam sa boses ni James ang sobrang pagkatuwa sa naging resulta ng unang pelikula na ginawa ng kanyang anak na si Bimby Aquino Yap, ang My Little Bossings, na naging entry sa 39th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Kasama ni Bimby sa My Little Bossings sina Vic Sotto, Ryzza Mae Dizon, at ang ina nitong si Kris Aquino.

Bungad ng San Mig Super Coffee Mixers player, "Napanood ko siya December 28 na.

“Kasi, dapat December 26 ko siya panonoorin, e, parating ang parents ko kaya hinintay ko na para makasama ko na sila sa panonood.

"Nagpa-block screening ako sa Gateway at tuwang-tuwa ako sa pelikula.

"Magaling yung dalawang bata [Bimby at Ryzza Mae] at talaga namang nag-enjoy ang mga kasama ko, pati sina mom ko.”

Proud pang sabi ni James, "Yung anak ko, kahit first movie pa lang niya, natural na siyang artista.

“Nagulat talaga ako.

"Siguro dahil nasa dugo naman niya talaga kaya ganun na rin siya ka-relax.

"Bilang ama, siyempre proud na proud ako sa anak ko."



BIMBY’S CHOICE. Dahil maganda ang feedback sa unang pelikula ni Bimby, kasabay na rin ba nito ang pagbibigay ng blessing ni James para maging full-time child actor ang anak?

Sagot niya, "Siyempre ako, gusto ko maging priority niya ang kanyang pag-aaral.

“Kahit naman siguro ang nanay niya, yun ang gustong mangyari kay Bimby.

"Siyempre, school muna, kahit mukhang nag-enjoy siya sa paggawa ng movie nila.

"Pero pag lumaki na siya at kung anuman ang gusto niya, full support ako sa kanya.

"Kung saan magiging happy ang anak ko, dun ako.

"Kasi halimbawa, heto ang gusto ko para sa kanya, o yun ang gusto ng nanay niya, pero meron siyang sariling gustong gawin, wala naman kaming magagawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung saan siya magiging masaya, suportahan ko nang todo.

"Kita niyo naman ang anak ko, sa ngayon pa lang, parang... basta, independent-minded yun."



BASKETBALL. Siya, bilang isang magaling na basketbolista, hindi ba niya hinihiling na makahiligan din ito ng kanyang anak na lalaki?

Sabi ni James, "Sa ngayon kasi, hindi mo gaanong makikita ’yan sa bata, e.

"Siguro pag tumuntong na siya sa edad na eight years old, dun muna mapapansin kung ano ang gusto ni Bimby.

"Sa ngayon, siguro nahihilig siya sa showbiz. Kasi, nasa showbiz ang ina niya.

"Ako noon, naaalala ko, mga seven o eight years ako nagkahilig sa basketball.

“Tapos, noong nagustuhan ko siya, tinuluy-tuloy ko na.

"Basta sa akin, kung ano ang magiging choice niya, nasa likod lang ako.

"Hindi ko pipigilan yun. Mahirap kasi, e.

"Kung ako nga hindi napigilan ng mga magulang ko, di ba?

“Basta dapat makapagtapos siya ng pag-aaral.”

Si Bimby ay six years old lang ngayon.

Samantala, nakatutok ngayon si James sa pag-aasikaso ng kanyang bagong bukas na negosyo, ang Razor Sports Men’s Grooming Bar, na matatagpuan sa Level 3 ng Trinoma Mall.

Isa itong barbershop ngunit kakaiba ang concept nito dahil sa sporty environment meron ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN