DILG Secretary Mar Roxas and Tacloban City Mayor Alfred Romualdez end tiff after word war

Kinalimutan na nina Mayor Alfred Romualdez (kaliwa) at DILG Secretary Mar Roxas (kanan) ang alitan nila nitong nakaraang dalawang buwan. Kaugnay ito ng diumano’y mabagal na pagresponde ng national government sa pinsalang natamo ng bayan ng Tacloban, sanhi ng bagyong Yolanda. Masayang nagkamayan ang dalawang opisyales nang magkaharap sila sa Congressional Oversight Committee hearing sa Senado kahapon, January 23.


Nagkaayos na sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, matapos ng kanilang iringan na tumagal ng halos isang buwan.

Kahapon, January 23, muling nagkaharap ang dalawa sa Congressional Oversight Committee hearing sa Senado, kaugnay ng pagresponde ng gobyerno sa bagyong Yolanda.

Taliwas sa mainit na palitan ng salita nila noon, animo’y parang magkaibigan pa ang turingan ng dalawa nang lapitan ni Mayor Romualdez si Secretary Roxas bago magsimula ang pagdinig sa Senado.

“Looking good! Nice to see you again,” masayang pagbati ni Secretary Roxas kay Mayor Romualdez.

Malawak naman ang pagkakangiti ng alkalde habang sila ay nagkamayan bago bumalik sa kani-kanilang kinauupuan.

Ayon sa ulat ng GMA News Online ngayong araw, January 24, pagkatapos ng hearing ay magkasamang humarap sa media ang dalawang opisyales, upang linawin na naayos na ang gusot sa pagitan nila.

Pahayag ni Secretary Roxas: “Sa pagitan naman namin ay makikita naman na yung kapakanan ng mga mamamayan lamang ang siyang nasa isip namin at tinrabaho namin.

“So, natutuwa ako na nabigyan kami ng pagkakataon dito sa Senado na magkita muli.”

Tila kinalimutan na rin ni Mayor Romualdez ang sama ng loob na naramdaman niya, kaugnay ng mabagal na pagresponde ng national government sa pangangailangan ng Tacloban, sanhi umano ng “red tape.”

Sabi pa ng alkalde patungkol kay Secretary Roxas: “We’ve always been friends. Si Secretary Mar, kahit wala pa sa pagka-Secretary, we were together in Congress.”

THE CONTROVERSIAL VIDEO. Matatandaang lumikha ng malaking kontrobersiya ang video ng kanilang pagpupulong, kung saan idinetalye ni Mayor Romualdez kung anu-ano ang mga kailangang tulong ng bayan ng Tacloban, sanhi ng pananalasa ng bagyong Yolanda.

Dito ay mapapanood kung paano nagkaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang opisyales, nang hilingin ni Secretary Roxas na kailangang i-legalize ang paghingi ng tulong ng city government ng Tacloban mula sa national government.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay upang maiwasan daw ang negatibong espekulasyon kung bakit kailangang mag-“takeover” ng national government, kaugnay ng mga hinihinging tulong ng Tacloban City.

Sabi pa ni Secretary Roxas kay Mayor Romualdez: “We have to be very careful because you are a Romualdez and the President is an Aquino.”

Read: Mayor Alfred Romualdez claims Secretary Mar Roxas working to unseat him inorder to take over Tacloban; Roxas vehemently denies allegation

Read: DILG Secretary Mar Roxas refutes allegations of Tacloban City Mayor Alfred Romualdez: "Baka may post-traumatic stress disorder siya."



POST-YOLANDA HEARING ON SENATE. Sa naganap na Congressional Oversight Committee hearing kahapon, pinanindigan ni Secretary Roxas na wala siyang masamang intensiyon sa mga binitawan niyang salita sa pagpupulong nila noon ni Mayor Romualdez sa Tacloban.

Hindi raw talaga maiiwasang mabigyan ng ibang interpretasyon ang pagtulong ng national government sa city government ng Tacloban, dahil kilalang magkalaban sa pulitika ang pamilya ng alkalde at ni Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III.

Si Mayor Romualdez ay pamangkin ni Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez Marcos, biyuda ni yumaong Presidente Ferdinand Edralin Marcos.

Ang ama ni President Benigno “Noynoy” Aquino III na si dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. ay mahigpit na kalaban sa pulitika ni Presidente Marcos.

Patuloy na paliwanag ni Secretary Roxas ukol dito, “Hindi po ba totoo naman na ang Romualdez ay Romualdez at ang Aquino ay Aquino?

“Kasi totoo po. Tingnan po niyo ang nangyari ngayon...

"Tanggap ko po ang realidad na puwede magkaproblema.”

Ganunpaman, hindi umano nagkulang ang national government sa pagbigay ng tulong sa Tacloban, kahit wala raw natanggap na pormal na liham si Roxas mula sa alkalde.

Patunay raw nito ang mga ipinadalang kapulisan mula sa Philippine National Police (PNP) upang tugunan ang reklamo kaugnay ng looting at iba pang problema sa lugar sanhi ng pananalasa ng bagyong Yolanda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kabilang banda, iginiit ni Mayor Romualdez na hindi na dapat pinaiiral ang “red tape” o mahigpit na pagsasapatupad ng batas kapag panahon ng sakuna.

Hindi rin umano kinakailangang umabot sa puntong mag-“takeover” ang national government sa Tacloban noon dahil may kapasidad pa rin daw mamuno ang kanilang lokal na pamahalaan.

Paliwanag pa ni Mayor Romualdez, “Ang dapat, tanggalin na natin itong red tape. We have to act immediately... What we have to look at is how we can adjust.

“The national government should empower the local government so we can move. We can do it together.”

Sa huli, iminungkahi ni Mayor Romualdez na magkaroon ng workshops ang local government units, kaugnay ng mga panuntunan kapag panahon ng sakuna, upang maiwasan ang alitan sa pagitan ng mga opisyales.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN