DILG Secretary Mar Roxas no ill feelings towards Senator Bong Revilla

Sabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas (kaliwa), nauunawaan niyang matindi ang pinagdadaanan ngayon ni Senator Bong Revilla (kanan) at alam din niyang hindi siya ang nagbibigay ng sakit ng ulo sa senador.


Wala raw sama ng loob si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas II kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa kabila ng pagdidiin sa kanya ng senador.

Ito ay kaugnay ng privilege speech ni Senator Revilla sa Senado, noong Lunes, January 20, bilang pagtatanggol sa pagkakadawit niya sa P10-billion Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o mas kilala sa tawag na pork-barrel scam.

Read: Senator Bong Revilla claims PNoy asked him to vote for former CJ Corona’s impeachment

Naiitindihan daw ni Secretary Roxas kung ganito man ang naging reaksiyon ni Senator Revilla. Ngunit hindi raw siya ang dahilan ng problema ng senador.

Ayon kay Secretary Roxas, "Alam kong matindi ang pressure sa kanya, at alam kong hindi ako ang nagbibigay ng problema sa kanya.

"Hindi ako ang problema ni Senator Bong.

“Ang problema niya si Benhur Luy at iba pang eyewitness na testigo na may kinalaman siya kay Ginang Napoles.”

Ang pork-barrel whistleblower na si Benhur Luy ang nagturo kina Senator Revilla, Senator Juan Ponce Enrile, at Senator Jinggoy Estrada na tumanggap diumano ng milyun-milyong kickbacks matapos nilang aprubahan ang pagpondo sa mga kuwestiyonableng proyekto ng non-government organizations na itinayo ni Janet Lim-Napoles.

Si Napoles, pinsan at dating finance officer ni Luy, ang sinasabing mastermind sa pork-barrel scam.

Nakausap ng media si Roxas kahapon, January 23, Huwebes, pagkatapos niyang dumalo sa hearing ng Senate Committee para sa reconstruction plans ng National Defense and Security sa Visayas, na tinamaan nang husto ng super-typhoon Yolanda.

"BOY PICK-UP." Sa privilege speech ni Senator Revilla noong Lunes, tinawag niyang "Boy Pick-up" si Secretary Roxas dahil ito umano ang naghatid sa kanya sa pulong nila ni Presidente Benigno "Noynoy" Aquino III sa Bahay Pangarap noong 2012.

Ayon sa actor-politician, sa naturang pulong siya hinimok ni PNoy upang bumoto para sa conviction ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na noo’y sumasailalim sa impeachment trial.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ulat ng InterAksyon.com, sinabi ni Secretary Roxas na ipinagmaneho niya papuntang Bahay Pangarap si Senator Revilla upang makipagpulong kay PNoy dahil nais daw ng senador na pag-usapan ang tungkol sa cityhood ng Cavite at ang interes nitong maging presidente ng partidong Lakas.

Diin pa niya, si Senator Revilla ang humiling na ipagmaneho siya nito patungong Bahay Pangarap.

Saad niya, "In fact, parang joke ang pagmamaneho ko kay Senator Bong.

"Pag-upo niya sa likuran, sabi niya, ’Transportation Secretary ka, dapat ikaw ang magmaneho sa akin.’

"So, ako naman, ’Okay,’ hindi ko nilagyan ng malisya."

Noong mga panahong iyon ay si Roxas ang kalihim ng Department of Transportation and Communications.

Inulit din ni Secretary Roxas ang nilalaman ng kanyang naunang statement na ipinagmaneho niya ang senador patungong Bahay Pangarap upang “matugunan ang reglamento ng PSG [Presidential Security Group] at hindi na maaberya si Senator Bong.

"Una, hindi madaling pumasok doon.

"At pangalawa, nais ng PSG na hindi dapat dumami ang makakaalam ng procedures doon.

"Kaya imbes na driver ang ginamit, ako ang nagmaneho," sabi ng DILG Secretary.

PALACE DID NOT INTERFERE. Sa privilege speech ni Senator Revilla, binatikos din nito ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) dahil diumano sa pagkalap ng mga ito ng “trak-trak” na ebidensiya laban sa kanya upang idiin siya sa pork-barrel scam.

Nang lumutang ang pangalan ni Senator Revilla sa isyu ng pork-barrel scam ay sinabi niyang pinupulitika siya ng pamahalaang Aquino

Mariin namang itinanggi ni Secretary Roxas na ang Palasyo ang nasa likod ng pagsasampa ng kasong plunder kay Senator Revilla.

Paglilinaw ni Roxas, "Hindi ko kilala si Benhur Luy."

"Wala ring kinalaman ang Malacañang kay Benhur Luy o kay Ginang Napoles.

"So, paanong sasabihin na ang Malacañang ang nasa likod nito?"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN