Kylie Padilla aspires to follow in dad Robin’s footsteps as action star

Kylie Padilla on pursuing her dream to be an action star: “Actually, gusto ko rin talaga e aksiyon. Noong sinabi kong mag-aartista ako, ang nasa isip ko parang Angelina Jolie, ganun."


Hangad ni Kylie Padilla na sa pamamagitan ng kauna-unahan niyang pelikula— ang Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak, under Star Cinema and RCP Productions—ay mapansin na sana ang kagustuhan niyang maging action star.

Maging ang ama niyang si Robin Padilla, gustong malinya ang anak sa action.

Ayon kay Kylie, “Actually, gusto ko rin talaga e aksiyon. Noong sinabi kong mag-aartista ako, ang nasa isip ko parang Angelina Jolie, ganun. Hinihintay ko na lang na bigyan ako. Isa na itong pelikulang ito.

"Kasi puro drama yung ginagawa ko, e.

“Actually, I want people’s eyes to open na puwede palang mag-action si Kylie at magaling siya. Hindi yung sinasabi lang na gusto ko lang mag-aksiyon, di ba?”

Hindi naman ito ang unang pagsabak ni Kylie sa action dahil sa unang teleserye niya sa GMA noong 2008, ang Joaquin Bordado, kung saan nagbida si Robin, ay gumanap siya bilang si Erenea, isang girl warrior na bahagi ng magical tattoos ni Joaquin.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Kylie sa grand presscon ng Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak noong Enero 23, sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound.

Sa tingin ba ni Kylie, ang pelikulang ito ang magiging daan para mai-launch na siya bilang action star?

“Sana, ipinagdarasal ko. Gusto kong magbukas yung mga pinto na iyan para sa akin,” panalangin niya.

Bukod kina Robin at Kylie, kasama rin nila sa pelikula sina Mariel Rodriguez, Daniel Padilla, Rommel Padilla, Bela Padilla, Matt Padilla, RJ Padilla, Christopher de Leon, Dina Bonnevie, Karla Estrada, Pen Medina, Lito Pimentel, Dennis Padilla, Aljur Abrenica, at Bugoy Cariño.

DOING ACTION SCENES. Sa trailer pa lang ng movie, mapapanood si Kylie na bumabaril. Aniya, sanay na raw siyang gawin ito.

“Actually, bata pa lang kami e tini-train na kami ni Papa diyan [shooting]. I think when I was ten kasi nakikita na namin, e. Pati yung mga video games na nilalaro ni Papa noon puro barilan, so kami parang normal na yun,” kuwento ni Kylie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod sa pagbaril, ano pa ang ginawa niyang stunts sa movie?

Dagdag niya, “Tumalon ako sa bundok, lumundag ako, nag-roll ako pababa ng bundok.”

So, hindi siya nagpa-double?

Diin niya, “Hindi po. Ayoko po kasi talagang magpa-double. Ayoko yung sabihin ng mga tao na, ‘Ay, si Kylie nagpa-double pa.’ Parang hindi convincing, di ba? Gusto ko yung mawa-wow sila, yun.”

Ano ang impluwensiya ng Papa Robin niya sa kanya pagdating sa action?

“Pag pinapanood ko kasi si Papa, nagda-drama, ang dami niyang ginagawa. Pero pag nag-aaksyon siya, siya na talaga yun.

“Parang nagku-connect ka sa kanya pag nag-aaksyon siya. Parang nararamdaman mo na, ‘Wow, ang galing! Astig nitong taong ito!’

“Parang yun ang nararamdaman ko pag pinapanood ko siya. Kaya nga pinanood ko yung 10,000 Hours, naiyak ako sa movie na iyon, ang ganda.

“Tatay ko na yun ha? Hindi ko ine-expect kasi Tatay ko siya. Hindi ko siya nakikita as artista. Pero noong pinanood ko iyon, naiyak ako.”

Ang 10,000 Hours ang itinanghal na Best Picture sa nakaraang 2013 Metro Manila Film Festival Awards Night. Nanalo rin ng Best Actor si Robin para sa pelikulang ito.

VISITING KAPAMILYA TERRITORY. Alam naman ng lahat na isang Kapuso si Kylie bilang artista siya ng GMA. Pero kailangan niyang “bumisita” sa ABS-CBN para sa presscon ng pelikula nila.

Hindi naman daw ito ang unang pagtuntong niya sa Kapamilya territory.

Sabi niya, “Actually, si Papa kasi noong mga bata pa kami, sa ABS talaga siya, so dito kami dinadala, dito kami nag-workshop.”

Hindi ba nagkaroon ng offer ang ABS-CBN sa kanya noon?

Aniya, “Meron, but ang pinili ko ay GMA.”

Bakit mas pinili niya ang GMA?

“Para sa akin, respeto na lang kasi nagsimula ako doon [Joaquin Bordado], ’tapos bigla akong aalis na hindi pa tapos yung kontrata. So, tinapos ko muna,” paglinaw ng dalaga.

Noong mga panahon din daw na iyon ay nasa ABS-CBN na ang kapatid niyang si Queenie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Oo, mahirap din kasi yung ’etong isa may show, yung isa wala. Mahirap yung mga ganung isyu,” pagklaro pa ni Kylie.

Pero nang matapos nga ang kontrata ni Kylie sa GMA ay muli siyang pumirma rito at nabigyan ng magagandang proyekto, katulad ng pinagbibidahan niyang primetime teleseryeng Adarna.

Si Queenie naman, matapos makagawa ng ilang shows sa ABS-CBN ay tumigil na rin sa pag-aartista at mas piniling ituloy ang pag-aaral at maging debotong Muslim.

Wish ba niya na sana ay nakasama nila sa pelikula si Queenie?

“Actually, oo, pati yung mga kapatid ko. Kasi siyempre movie ng mga Padilla ito, e. Si Papa ’yan e so we’d like that kami rin kasama,” pahayag niya.

Isa pang ikinatutuwa ni Kylie sa movie nila ay hindi naging isyu ang network war. Sina Robin at Daniel kasi ay mga Kapamilya, habang si Mariel naman ay dating Kapatid, ’tapos sina Kylie, Bela, at RJ naman ay mga Kapuso.

“Kaya nga masaya. Nagustuhan ko yung that part of it na walang station-station dito. Pamilya tayo. Doon ko naramdaman yung title ng pelikula na pamilya talaga.”

ALJUR ABRENICA. Kasama sa cast ng Sa Ngalan Ng Ama, Ina, At Mga Anak ang boyfriend niyang si Aljur Abrenica. Sa presscon ay nabanggit ni Robin na isa raw sa mga nakatikim ng linya nitong, “Itigil na ang shooting,” ay si Aljur.

Ano ba ang dahilan nito?

Paglilinaw ni Kylie, “Kasi si AJ [Aljur], may ginagawa siyang movie noon, yung Kontrabida Girl. So, mahirap yung schedule. Pero nagawan naman ng paraan at saka dumating naman siya.”

So, hindi iyon dahil nagkakaroon sila ng problema noon sa relasyon nila?

“Hindi, hindi dahil doon,” mariin niyang paglinaw.

Siya ba ang nag-suggest na kunin sa pelikula si Aljur o ang production ang nagdesisyong kunin ang aktor?

“Siyempre nauna yung production. But nababanggit ko na sa kanya na may movie at saka niligawan ko rin. Sabi ko, ’Sige na, ikaw na yung leading man ko,’” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang reaksiyon ng Papa niya?

“Actually, nauna si Papa na sabihing si Aljur na lang. Alam naman kasi niya [na kami na noon].”

Love interest ni Kylie si Aljur sa movie.

Paliwanag pa ni Kylie sa role nila, “Kami po ni AJ, hindi kami member [ng Kuratong Baleleng group nila Robin]. Hindi kasi ako anak, e. Hindi ako kasama sa pamilya.

“Actually, enemy ako na biglang lumipat sa good side, sa side nila Papa. Pinadala ako ng government sa side nila AJ pero bad guy. May mangyayari, abangan n’yo na lang.”

BONDING WITH MARIEL RODRIGUEZ. Habang tumatagal daw ay mas napapalapit si Kylie sa kanilang stepmom na si Mariel.

“Si Tita Mariel kasi is also a friend. At saka may mga instances din kasi na noong nagkakaroon ako ng problema as a girl, na hindi maiintindihan ni Papa, sa kanya ako lalapit,” masaya niyang kuwento.

Kasama ba rito ang love problems niya noon?

Pahabol niya, “Actually, kasama yun. Sa kanya ako nagtatanong noon.”

Effective naman ba ang mga advice ni Mariel sa kanya?

“Oo, kasi alam niya, e. Naiintindihan niya, e. Yung mga advice nga niya, talagang sakto para sa akin e.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN