Vhong Navarro identifies alleged masterminds behind mauling incident

Inilahad ni Vhong Navarro ang pambubugbog na nangyari sa kanya noong January 22, Miyerkules, sa isang condo unit sa Bonifacio Global City. Pinangalanan ni Vhong ang ilan sa mga taong may kinalaman sa pambubugbog sa kanya, kabilang na ang negosyanteng si Cedric Lee (kaliwa) at ang modelong si Deniece Cornejo (gitna).


Ilang araw pagkatapos lumabas ng balita tungkol sa pambubugbog kay Vhong Navarro noong Miyerkules, January 22, sa isang condo unit sa Bonifacio Global City, nagpaunlak na ng panayam ang comedian-TV host.

Sa eksklusibong interbyu ni Boy Abunda para sa Buzz Ng Bayan, na ipinalabas kaninang hapon, January 26, isinalaysay ni Vhong ang sinapit diumano niya sa kamay ng isang babae at ilang kalalakihan noong gabi ng January 22.

Kasalukuyan pa ring naka-confine si Vhong sa isang ospital, ngunit hindi sinabi o ipinakita ang pangalan ng ospital para na rin sa proteksiyon ng It’s Showtime co-host.

Magang-maga pa rin ang mukha ni Vhong, may mga galos at pasa, at nangingitim ang paligid ng kanyang mga mata dahil sa pambubugbog na ginawa sa kanya.

Nagkaroon din daw ng bali sa kanyang katawan at ilong si Vhong na nangangailangan ng operasyon.

VHONG’S ORDEAL. Nang lumabas sa media ang pambubugbog kay Vhong ay iba’t ibang bersiyon ang narinig at nabasa kung ano ang totoong nangyari.

May lumalabas na na-set-up daw siya ng isang babae at dinala sa isang condo unit sa The Fort, at merong mga lalaking may dala ng baril at tinutukan siya.

May isang bersiyon naman na sumama raw siya sa isang babae sa isang condo unit sa The Fort, at habang nagtatalik sila, pumasok daw ang boyfriend nito at sumigaw ng “rape” ang babae.

Tanong ni Boy kay Vhong: Ano nga ba ang totoo?

Lahad ng aktor, “Dalawang beses po akong pumunta dun [condo unit ng babae].

"Pumunta po ako dun ng Friday, January 17 po.

“Siguro, mga 10:45 [ng gabi] po ako pumunta dun, na sinundo niya ako sa lobby.

"Kasi raw, mahigpit daw dun.”

Sino ang babaeng ito?

“Si Deniece Millet Cornejo,” sagot ni Vhong.

Hindi na nagbigay ng detalye si Vhong sa katauhan ni Deniece, maliban sa edad nitong 22 na lumabas na sa media.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ngunit sa pagsasaliksik ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), napag-alaman naming si Deniece ay isang modelo na lumabas na sa ilang print at TV ads.

Patuloy na kuwento ni Vhong, “Sinundo niya ako sa lobby... niyaya niya akong umakyat.

"May dala pa akong white wine dahil sabi niya kasi, yun lang ang puwede niyang inumin.

"So, uminom po kami."

Magkaibigan ba sila ni Deniece?

“Opo, kakilala ko po siya two years ago,” sagot ni Vhong.

Ano ang intensiyon ni Vhong sa pagdalaw niya kay Deniece noong January 17? Sa imbitasyon ba ito ng babae?

“Yes po, invitation niya po,” sagot ng 37-year-old dancer turned comedian.

Unang beses pa lang ba ito o nangyari na dati?

Ayon kay Vhong, "Bale first time naming magkikita after naming mag-meet two years ago.

"Siya po ang nag-text sa akin kung kailan po kami magkikita.

“Kasi, sabi ko nun, kung magkikita kami, e, sana ano na, sana ASAP. Busy siya.

"So, ang text ko na lang, kung kailan siya puwede."

Idiniin ni Vhong na "friendly meeting" lang iyon, at hindi niya girlfriend si Deniece.

Patuloy ni Vhong, “Pagdating ko dun, sinalubong niya ako sa lobby.

"Sinamahan niya ako hanggang sa papasok po [sa condo unit]. Naupo kami.

“Hanggang sa nag-inuman kami.

"Kasi ako, hindi ako gagawa ng move kung wala siya... kung hindi siya nagpakita ng motibo.

“Na may gustong mangyari.”

NO SEXUAL INTERCOURSE. Ano ang naganap sa pagitan nila?

Sagot ni Vhong, “May nangyari po, pero walang nangyaring sexual intercourse.”

Paano sila naghiwalay?

“Maayos po ang paghihiwalay namin.

"Sabi ko, kung ayaw niya, sana sumigaw na lang siya ng ’rape.’

“Sana may mga galos ako o meron siyang galos o sakal, pero wala po.

"So, maliwanag po na gusto niya ang nangyari.

“So, umalis po ako.

"Sinabi ko pa sa kanya na, ’O, isarado mo na ang pinto, baka mamaya may pumasok pa sa ‘yo diyan.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, lumabas ako, isinara niya [yung pinto].

"Pumasok ako sa kotse."

Lahad pa niya, “Pauwi po ako, nag-text siya na, ’Bad boy ka.’

"So, ang sa akin, ano ang ibig sabihin ng ’bad boy ka’?

“Dahil ba hindi ko itinuloy na may nangyari?

"Bad boy ka dahil... hindi ko po alam.

"Kaya ang sagot ko po, ’I’m sorry, bawi ako.’

“So, ibig sabihin, hindi ko tinatapos ang pagkikita namin dun. Puwede pa akong bumalik at magpakita sa kanya.

"So, tinatawagan ko siya, hindi niya sinasagot after ng text ko.

“Hanggang sa makauwi na ako ng bahay, siya na ang tumatawag, hindi ko na nasagot.

"Nag-text siya kinabukasan.

“Ang sabi niya, ’Puwede ba nating pag-usapan yung nangyari?’

"Sabi ko, ’Oo naman.’

"Sabi niya, ’Puwede ka ba tonight?’

"Ano na ‘to... January 18 ng gabi.

"Gusto niya raw na mag-dinner kami sa bahay niya. Magluluto raw siya.

“Sabi ko, ’Huwag na, saka hindi rin ako puwede. Puwede bang i-set na natin next time?’

"Nagbigay siya ng Monday until Wednesday."

Saad pa ni Vhong, “Ang weird lang, noong time na yun, sweet na siya.

"Tinatawag niya akong ’Sweetie, kumain ka na?’

“Parang, ang bad boy, biglang may mga sweet-sweet.”

Nasa kanya pa yung mga text message?

“Binura nila,” sabi ni Vhong.

THE SECOND AND FINAL VISIT. Pagkatapos nito ay itinuloy ni Vhong ang kuwento niya.

"Noong Wednesday [January 22], inano ko rin siya... kasi malinis ang konsensiya ko.

"Ako pa ang may sabi sa kanya na, ’Tuloy ba?’

“Sabi niya, ’Oo, tuloy.’

"Sabi niya nga sa akin, hindi na siya magluluto...

“So, after ng ginawa kong yun, pumunta ako sa The Fort.

"Kumain kami ng mga friends ko sa isang restaurant. Nag-takeout ako ng food.

“Pinuntahan ko na siya. Mga ganoon din, mga 10:45 [ng gabi].

"Ang usapan namin palagi, mga 10:30.

“Eto na, noong nag-takeout ako ng food papunta sa kanya, tumawag ako sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sabi ko, ’O, nandito na ako sa lobby.’

"Sabi niya, ’Okay na, diretso ka na. Kita na lang tayo sa elevator. Diyan tayo sa baba.’

“So, akala ko, mahigpit—yun kasi ang sabi niya.

"So, pagdating ko dun, yung guard, parang deadma.

"Yung dalawang yaya pa na nakakita sa akin, kumaway pa.

“Pagdating ko dun, yung elevator, parang ang tagal bumaba.

"Parang mas mabilis paakyat. So, sumakay na ako paakyat.

“Tapos, yun, nagkita kami sa taas. Nagulat siya.

"Eto na, noong papasok kami [ng condo unit], parang ang weird ng sinabi niyang line, doon na ako kinabahan.

“Pagbukas ng pinto, sabi niya, ’Ikaw naman, binigla mo ako. Hindi pa ako nakakapaglinis.’"

Patuloy ni Vhong, "Pagbigay ko ng food, papunta ko sa sofa, bigla siyang lumabas.

"Pagharap ko, palabas na siya, may lumabas ng dalawang lalaki na nakatutok sa akin ang baril.

“Tapos, lumabas na si Cedric.”

Cedric?

“Cedric Lee...” sagot ni Vhong.

Kilala niya si Cedric?

“Una, minumukhaan ko. Tapos, nagpakilala na siya sa akin.”

(Kinumpirma ng Philippine Entertainment Portal sa abugado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga kung ang "Cedric Lee" na tinutukoy ng komedyante ay ang negosyanteng naugnay at ama ng anak ng actress-singer na si Vina Morales. Positibong kinilala ni Atty. Mallonga na ang "Cedric Lee" na tinukoy ni Vhong at ang dating karelasyon ni Vina ay iisa.)

WHAT THEY DID TO VHONG? Ano ang nangyari pagkatapos?

Sabi ni Vhong, “Ang ginawa niya [Cedric] po sa akin, tinali yung kamay ko, tinali yung paa ko.

"Tapos yung ulo ko po, inilagay nila sa sahig, pinagsasapak po nila.

“Pinagsasapak ako ni Cedric habang may nakatutok sa aking baril.”

Ilan sila?

“Dalawa pa lang muna... pinagsasapak ako.

"Tapos po, nilalagyan ako ng busal sa bibig ko. Sabi ko, ’Huwag, huwag.’

“’Huwag kang sisigaw!’

"Sabi ko, ’Hindi ako sisigaw.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Kapag sumigaw ka, Pare, papatayin ko mga anak mo, papatayin ko pamilya mo, papatayin kita!’

"Yun ang sinasabi niya sa akin paulit-ulit.

"So, hindi po ako sumisigaw, kalmado lang ako.

“So, noong blininfold [blindfolded] niya ako, narinig ko, may bumukas na pinto, may mga nagpasukan.

"May mga sumapak na po sa akin ulit. May gumulpi sa akin ulit.

“After nun, binigyan pa rin ako ng busal sa bibig.

"Tinanggal ang blindfold, binaba po ang pants ko.

"Bini-video po nila ako.

“Tapos po, mula po sofa, inilagay nila ako kung saan ko nilagay ang food.

"At pinapasabi nila sa akin na, ’Ako si Vhong Navarro, ni-rape ko ang kaibigan ko.’

“Noong mali ang sinabi ko, sinapak po ulit ako ni Cedric. ’Ayusin mo! Ulitin mo!’

"Tapos po, binaboy po nila kung ano ang hitsura nung... tapos po...”

Sa puntong ito ay naging emosyunal na si Vhong at hindi napigilang mapaluha.

Ngunit patuloy niya, “Sabi po, ulitin ko raw po ang sinabi ko na, ’Ako si Vhong Navarro, nang-rape ako ng kaibigan.’

“Tapos, after nun, pinaakyat yung pants ko, shorts ko...

"Tapos nagbibiruan sila, ’Sipain mo nga ‘yan!’ Sa mga kasamahan po nila doon.”

Nasa anim hanggang pito raw ang bilang ni Vhong sa mga taong nandun sa condo unit at bumugbog sa kanya.

Kuwento pa niya, “Ang ginawa, sinipa po ulit ako, sinapak po ulit ako.

"Tapos, sabi ng isang lalaki, naka-body fit, ’Bigyan mo ng 200,000 [pesos] si Denise, ha, damage mo sa kanya.’

“Sabi ko, ’Sige po,’ gumanun na lang ako.

"Natatakot po ako. Baka susunod, iba na ang susunod nilang gawin, baka barilin na nila ako.

“Tapos, sabi naman ni Cedric, ’Hindi, gawin mo ng 500,000 [pesos] ‘yan.’

"Tapos po, lumapit sa akin ang isang Mike. May lumitaw na Mike.

"Sabi nung Mike, ’O, dadalhin kita sa presinto, ha, papa-blotter kita. Proteksiyon namin ‘to sa ‘yo kasi baka magsumbong ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Pero yung pagdadalhan ko sa ‘yo, yung pagpapa-blotter natin, wala masyadong tao, so safe ka pa rin.’

“Sabi ko, ’Sige po, sige po.’

"Binaba po nila ako ng condo.

"Nakita pa rin ako ng guard, pero wala pa rin po silang paninita sa nangyari.”

Kailan siya tinanggalan ng tali?

“Tinanggal lang po yung sa paa para makapaglakad po.

"Pero yung sa kamay, nakatali pa rin po. Naka-tape pa rin po."

Paano naitago sa lobby?

“Wala po, hindi ko alam kung ano ang ginawa nilang blocking.

"Basta pinag-sumbrero lang po na bumaba. Sinakay nila ako sa van.”

Naka-shorts at polo shirt daw si Vhong nang bumaba sila sa condo.

Ed’s Note: Bukas ang PEP sa panig nina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at ng isang "Mike" sa mga paratang ni Vhong.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN