Marian Rivera ignores morbid Instagram post of alleged Angel Locsin fan

Ayaw nang patulan ni Marian Rivera ang Instagram post ng isang fan, kung saan ikinabit ang mukha niya sa larawan ng isang kalansay na nasa loob ng kabaong.


Hindi na bago sa mga artista ang pagkakaroon ng bashers o fans na sobrang makapanliit sa mga artistang hindi nila gusto o kalaban ng mga iniidolo nilang artista, lalo na sa social media.

Ang mga tagahanga ng top actresses na sina Marian Rivera at Angel Locsin ang ilan sa grupo ng fans na masyadong “passionate” sa pagtatanggol sa dalawa.

Ang mga fans na ito ay aktibo rin sa pakikipagbalitaktakan sa iba’t ibang news websites, gaya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), at sa social media, gaya ng Facebook, Twitter, at Instagram.

Kamakailan ay isang Instagram post ang nakapukaw ng pansin ng marami dahil tila lumampas na sa sukdulan ang ginawa nito.

Ang nag-post ng larawan ay may user name na “mjtatudcainglet,” na sinasabing isang fan diumano ni Angel Locsin.

Ito ay isang photoshopped photo ng isang kalansay na nasa loob ng isang kabaong, ngunit ang mukha ay kay Marian Rivera.

Nakalakip sa caption ng larawan ang “taus-pusong pakikiramay” ng Instagram user dahil sumalpok daw ang sinasakyang van ni Marian, isang madaling-araw, habang papunta ito sa taping ng primetime series ng aktres, ang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.

Wala na ang naturang photoshopped photo ni Marian sa Instagram account ni “mjtatudcainglet,” ngunit marami ang nakapag-print screen nito kaya kumalat rin ito sa Internet.

Siyempre pa, maraming fans ni Marian ang nagalit sa ginawang ito ni “mjtatudcainglet.”

May ilan ding entertainment press ang nagsulat tungkol dito at nagsabing sumobra na ang ginawa ng naturang fan kay Marian.



LET IT BE. Nakarating na rin kay Marian ang pangyayaring ito, ngunit sinabi ng Kapuso Primetime Queen na hayaan na lamang ito.

Pahayag ni Marian sa text:

“Siguro kung may mga taong gumagawa ng masama para sa kapwa nila, hayaan na lang natin.

"Hindi naman natutulog ang Diyos eh.

“Alam ng Diyos kung sino ang dapat Niyang pakinggan at pagbigyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kapag ang tao ay punong-puno ng pagmamahal sa sarili niya, wala na yata siyang makikitang ni katiting na kapintasan sa ibang tao.

"At sa punto ko sa buhay ko ngayon, masaya ako at ang puso ko ay punung-puno ng pagmamahal.”

Sa isang banda, masaya at ipinagmamalaki naman ni Marian ang mga tagahanga o mga taong sumusuporta sa kanya.

"’Yan ang pinagmamalaki ko sa fans ko. Hindi sila gagawa ng anumang ikasisira ng ibang artista.

"Basta ang fans ko, mabubuti ang kanilang puso kaya naman lalo ko silang minamahal. Hindi kailangang manakit ng ibang tao.”

Samantala, masaya si Marian sa magandang feedback na natatanggap nila sa kanyang pinagbibidahang primetime series na Carmela.

Natutuwa rin daw siya sa mainit na pagtanggap ng mga tao, lalo na sa mga lugar kunsaan sila nagsu-show.

“Nakakatuwa lang talaga at palagi ko namang sinasabi ito, yung mga regional shows na ginawa ko sa GMA-7, nakakataba ng puso na makita ko sila at makita ko sila na napapasaya ko sila.

“Tulad ngayong Linggo [February 9], may promo tour kami sa Naga at Albay, kasama ko si Alden [Richards].

“Nae-excite ako na makita ang mga Kapuso natin doon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN