Martin Escudero on Obsession co-star Bianca King’s endearing traits: “Napakabait, walang kaarte-arte, walang taray.”

Martin Escudero on Bianca King’s endearing traits: “...mukhang hindi namamansin. Pero hindi pala, cowboy na cowboy ang dating niya at down-to-earth. Hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya.”


Malaki ang pasasalamat ni Martin Escudero sa TV5 dahil sa magagandang proyekto at roles na ibinibigay sa kanya.

Sunud-sunod din ang mga teleserye niya at kamakailan ay halos nagpang-abot pa ang huli niyang pinagbidahang serye na Positive at ang bago niyang Thursday primetime psycho drama series, ang Obsession, kung saan kasama niya sina Bianca King, Marvin Agustin, Neri Naig, at Elizabeth Oropesa.

Natapos ang Positive noong Enero 9, at nagsimulang umere ang Obsession noong Enero 23.

Ramdam na ramdam nga raw ni Martin ang pag-aalaga ng TV5 sa kanya.

“Mula naman noong umpisa, malaking project na agad yung ibinigay nila sa akin e, yung Babaeng Hampaslupa. Yun ang masasabi ko na isa sa pinakamalaking napabilangan ko na show ng TV5.

“Napakasuwerte ko na yung ibinibigay nila, yung malalaking project talaga, malalaki ang casting, magaganda yung istorya.

“Hindi iyong makagawa lang ng soap opera, hindi sila ganun, e. Kumbaga hindi pipitsuging mga project ang ginagawa nila,” pagmamalaki ni Martin.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Martin sa pocket interview na inihanda ng TV5 para sa kanila ni Bianca King sa Kimono Ken restaurant sa Tomas Morato Ave., Quezon City kahapon, Pebrero 7.

Paano niya ilalarawan ang growth niya bilang aktor sa TV5?

“Sa totoo lang, dito sumabay yung kaputukan ko ng pagiging aktor, e.

“Kumbaga yun ang time na nabigyan ako ng magagandang projects din sa movies, at nasabayan naman ng TV5 ng magagandang projects sa TV kaya naging maganda yung evolution ko, yung pag-evolve ko bilang aktor.

“Naalagaan talaga nila ako nang tama.”

Kaya nga raw habang patuloy siyang binibigyan ng proyekto ng TV5 ay hindi na muna siya kukuha ng bagong manager. May tiwala naman daw siya sa management na hindi siya mapapabayaan. Si Popoy Caritativo ang dating manager ni Martin.

BIANCA KING. First time makatrabaho ni Martin si Bianca sa Obsession.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na magkatrabaho sa GMA noon. Pero naging madali raw ang pagtatrabaho nila sa Obsession dahil mabilis nilang nakasundo ang isa’t isa.

Pagpuri ni Martin kay Bianca bilang aktres, “Una roon yung alam niya yung ginagawa niya.

“Kumbaga may experience na siya sa paggawa ng mga commercial, mga eksena, kasi nag-aral siya ng filmmaking.

“Kasi hindi na siya kailangang turuan, alam na niya kung paano gagawin ito. So, pag pinag-usapan n’yo, magbibigayan na kaagad kayo ng ideas para siyempre hindi na rin kayo paulit-ulit at saka mas mapapagaan yung trabaho.

"Ang masasabi ko, marunong siya, magaling siyang umarte, alam niya yung ginagawa niya.”

Ano naman ang nagustuhan niya kay Bianca as a person?

“Napakabait, walang kaarte-arte, walang taray. Alam mo yung madali siyang lapitan, makakausap mo, makakalokohan mo, wala talagang arte.

“Noong dati na hindi ko pa siya nakakatrabaho, pag nakita ko si Bianca, ang sosyal ng beauty niya, e.

“Hindi Pinay ang dating, kumbaga matalim yung ganda niya e, kumbaga iisipin mo kaagad mukhang mataray ito a, mukhang hindi namamansin.

“Pero hindi pala, cowboy na cowboy ang dating niya, at down-to-earth. Hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya.”

Ito raw ang dahilan kaya hindi na sila nahirapan sa kanilang love scenes sa Obsession.

“Actually, si Bianca pa nga ang nagturo sa akin,” biro ni Martin.

“Hindi, kasi yung sa character niya kasi bilang si Vanessa, siya yung aggressive, parang ako bilang si James, ako yung nagugulat sa mga nangyayari.

“Pero okay naman, nagawa naman namin nang tama. Medyo daring ang dating kasi may mga nakikitang skin. Pero hindi naman babad kasi pang-TV ito, e.”

Ayon kay Martin, marami pa raw dapat abangan sa Obsession.

“Sa totoo lang, marami pa e, nasa week eight na yung taping pero pang-apat pa lang yung eere sa next Thursday [Feb.13].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Base sa istorya, marami pa ang mangyayari so sana tutukan lang nila.

“Nagpapasalamat lang kami na maganda ang ratings namin, magaganda ang nakukuha naming feedback.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN