RJ Padilla deems Tita BB Gandanghari too classy as peg for his gay routine in Bubble Gang

RJ Padilla is proud to be making a name as a comedian in show business: “Maraming natutuwa na iba ako sa mga Padilla. Kasi ako yung tipong hindi ako takot na magmukha akong bading, magmukha akong tanga, ganun po ako, e.”


Hindi raw naiilang si RJ Padilla kapag nagba-bading siya sa GMA gag show na Bubble Gang.

“Hindi naman po,” sabi ni RJ nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa premiere night ng horror movie na Basement noong February 9, sa Podium Cinema.

Wala raw siyang pine-peg o pinaggayahan ng gay characters niya sa naturang comedy show.

Maski sa kanyang Tita BB Gandanghari?

“Hindi. Yung pagka-bading ko naman, walang class. Sa kanya kasi may class, e.”

Nakaranas na raw si RJ na may nanukso sa kanya.

“Isang beses pa lang pong nangyari.

"Bumibili ako ng pagkain sa gasoline station, ’tapos may mga umiinom sa gilid, mga anim na lalaki.

"Sabi nila, ‘A, iyan yung bakla sa ano!’

“Natawa lang ako. Nagpapiktyur pa nga po sila, e. Natuwa naman ako.

“At least, maganda na ho yung napag-uusapan, ’tsaka hindi naman po ako bading.”

IN DANIEL’S SHADOW. Kapatid sa ama ni RJ si Daniel Padilla, pero hindi raw siya nasasaktan kapag may nagsasaabing nasa anino lang siya ng Kapamilya young star.

Sabi niya, “Actually, pagdating sa mga shadow, malayo, e.

"Malayo ako sa shadow ni utol, iba siya.

“Kumbaga, si Utol, grabe magpa-cute, may kilig factor siya pag pinanood mo, e. Matinee idol.

“Pag ginawa ko yun, matatawa ang tao sa akin.”

Noong bagu-bago pa lang si RJ ay iniintriga siyang ginagaya niya ang kilos at pananalita ni Daniel, na siya ay copycat daw ng kanyang sikat na half-brother.

Reaksiyon niya, “Talaga? Natsismis ako nang ganun?

“Actually, pagdating diyan, mas matanda ako.

"Baka parehas lang talaga, isa lang naman ang ama namin.

"Oo, iba ang nanay namin, pero parehas lang po yun."

Ang ama nila ay ang aktor ding si Rommel Padilla; ang ina ni Daniel ay ang aktres na si Karla Estrada; habang ang ina naman ni RJ ay si Annabelle Antonio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


IN HIS OWN IMAGE. Si Bechay Vidanes ang manager ni RJ, at co-managed din siya ng GMA Artist Center.

Tinanong namin si RJ, regardless sa popularidad, sino ang mas gusto niyang sundan ang mga yapak? Ang ama niyang si Rommel o ang uncle niyang si Robin Padilla?

Sagot niya, “Yung image siguro, mas gusto ko yung sa akin na lang.

"Kung anuman yung magagawa kong image bilang komedyante.

"Marami ngang natutuwa na komedyante pala ako.”

Mas gusto niyang maging komedyante?

“Maraming natutuwa na iba ako sa mga Padilla.

"Kasi ako yung tipong hindi ako takot na magmukha akong bading, magmukha akong tanga, ganun po ako, e.”

At para mas lalong maiba, willing si RJ na magpaseksi sa pictorial o projects.

Maski raw sa Cosmo Bachelor Bash ay payag siyang rumampa nang naka-topless.

“Oo naman po. Bakit naman hindi?

“Ano lang, siguro, ang kaya ko lang muna sa ngayon ay yung walang t-shirt.”

Papayag ba si RJ maging endorser ng underwear?

“A, underwear, siguro iyon ang matinding pag-iisipan ko muna!

“Parang kinakabahan ako lagi pagdating sa mga underwear na billboard.

“Kinakabahan ako sa feedback ng mga tao na baka mababuyan sila.”

Pero kung artistic at matino ang concept?

“Willing naman po ako, willing ako.

“We’ll get there, we’ll get there,” sabi ni RJ.

OTHER CONSIDERATIONS. Isang Born Again Christian si RJ at alam daw niyang bawal sa samahan nila ang mag-underwear sa pictorial.

Kahit parte ng trabaho?

Sabi niya, “Sa trabaho naman po siguro, maiintindihan naman po ng church iyon.”

Papayagan naman ba siya ng ama niya?

“Iyon ang matinding usapan pagdating kay Papa.

"Siguro mahaba-habang usapan pa po ’yan.”

Ang Uncle Robin kaya niya ay papayag?

“Si Tito Robin naman, ‘Bahala ka na. Career mo naman ’yan, e.’"

Kapag ginawa ito ni RJ, tiyak na hindi na siya maikukumpara kay Daniel dahil hindi naman ito magpapaseksi.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Opo, yes po.”

MARIAN RIVERA. Papayag din daw si RJ sa love scenes.

Ang crush naman daw niya ngayon sa showbiz ay si Marian Rivera.

"Sa ngayon, ang number one ko si Marian.”

Kaya masaya si RJ na kasama siya sa show ni Marian na Carmela (Ang Pinakamagandang Babae Sa Mundong Ibabaw).

Nakasama rin siya dati sa My Beloved nina Marian at Dingdong Dantes.

Sabi ni RJ, “Si Marian kasi ang ganda ng mukha, ang ganda ng smile.

"’Tsaka may ugali siya na kalog.

“So, parang hindi ka mahihiyang ipakita kung sino ka talaga.

"Sa ganung hitsura, parang hindi ka mapi-pressure na, ‘A, ganito pala dapat ang makisama.’

“Kasi maraming tsismis na suplada, mataray, hindi ho! Mabait at kalog.”

Sa My Beloved daw ay "extra-extra" lang si RJ at doon niya napansin ang ugaling pinupuri niya sa aktres.

Kuwento niya, "Una, hindi niya ako pinapansin.

"’Tapos nung tumatagal, lagi na niya akong pinapangiti, lagi niya akong binabati.

“’Tapos ngayon po sa Carmela, pag nagkikita kami, talagang natutuwa ho siya. Nakakatuwa po.”

Wala raw problema kay RJ kung nagsimula siya bilang extra kahit nanggaling siya sa sikat na Padilla clan ng showbiz.

Sabi niya, “Choice ko po iyon.

"Mas gusto ko ho yung talagang may pinagdadaanan akong experience.

"Para matutunan ko po yung mga dapat matutunan pagdating sa industriya.

“Ayoko naman pong magso-short cut na lang ako dahil anak ako ni Rommel, kapatid ako ni Daniel, pamangkin ako ni Robin.

"Mas gusto ko ho munang mag-audition para mapatunayan ko rin sa sarili ko na karapat-dapat po ako sa industriya.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN