Comedian-magician Jeffrey Tam’s father found dead in Tayabas, Quezon

Hindi makapaniwala ang komedyanteng si Jeffrey Tam (nasa larawan) sa sinapit ng kanyang amang si Alfredo Francisco Tam, na natagpuang patay sa may gilid ng kalsada, sa Tayabas City, Quezon, noong madaling-araw ng Pebrero 11.


Natagpuang patay ang ama ng komedyante at magician na si Jeffrey Tam sa Tayabas City, Quezon, bandang 2:30 ng madaling-araw noong February 11, Martes.

Wala nang buhay nang matagpuan ang katawan ni Alfredo Francisco Tam, 67, residente ng Capitol Subdivision sa Barangay Cotta, Lucena City.

Ayon sa salaysay ng isang witness, na nagngangalang Mrs. Encanto, nakita niyang hinagis mula sa isang yellow Isuzu Crosswind ang katawan ni Mr. Tam sa tabi ng kalsada.

Sa ginawa namang imbestigasyon ng pulisya sa katawan ng biktima, nakita nila na ang duguang tire marks sa katawan nito. Patunay na ang ikinamatay ng biktima ay ang pagsagasa rito.

Natagpuan naman ang dilaw na Isuzu Crosswind sa Barangay Mayao Crossing, sa Lucena. Puno rin daw ng tilamsik ng dugo ang loob ng sasakyan.

Ayon kay Tayabas Police Chief Superintendent Giovanni Hycenth Caliao, sa kanyang panayam sa ABS-CBN News, “Unang napansin nung caller natin na may isang sasakyan na kulay dilaw na naka-park dun sa right shoulder ng provincial road facing the route going to Tayabas City proper…

"Mga ilang minuto nang mapansin niya, yung sasakyan, nasa left shoulder naman ng provincial road facing Lucena City.”

Hindi naman makapaniwala ang komedyanteng si Jeffrey Tam sa sinapit ng kanyang ama.

“Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon kung galit... Gusto kong maghiganti, ipagpasa-Diyos ko.

“Wala, tuliro ako, sa totoo lang...

"Napakabait ho ng tatay ko, wala hong inagrabyadong tao iyan.

"Masakit, sobra, sobra ho, hindi ko matatanggap,” pahayag ni Jeffrey sa ABS-CBN Regional Network Group.

Dagdag niya, “Sana sa lahat ng gumawa nito sa tatay ko, matakot kayo sa Diyos.

"May pamilya din naman kayo, I’m sure may tatay din kayo, bakit niyo naman ginawa sa tatay ko ito?

"Walang kalaban-laban, ang sakit!"

Ni-rule out na ng mga pulis ang robbery bilang motibo sa pagpatay sa ama ni Jeffrey dahil walang nawala sa mga personal na gamit ng biktima.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Jeffrey, ang huling alam nilang pinuntahan ng ama ay sa isang restaurant kunsaan makikipagkita raw ito sa kanyang kapatid sa Lucena City.

“As of now, wala kaming maisip, kasi ang tatay ko, walang kaaway iyan.

"Kaya nagulat ako nung itinawag sa akin ang balita, nasa Manila pa ako.

"Tuluy-tuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulis," sabi ng komedyante.

Ayon pa kay Jeffrey, nagsu-supervise ang kanyang ama sa development ng isang subdivision sa Quezon na negosyo ng kapatid nito.

“Every end of the month, umuuwi siya para makita kami.

“Sa bahay, mag-isa lang siya.

"Doon mismo sa loob ng subdivision ang opisina, pero ang bahay niya, hindi sa loob ng subdivision."

Hindi pa raw nalalampasan ni Jeffrey ang pagkamatay ng kanyang kaibigan na si Tado Jimenez, na nasawi naman sa isang bus accident sa Benguet noong nakaraang linggo.

Ngayon ay ang ama naman niya ang nawala.

Saad niya, “Wala na po akong hinihiling kung hindi ipagdasal niyo ang aking ama.

“Pilit kong sinasabi sa sarili ko, ‘Kung magaling kang madyikero, buhayin mo ang tatay mo.’

"Hindi ko magawa, hindi ko po magawa!” emosyonal na pahayag ni Jeffrey, na isa ring madyikero.

Nakilala si Jeffrey Tam sa mga comedy films tulad ng Juan & Ted: Wanted, Otso-Otso Pamela-Mela-Wan, at Baliktaran: Si Ace at si Daisy.

Lumabas din siya sa mga pelikulang Kailangan Ko’y Ikaw, Gangland, Scorpio Nights 2, Pedro Penduko, at Vertud Ng Putik.

Sa TV naman ay naging bahagi si Jeffrey ng mga programang Zaido: Pulis Pangkalawakan, Toda Max, at Little Champ.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN