Teejay Marquez spends Valentine’s Day with mom after years of separation

Teejay Marquez turns down his mom’s invitation to live with her in Japan. His reasons: "Hindi ko puwedeng iwan ang lola ko... Mahal na mahal ko ang lola ko kasi siya yung nagpalaki sa akin. Hindi ko rin basta-basta iiwan ang pag-aartista. Nagpaplano na rin akong mag-business at inaayos ko na lang."


Naging masaya ang Valentine’s Day ng teen star na si Teejay Marquez dahil for the first time ay nakasama niya ang kanyang inang naka-base na sa Japan.

Matagal-tagal na rin silang hindi nagkita.

Si Teejay mismo ang sumundo sa kanyang inang si Jennifer Valenzuela nang dumating ito gabi ng February 6.

Bumalik na si Jennifer sa Japan ngayong araw, February 15.

Kuwento ni Teejay sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sobrang saya niya sa pagdating ng kanyang ina.

“Sobrang na-miss ko siya. Last na na nakita ko siya, nung nasa Tween Hearts pa ako. Yun yung first time na nakita ko siya since birth.

“Nakikita ko lang kasi siya sa litrato, pinapakita ng lola ko.

"’Tapos nakikita ko lang siya sa Skype, doon kami nag-uusap.

"Pero ngayon lang talaga siguro kami nagkasama nang matagal-tagal,” lahad ng binata.

Ipinagmalaki ni Teejay sa ina ang pelikulang Basement kunsaan kasama siya sa cast.

Napanood na raw nila ito ng ina pero pinanood pa rin nila noong Valentine’s Day.

Ano naman ang komento ng kanyang ina sa kanyang performance sa Basement?

“Binulong niya sa akin na magaling daw ako, na proud daw siya sa akin,” sagot ni Teejay.

“Pakiramdam ko kasi, yun din yung kauna-unahang pagkakataon na sinabihan niya ako na proud siya sa ginagawa ko.

“Ang sarap pala ng feeling na mismong nanay mo yung magsasabi na magaling ka at proud siya sa ‘yo.

“Mas nakaka-inspire magtrabaho, it feels so good!”

Binisita rin daw nila ng kanyang mommy ang puntod ng kanyang daddy.

“Oo, sabay kaming pumunta dun, pumunta din yung bestfriend at kaibigan ng daddy ko,

“Yun naman kasi ang promise ng mommy ko na uuwi siya ng Pilipinas para bisitahin ang puntod ng daddy ko.

"Or else, baka dalawin siya ulit," aniya pa sabay tawa.

JAPAN-BOUND? May plano ba ang mommy niya na isama siya sa Japan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Meron, sinabihan niya ako na wala na daw ang daddy ko, baka gusto ko sumama sa kanya.

“Siguro, bakasyon puwede, pero kung doon na titira, hindi siguro.

“Kasi hindi ko puwedeng iwan ang lola ko, matanda na siya, wala siyang makakasama.

“Mahal na mahal ko ang lola ko, kasi siya yung nagpalaki sa akin.

“’Tsaka may trabaho naman ako dito.

"Mahal ko yung trabaho ko kaya hindi ko rin basta-basta iiwan ang pag-aartista.

“Nagpaplano na rin akong mag-business at inaayos ko na lang.”

Sinulit daw ni Teejay ang panahon na kapiling niya ang ina.

“Pag nasa bahay kami, ipinagluluto ko siya. Nagkukuwentuhan kami ng mga naging buhay namin na hindi kami magkasama," pagtatapos ni Teejay.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN