Ejay Falcon quashes rumors linking him to Sunshine Cruz: "Parang nilagyan ko ng malisya sa nanay ko."

“Siguro kung hindi kami nagkatrabaho sa Dugong Buhay, tingnan natin. Pero six months ang itinagal nung soap. Ang tagal naming magkakasama. ’Tapos nanay at anak ang turingan namin. Pa’no mo lalagyan ng malisya yung gano’n?" pahayag ni Ejay Falcon nang direktang tanungin tungkol sa isyung nagkakamabutihan diumano sila ni Sunshine Cruz.


Pinabulaanan ni Ejay Falcon, 24, ang usap-usapang nililigawan niya raw ang dating Dugong Buhay co-star niyang si Sunshine Cruz, 36.

Nag-ugat ang isyu dahil madalas silang lumalabas ng cast ng naturang afternoon soap, kahit noong September 2013 pa ito natapos umere sa ABS-CBN.

Masyado raw kasing malapit si Ejay kay Sunshine kapag lumalabas sila, kaya’t nagkaroon ng impresyon ang ilan na nagkakamabutihan na ang dalawa.

Ngunit ayon kay Ejay, “Wala po, wala talaga.

"Iharap niyo sa akin kung sino yung nakakakitang lumabas kami.

"Lumabas kami, pero as a group.

"May nagsabi ba sa isa sa mga cast ng Dugong Buhay na nagliligawan kami? Wala namang makapagsabi."

Ngayong Lunes, February 17, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment reporters si Ejay pagkatapos ng presscon proper ng Third Eye—ang bagong horror film ng Regal Entertainment na pinagbibidahan nila ni Carla Abellana.

Isa pang lumalabas na espekulasyon kung bakit nali-link si Ejay kay Sunshine ay dahil naihahalintulad umano ang una sa estranged husband ng aktres na si Cesar Montano.

Tulad ni Cesar, moreno at mala-action star ang dating ni Ejay, kaya’t posible umanong magkagusto sa kanya ang aktres.

Pahayag ng Kapamilya actor ukol dito, “May nagsabi dati na action star [ang nali-link kay Sunshine].

"Pero Dugong Buhay pa lang naman at Saka Saka ang action na ginawa ko. Hindi ko pa naman iniisip yun [na action star ako].

“Pero wala, irespeto na lang natin si Ms. Shine.

“Nahihiya ako sa kanya kasi ang dami-dami niyang pinagdadaanan ngayon ’tapos may lalabas pang intriga.

“Sabi ko nga, hindi naman niya deserve yun, kasi napakabuti niyang tao.”

Noong una nga raw nilang mabalitaan ang tungkol sa isyu ay nakapag-usap agad sina Ejay at Sunshine sa pamamagitan ng Viber.

Kuwento pa ni Ejay, pareho silang nagulat ng aktres na nauugnay sila sa isa’t isa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero hindi naman daw ito big deal para sa kanila kaya’t pinagtawanan na lang nila ang isyu.

Bagamat hindi raw maikakaila na maganda at mukhang bata pa rin si Sunshine, hindi lang talaga lubos maisip ni Ejay na magkagusto siya sa aktres na gumanap bilang ina niya sa Dugong Buhay.

Sabi niya, “Siguro kung hindi kami nagkatrabaho sa Dugong Buhay, tingnan natin.

“Pero six months ang itinagal nung soap. Ang tagal naming magkakasama. ’Tapos nanay at anak ang turingan namin.

“Paano mo lalagyan ng malisya yung gano’n? Parang nilagyan ko ng malisya sa nanay ko.”

YAM CONCEPCION. Ang totoong niligawan daw ni Ejay ay si Yam Concepcion, na siyang leading lady niya noon sa serye.

“Si Yam kasi, isa yun sa sobrang napalapit sa akin.

"Nag-date kami pagkatapos na nung soap. Kasi ayaw kong manligaw ng katrabaho ko sa set dahil baka mawala sa focus," pag-amin ni Ejay.

November 2013 nang sumunod si Ejay sa Bangkok, Thailand, kung saan nagbakasyon si Yam kasama ang mga kaibigan nito.

Marami sa kanilang fans ang kinilig nang mag-post sila ng photos sa Instagram ng ginawa nilang food trip at pamamasyal sa ibang bansa.

Bagamat puro solo pictures ang ibinahagi nila sa naturang photo-sharing site, inamin naman nina Yam at Ejay na magkasama silang nagbakasyon noon.

Ngunit ayon kay Ejay, huminto siya sa panliligaw niya kay Yam dahil naging abala sila pareho sa kani-kanilang trabaho at iba pang personal na dahilan.

“Kasi feeling ko yung oras, naging busy,” sabi ng young actor.

Hindi kaya nagkagusto si Ejay sa iba kaya bigla siyang umatras sa panliligaw sa dalaga?

Pabirong sagot ulit ni Ejay, “Walang third party. Third eye, meron!”

Sa ngayon, hindi raw niya alam kung may iba nang idine-date si Yam, dahil noong December pa sila huling nakapag-usap.

Basta sa parte ni Ejay, zero raw ang lovelife niya sa kasalukuyan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala akong ka-Valentine [noong February 14], kundi yung bata kong kapatid.

"Siya ang kasama kong lumabas at nag-malling sa Rockwell nung Valentine’s Day.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN